“Subalit paano mo nalaman ang aking ginawa kay Laura, Anita?” mahinang tanong ng nanlilisik na si Jaoquin na kaagad napasok ni Felimon dahil sa kalabog.
Dahan dahang bumangon si Corazon na nakatitig kay Jaoquin. Nakita niya rin ang nakatyong nanginginig na si Anita.
Walang buhay ang kanyang mga tingin.
“Nais kong layuan mo ako Jaoquin.” mahina ang mga salitang iyon na siyang unang lumabas sa namumutlang mga labi ni Corazon.
Ang paghanga na kanyang nakita walong taon na ang nakalilipas sa Ginoong kaharap ay nawala. Ang galit na hindi niya maipakita ay idadaan na niya na lamang sa pag-iyak.
“Subalit ako ang iyong mapapangasawa!” tumaas ang tono ng galit na si Jaoquin na siyang lumalabas na ang totoong kulay.
“Ikaw ba ay nababaliw? Ikaw ang nagmakaawa sa harap ni ama upang ako’y mapangasawa sa kabila ng pagkalugmok ng iyong pamilya! Ngunit, tila…”
“IKAW ANG NABABALIW JAOQUIN! IKAW!” sigaw ni Corazon na agad ikinanlisik ng mga mata niya at nilapitan si Corazon.
“Bawiin mo ang iyong mga sinabi! Ako ay hindi nababaliw!” ang mga hawak ni Jaoquin ay napakahigpit subalit ang mukha ni Corazon ay hindi nagbago.
“Noon lamang kita gusto Jaoquin. Noon lamang.” napabitaw si Jaoquin sa mga narinig.
“Hindi ako magpapakasal sa iyo. At hinding hindi ako mapapasaiyo.” napaatras si Jaoquin sa sumunod na narinig.
“Hindi ako sasama sa iyo Jaoquin hindi dahil hindi kita mahal kundi dahil iyon ang dapat mangyari. Hinding hindi ako mapapasaiyo at hinding hindi ka mapapasaakin!” ang mga boses ni Laura ay umalingawngaw sa tenga ni Jaoquin na siyang dahilan upang mapasigaw siya sa pangalan ni Laura at magwala sa silid na iyon.
Walang nagawa si Corazon, napasandal sa pader si Anita. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lamang ang ikinikilos ng Ginoong minsan niyang hinangaan. Si Felimon naman ay hindi na nagtaka. Alam niya ang mga nangyayari subalit wala siyang lakas na sabihin ang lahat.
Mula sa likod ay niyakap ni Corazon ang Ginoong nagwawala. Umiiyak ito na para bang nagsisisi. Napaluhod silang dalawa sa harapan ni Anita at Felimon. Umiiyak ang walang buhay na mukha ni Corazon habang patuloy ang pag-agos ng mga luha sa mukha ni Jaoquin.
“Hindi ko sinasadya na…” nahinto si Jaoquin at agad inilayo si Corazon sa kanya.
Kanyang naalala kung gaano katuso ang Binibining nasa likuran niya. Kaya nitong paikutin ang halos lahat ng tao sa paligid nito. Ang mukha nito ngayon ay iba sa mukha ng babaeng nakausap niya at ng kanyang ama. Iba din ito sa babaeng minsan nang sinigawan siya. At iba din ito sa mukha ng babaeng noon ay sumira sa kanya at kay Laura.
“Sino ka ba talaga Corazon?” tanong na dapat itinanong na niya noon pa subalit parati niyang ayaw itanong.
“SINO KA BA TALAGA!?” makabasag tengang sigaw ni Jaoquin sa nakaluhod na si Corazon.
Nanginginig ang mga kamay ni Corazon sa tanong na narinig. Isang salita lamang ang nais marinig ni Jaoquin at iyon ang sabihin niya ang tunay na siya.
Napatingin siya kay Felimon na naghihintay din ng kasagutan habang si Anita ay hindi makatingin sa kanya.
“Ako ay si Corazon dela Concepcion, ang nag-iisang anak nina Doña Felita at Don Hernan.” iyon ang nais niyang sabihin subalit hindi kaya ng kanyang bibig.
“Ako ay…” ang mga luhang nagsimulang umagos ay tumulo sa paanan ng umiiyak na si Corazon. Kanyang naaalala ang ngumingiting ina at ama habang binibigyan siya ng pagkakataong magsalita.
“Ako ay nababali…..”
“Hindi ka nababaliw Coreng!”
“Sinong nagsabing nababaliw ka Corazon?”
“Teka lang, kung tunay kang nababaliw, bakit may sarili kaming isip?”
Natulala si Corazon sa mga narinig. Tatlong katauhan ang nagsalita sa kanyang isipan. Tatlong katauhan na iiba ang boses at alam niyang iyon ang kanyang mga kapatid.
Si Rasilita, si Zonya at Constantina. Ayaw ng kanyang mga kapatid na sabihin niyang siya’y nababaliw subalit hindi nga ba?
Hindi mapakali si Jaoquin sa gagawin. Napahawak siya sa kanyang ulo kung saan naiisip niya ang bawat mukha ng kaharap na babae ngayon. Siya’y pinaglalaruan nito ng labis at ngayon niya lamang ito nabatid.
Mula sa pagkakaluhod ng tulala ay kinaladkad ni Jaoquin si Corazon palabas ng pagamutan kung saan nakita ng mga nagkukumpulang mga mamamayan ang pangyayaring minsan na nilang nakita sa plaza noon.
Subalit nag-iba ang pwesto ng mga tauhan. Ang anak ng dela Concepcion na ngayon ang nakaluhod sa harapan ng isang de Labrador.
Ang mga nakabantay na guwardiya ay agad pinalibutan ang mga taong akmang magtutungo at walang takot na pipigilan ang anak ng Gobernadorcillo.
“Ngayo’y sabihin mo sa aming lahat ang tunay mong pagkatao Corazon!” sigaw ni Jaoquin sa pagmumukha nito.
Ang nakasunod na si Felimon ay walang magawa habang si Anita naman ay lumalayo sa pagamutang iyon. Batid niyang pagkakataon na niya ito upang makatakas sapagkat alam niyang siya ang isusunod ni Jaoquin lalo na’t alam niya ang malaki nitong kasalanan.
“Sabihin mong ikaw si Corazon Coreng dahil ikaw naman talaga si Corazon.” napairap si Rasilita sa isipan kaya napangiti si Corazon na ikinagulat ng mga tao. Nakatingin kasi ito sa kawalan.
“Hindi sila magtataka kung magsasalita ka na ngayon.” ngayo’y naiireta si Constantina.
“Nais mo bang kami ang magsalita para sa iyo Corazon?” tanong ni Zonya at napailing-iling ito.
Ang mga mata ng mamamayan at nakatuon sa ginagawa ni Corazon.
“Tila nababaliw ang nag-iisang anak ng mga dela Concepcion.” mahinang wika ng isang matandang babae at napaluha na para bang naiintidihan niya si Corazon.
“HINDI AKO NABABALIW!”sigaw ni Corazon na ikinatahimik ng mga bulungan.
“Sasagutin kita sa kung sino nga ba ako Jaoquin dahil iyon naman ang nais mong malaman hindi ba?” dahan dahang tumayo si Corazon at napangiti.
“HAHAHAHA… Ang iyong boses ay nag-iba!” nanlisik ang mga naniningkit na mata ni Rasilita.
“Nawa’y bigyan mo ng leksiyon ang Ginoong iyan Rasilita!” wika ni Zonya.
“Bakit ba kasi ayaw ninyong maikasal sa matipunong Ginoong iyan?” tanong ni Constantina na siyang ikinagalit ni Zonya.
“Kasalanan mo ito Constantina. Ikaw ay mag-isang nagdesisyon kung sino ang ating papakasalan!”
“Malay ko bang ayaw ninyo kay Ginoong Jaoquin! At saka inililigtas ko lamang ang ating sarili upang hindi tuluyang malugmok!”
Napailing iling si Rasilita sa bangayan ng magkakapatid sa kanyang isipan. Wala man doon si Corazon alam niyang ibinigay nito ang karapatang magsalita gamit ang pangalang Corazon.
“Bakit hindi ka magsalita, Corazon!?”
“Ako!…. Ako si Corazon dela Concepcion, ang nag-iisang..”
“Ang nag-iisang Binibining aking minamahal.” isang masayang sigaw sa di kalayuan ang umalingawngaw sa harapan ng pagamutan na siyang ikinatingin ng lahat sa pinanggalingan ng sigaw at pagtigil ni Rasilita.

BINABASA MO ANG
CoRaZon
Historical FictionDadalhin tayo ng kwentong ito sa panahon ng mga Kastila sa mga iilang taon bago maisakatuparan ang Maura Law na ibig baguhin ang mga karapatan ng mga Principalia kung saan makikilala ang isang tinuringang baliw na si Corazon sa bayan ng San Antonio...