Chapter 54

31 0 0
                                    

Gabi na at malamig ang simoy ng hangin, maririnig pa rin ang lakas ng hampas ng alon ng dagat kahit nasa taas kami ng bundok. Nakaririnig ako ng ingay sa labas kaya lumabas ako mula sa kubo ni Manang Lisa.


Pagkalabas ko ay nakikita ko ang mga taga rito na nagsasama-sama at nagkukumpulan sa may apoy. Nagsasayawan at nagkakantahan sila, makikita sa mukha nila na masaya sila kasamang nakikihalubilo ang mga rescue team at ang bodyguard, mamangkero at si Cydric. Kasalukuyang iniihaw at ginagawang lechon ang baboy ramo na himuli ng rescue team, iyon pala ang dahilan ng putok kanina dahil akala ng pinsan ni Mich ay inaatake na siya ng kanibal, iyon pala ay baboy ramo.


"Maganda ba yang nakikita mo?" Sabat sa gilid ko na si Manang Lisa.


"Opo. Parang wala silang problema. Samantalang kami na nasa siyudad, pagkagising sa umaga hanggang matapos ang araw ay iisipin kung paano kami mabubuhay."


"Kung iisipin, iisa lang ang mundong ginagalawan natin, pero bakit magkaiba tayo ng iniisip? Hindi ba't depende rin sa tao kung anong gusto niyang buhay ang tahakin?"


"Bakit? Naisip niyo po ba na sana iba ang buhay niyo? Maganda, marangya, at wala kang poproblemahin kundi ang kung saan mo gagastusin ang pera. Matanda na ko pero wala pa kong nararating sa buhay."


"Maniwala ka o sa hindi, iba ang pinangarap ko, at nakuha ko na ito ngayon." Napatingin ako kay Manang Lisa. "Lumaki ako sa marangyang pamilya. Halos kilala ang apelyido namin sa negosyo at medisina. Pero hindi ako masaya, kahit sinunod ko ang gusto ng mga magulang ko na maging doktor at makakuha ng napakataas na parangal ay pakiramdam ko ay hindi pa rin sapat. Hindi ko maintindihan ang sarili ko noon at wala pang naiisip sa kung ano talaga ang gusto ko. Minsan ay inimbita ako sa isang feeding program at pumunta sa bundok at manatili ng ilang araw. Dito kami napadpad, unang punta ko palang rito ay mahirap dahil walang kuryente at malayo sa siyudad, pero sa bawat araw na nagdaan nasaksihan ko kung paano sila mamuhay, naging pamilya ko na rin sila. Kakaibang emosyon ang naramdaman ko nung kasama ko sila, para sakin eto ang pamilya. Doon ko napagtanto kung ano ba talaga ang gusto ko. Iyon ay mamuhay nang mapayapa at simple lang. Kaya tinalikuran ko lahat para dito. At kasing edad lang kita noon nung napagdesisyunan ko na manirahan dito. Sinabihan ako ng tunay kong pamilya na baliw dahil mas pinipili ko ang ganitong pamumuhay kesa sa karangyaang natatamasa ko. Pero ayos lang yun, mas kelangan nila ako rito, pero higit pa riyon, natagpuan ko na ang sarili ko." Tinignan naman ako sa mata ni Manang Lisa at tinapik tapik ang balikat ko. "Huwag mong isipin na huli na ang lahat para sa iyo ang mangarap. Ang isipin mo eh kung madadala mo yung mga ninanais mo at maipagpapatuloy mo ba ang karangyaan sa langit. Isa lang ang buhay natin, huwag mong hayaan na magsisi ka sa huli dahil abala ka sa mga bagay na hindi naman talaga mahalaga. Huwag kang matakot ipaglaban ang mga bagay na ninanais mong makuha. Sabihan ka ng iba na baliw, huwag mo silang pakinggan. Ikaw ang mamimili ng gusto mong maging. Sulitin mo ang bawat araw habang may kakayahan ka pang huminga."


Tama si Manang Lisa, dahil sa mga sinabi niya ay mas lalo akong nahikayat na ipaglaban ang kaligayahan kesa naisin ang mga bagay na panandaliang kasiyahan lamang. Bakit nga ba ko maghahangad ng mas higit pa? Sakin nakadepende at ako ang mamimili kung anong buhay ang tatahakin ko. Dahil rin sa kanya, mas lalong lumakas ang loob ko na ipaglaban ang karapatan ko lalo na kay Sophia.


"Tandaan mo rin, sa bawat pagpili, may maiiwan. Sa pagtungo ng kaligayahan, may masasaktan. Kaya dapat ay handa ka sa kung ano ang isasakripisyo mo."


Handa nga ba ako?


"Ano po pala yung sabi-sabi na mayroong nakatira rito sa isla na kumakain ng tao? Totoo po ba iyon?"


Tumawa nang malakas si Manang Lisa sa tanong ko. "Hindi ko lubusang akalain na kapani-paniwala ang mga bagay na inimbento lang namin ni Leo."


"Sino pong Leo?"


"Si Leo, ang kasalukuyang mayor sa siyudad, matalik ko siyang kaibigan. Nakiusap ako sa kanya na kung maaari ay walang ibang dayuhan o bisita ang dumaan rito upang hindi masira ang kalikasan rito sa isla. Para manatiling tahimik ang aming lugar. Alam kong wala kaming kontrol kung sakali mang pagdiskitahan ito ng gobyerno at gawing pasyalan o bakasyunan o ibenta sa dayuhan ang lupaing ito, kaya pinayuhan ko si Leo na proteksiyunan ang isla na ito kahit anong mangyari, kahit ipagkalat sa iba na nakakatakot ang lugar na ito ay siya nang bahala, pero ang mga taga rito ay mapagmahal. Galing sila sa bisayas, napadpad lang sila rito noong medyo magulo pa ang administrasyon sa siyudad nila at ninais nilang mamuhay ng payapa at walang gulo."


"Pero wala po ba talagang nakakatakot rito?"


"Sa tatlong pu't dalawang taon ko na rito sa lugar ay halos alam ko na ang bawat sulok ng isla na ito at wala kaming nababalitaan na kahit anong nakakatakot. Pero isa lang ang hinihiling ko at nais kong sabihin mo ito sa mga kasama mo, na kahit anong mangyari ay manatili lamang na sikreto ang iyong karanasan rito sa isla. Hayaan niyong maniwala ang mga tao sa siyudad sa mga sabi-sabi."


"Paano po iyon? Eh yung dalawa sa rescue team at si Raffy ay bumalik sa siyudad para ipaalam na ligtas kami rito."


"Bago sila umalis ay napagsabihan ko na sila sa kung ano ang dapat nilang sabihin. Matakot sila kung susuway sila, kaibigan ko si Leo, kapag nabalitaan niya iyon ay siguradong lagot ang mga iyon, palihim na dumadalaw si Leo rito tatlong beses sa isang buwan.


Nagtawanan na lamang kami ni Manang Lisa, maya't maya ay narinig ko na ang boses ni Liam. Mukhang gising na siya.


(To be continued.)

ALL ABOUT LIAMWhere stories live. Discover now