xxxx
AX4
HE STEAMED HER UP
SINANDAL ni Vinch ang kanyang likod sa upuan. Habang nasa kanan niya si Michigan. Nasa harap ngayon nila si Totoy Kalbo, nakakurba ang ngising aso sa labi. Nakatayo ang mga alipores nito sa gilid. May mga armas na hawak.
"Mukhang mga bata pa kayo, ah?" panimula ni Totoy Kalbo habang humihithit sa tabacco nito. Hindi naman ito gano'n katanda ngunit tila nasa kurenta na ang edad. May makapal na bigote at walang buhok sa ulo.
"Kasi hindi kami matanda," biglang sagot ni Michigan at inayos ang sumbrero. Nakita ni Vinch kung paanong tignan ni Totoy Kalbo si Michigan at pagkatapos ay ngumisi.
"Babae ka ba talaga?" tanong nito. Itinaas ni Michigan ang kanyang paa sa mesa na siyang ikinagulat ni Vinch. Pinagmamasdan niya ang bawat galaw ni Michigan at kinakabahan para rito.
"Mukha ba akong lalaki sa paningin mo?" nakataas kilay nitong tanong. "Kalbo na nga, wala pang common sense," bulong pa ni Michigan sa sarili.
Naalarma naman si Vinch kaya't siya na ang nagsalita. Tumawa siya nang pilit upang makuha ang atensyon ng mga kausap. "Pasensya ka na rito boss, mainit ang ulo. Napagalitan kasi ni Uno kanina, pinapabili ng talong, patola ang nabili."
Nagbuga ng usok galing sa tabacco bago nagsalita si Totoy Kalbo. "Osya, hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Mamayang madaling araw na gaganapin ang transakyon namin ng boss niyo. Napa-aga 'yon. Hindi pwedeng mabuliyaso 'yon, nakahanda na ang pera na ipapalit namin kaya't sana handa na rin kayo."
Ngumisi si Vinch dito at nagpangalumbaba sa mesa. "Sa palagay mo ba papapuntahin niya kami rito kung hindi kami handa? Hindi gano'n katanga ang boss namin na para isabak kami sa gera na wala kaming dala na kahit ano," sabay kuha ng bag na nasa likuran. Binuksan ito atsaka inilabas ang isang plastic na may laman na puting pinong bagay. Tila asukal lang ang itsura nito. Inihagis niya iyon kay Totoy Kalbo. "'Yan ang sample."
Kinuha naman 'yon ni Totoy Kalbo at inabot sa isa sa mga alipores nito. Nagkatinginan lang sila at alam na nito ang dapat gawin. Binuksan ang plastic atsaka isinawsaw doon ang isang daliri pagkatapos ay nilasahan sa bibig.
Gustong ngumiwi ni Vinch dahil sa nakikita. Hindi siya komportable sa mga nasasaksihan niya at ramdam niyang gano'n din si Michigan.
Matapos tikman ng lalaki ang bagay na 'yon sinulyapan nito muna si Vinch at bahagyang ngumisi. Ito yung pulis kanina. Pagkatapos ay humarap na kay Totoy Kalbo.
"Positive boss."
Ipinatanong ni Totoy Kalbo ang kamay sa mesa atsaka tinitigan ang dalawa nang taimtim habang nasa bibig nito ang kanyang tabacco. Ipinitik nito ang kamay sa gilid atsaka biglang tumayo, nagtaka naman sina Vinch sa biglaang pag-alis nito kaya't nagkatinginan pa sila ni Michigan.
Tila may nararamdaman silang hindi magandang nangyayari. Naalarma si Vinch nang bigla siyang tutukan ng baril nang dalawang alipores ni Totoy Kalbo kanina. Pagkatapos ay biglang bumukas ang pintuan atsaka nagsipasok ang iba pang tauhan ni Totoy Kalbo. May mga hawak na patalim ang ilan at ang iba nama'y kahoy na tila handa ng mambugbog.
Napalunok ng ilang beses ang dalawa.
Halos hindi na nga huminga si Michigan sa kabang nararamdaman. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman. Natatakot siya na hindi mapakali. Sa gilid ng kanyang mata tinignan niya si Vinch, hindi bakas sa mukha nito ang kaba. Ngunit rinig nito ang buntong hininga ng binata.
Dahan dahan itong ngumisi pagkatapos ay mabilis na hinila ang kamay niya at ipina-ilalim sa mesa na animo'y tinatago siya.
"Gan, dapa!"