Chapter One
Dinama ko ang bawat patak ng ulan sa bintana ngayon. Gabi na pero masaganang bumubuhos pa ang ulan.
Narinig kong umungot si Kate sa tabi ko kaya inayos ko ang kumot nya bago hinaplos ang buhok nya. Bata palang ang kapatid ko kaya kailangan ko syang bantayang maigi dahil iyon ang pinangako ko sa mga magulang ko bago sila nawala. Simula nang mamatay sila pakiramdam ko, mas kailangan kong tumayo sa sarili kong mga paa ngayon.
Maaga akong nagising para tumulong sa pagluluto at pag aayos ng hapag. Ayaw ko namang masabihan ng mga Tita ko na tamad, nakakahiya na ngang tinaggap nila kami ni Kate dito sa pamamahay nila, maano namang tumulong ako.
"Eto ang pagkain nyo ni Kate. Gisingin mo na ang kapatid mo."
"Salamat po, Tita," tinanggap ko iyon at dinala sa silid namin ni Kate.
Kasalukuyan na nyang kinukusot ang mata at kagigising lang. Ngumiti ako at pinakita ang dala kong plato.
"Kumain ka na, para makaligo na din at hindi ka mahuli sa klase mo."
Tumango sya at nagsimula nang kumain. Naligo na ako at nag ayos para sa eskuwela. At nang natapos si Kate ay nagpaalam na kami sa Tita namin. Nagpasalamat ako nang abutan nya kami ng barya para sa baon namin.
Hinati ko iyon at binigay ang malaking parsyal kay Kate, kapagkuwan ay tinapik ko ang ulo nya.
"Pasok na, hintayin mo ako dito ha mamayang uwian."
"Opo, ate!"
Hinintay kong makaupo sya sa pwesto nya bago ako pumihit patungo sa room ko.
Ganoon lang ang takbo ng buhay namin ni Kate. Hanggang sa dumating ang araw na pinasa kami ni Tita sa isa pa naming kamag anak. Meron silang karinderya. Bilang kapalit sa pagkupkop nila ay tumutulong ako doon.
Sinigurado kong maayos na ang higaan namin ni Kate bago ako nagpasyang matulog.
Kung inaakala kong magiging maayos ang buhay namin, ay nagkamali ako. Natakot ako ng isang gabi ay mahuli ko ang tiyuhin na hila hila si Kate sa kung saan. Nagsumbong ako sa Tiyahin ko pero imbes na panigan, ako pa ang nagmukhang masama. Ganito ang kinamulatan kong mundo habang lumalaki ako.
Hindi ko na mabilang kung ilang beses kaming pinagpasa pasahan ng mga kamag anak nina Nanay.
Sa batang kaisipan, maaga kaming iniwan ng Tatay. At habang papalaki, kalaunan ay iniwan na din kami ni Nanay. Hindi ko mawari kung bakit sa amin pa nangyari ang bagay na ito.
"Pasensya na kayo, hindi ko na talaga kaya ang mga gastusin sa bahay." Ilang beses sinabi ni Tita Mayet iyon sa amin habang lulan kami ng tricycle kung saan papunta kaming ampunan.
Bukas na ang isip ko sa lahat ng bagay sa paligid namin. At ngayon nga, kausap na ni Tita ang sister na taga pangalaga ng ampunan.
Pinasadahan ko ng tingin ang paligid. Ganito pala ang ampunan. May chapel sa gilid at may malawak na playground. Kinalabit ni Kate ang braso ko.
"Ate, anong ginagawa natin dito?" Bilog ang mata nya at inosenteng inosente.
"Dito na ata tayo titira ngayon. Gusto mo ba dito? May mga kalaro ka oh."
Tumango sya bago sinilip ang mga batang naglalaro. I sighed.
"Carmela," bumaling ako kay Tita. "Maiiwan ko na kayo dito,"
Kahit na gusto kong magreklamo, pinigilan ko ang sarili ko. Kahit na magreklamo din ako, iiwan pa din kami ni Tita Mayet dito sa ampunan.
"Ako si Mother Sylvia," ani ng madre na kaharap namin.
