SHARLENE
Napatingin ako sa kamay naming magkahawak at napangiti. Tapos na ang klase at ihahatid daw niya ako kahit hanggang sa kanto lang namin. Pumayag naman ako at sinabing maglakad na lang kami para mas matagal ang oras na magkasama kami.
"Ilan na ang naging girlfriend mo?" tanong ko para may mapag usapan.
"Ikaw pa lang." mabilis niyang sagot.
"Weh? Di nga?" di makapaniwalang tanong ko.
Tinignan niya ako at pinaningkitan ng mga mata.
"Hindi ba kapani paniwala?"
"Oo naman! Ang gwapo mo tapos ang galing mo pang magpakilig. Imposible naman na wala ka pang naging girlfriend no!" ngumisi siya na ikinapagtaka ko.
"So, inaamin mo na bang kinikilig ka dahil sa akin?" mayabang niyang tanong.
"Wow ha! Ang feeling mo talaga!" bibitawan ko na sana ang kaniyang kamay pero hindi niya ako hinayaan.
Lalo niyang hinigpitan ang hawak sa akin.
"Hindi ka na pwedeng bumitaw basta basta."
Natahimik na lang ako at hindi na muling kumibo pa. Nang madaanan namin ang dessert shop na paborito ko ay inaya ko siyang kumain.
"Anong trabaho ng parents mo?" tanong ko habang kumakain ng ube cake.
"May business sila."
"Talaga? Anong business?" tanong ko ulit at kumuha ng kinakain niyang ice cream.
Hinayaan naman niya ako na ikinangiti ko. Akala ko kasi magrereklamo siya eh.
"Kung anu ano lang. How about you? Anong trabaho ng parents mo?" tanong niya at pinunasan ang kalat sa gilid ng aking bibig.
"Sales lady si Mama. Si Papa naman iniwan kami. Matagal na yun kaya wala na din akong balita sa kaniya."
"I'm sorry."
"Wala yun no. Matagal ko ng tanggap na kami na lang ni Mama ang magkasama sa buhay."
Pagkatapos naming kumain ay umuwi na din kami.
"Dito na ako."
Sinilip niya ang kanto namin kaya napatingin din ako doon. Tulad ng nakasanayan ay maraming mga tambay at mga bata ang nandoon.
"Ayaw mo bang ihatid kita sa loob?" tanong niya dahilan para mabalik sa kaniya ang aking tingin.
"Hindi na. Maraming chismosa doon at baka ibalita agad kay Mama na may gwapong naghatid sa akin." sabi ko at nginitian siya.
Ngumiti din siya at napailing.
"Sige na. I'll call you later."
"Ingat ka ah. Bye!"
Tumango siya kaya naman nauna na akong naglakad papasok sa kanto namin. Nang lingunin ko siya ay napangiti ako ng makitang nandoon pa din siya. Nakagat ko ang pang ibabang labi at naglakad na ulit ng maayos.
Nang makarating sa bahay ay naabutan ko si Mama na nagtutupi ng mga damit.
"Hi Ma." lumapit ako sa kaniya at humalik sa kaniyang pisngi.
"Nagluto ako ng turon. Magmiryenda ka doon."
"Mamaya. Medyo busog pa ako." umupo ako at tumulong din sa pagtutupi ng mga damit. "Simula pala next week malelate ako palagi ng uwi."
"Bakit?"
"Magsisimula na ang practice ng theatre club. May kumuha sa akin bilang student manager."
"Student manager? Baka naman mapagod ka masyado niyan." tanong niya at huminto pa sa pagtutupi.
"Hindi naman, Ma. Isa pa, dagdag grades din iyon. Sayang naman."
"Ikaw ang bahala. Basta siguraduhin mong hindi ka nalilipasan ng gutom dahil dyan." paalala niya at bumalik na sa pagtutupi.
Napangiti ako at niyakap siya.
"Thank you, Ma. Salamat sa pag aalaga sa akin." nakangiting sabi ko at hinalikan siya sa pisngi. "Pwede na akong magboyfriend?"
"Anong sabi mo?! Bawal ka pang magboyfriend! Wag mo akong gayahin na maagang nagboyfriend at nabuntis din ng maaga. Oh ngayon, nasaan ang magaling mong tatay ha? Pagkatapos ng sarap biglang hindi na mapanindigan."
"Oo na. Joke lang naman eh." awkward akong tumawa.
"Siguraduhin mo lang ah! Oras na malaman kong nagboboyfriend ka na ay talagang palalayasin kita dito." banta niya at pinanlakihan pa ako ng mata.
Tumango ako at ngumiti na lang. Alam kong hindi naman talaga niya iyon magagawa pero ngayon pa lang ay nakukunsensya na ako dahil sa pagsisinungaling ko sa kaniya. Ayaw ko namang itago ang kung anong mayroon kami ni Kevin pero hindi pa din naman ako handang umamin kay Mama. Natatakot akong baka masaktan siya dahil sa akin. Natatakot akong baka sisihin niya ang sarili niya dahil maaga akong nagkaboyfriend. I don't want to disappoint her.
Noong gabing iyon ay hindi mawala sa isip ko ang mga sinabi ni Mama. Kanina pa tumatawag si Kevin pero hindi ko sinasagot. Nagtext na lang tuloy siya ng good night dahil akala niya siguro ay tulog na ako. I feel sorry for him. Wala naman siyang ginagawang masama pero ginaganito ko siya ngayon.
Talagang kumplikado din pala ang pagpasok sa isang relasyon. Akala ko noon ay puro saya at kilig lang. Akala ko basta magkasama kayo ay magiging okay lang ang lahat pero hindi pala iyon ganoon kadali.
