Puno ng Alaala

71 2 0
                                    

MAGPAPASKO na naman. Siguradong masisilayan ko na naman sila. Makikita pagkatapos ng isang mahabang panahon. Mula rito sa madilim na silid, na halos lahat ng mga bagay ay unti-unti nang nawawalan ng silbi.

Limang taon. Hindi ako sigurado. Naalala ko pa nang una ko silang nakita. Masaya sila habang tinitingnan ako.

"Ma! Tingnan mo ito, murang christmas tree..."

"Oo nga Pa! Maliit pero cute."

Masaya nila akong binili. Sa pagkakaalam ko'y bagong kasal pa lang sila noon. Parang kailan lang, masaya ako habang nilalagyan nila ng mga palamuti. Lalo na nang lagyan nila ako ng bituin sa ulo. Napakasaya nila, unang pasko na magkasama sila at unang pasko na nakasama ko sila. Akala ko wala nang katapusan noong mga naunang tatlong taon, sa loob ng maliit nilang bahay ay hindi nila ako inaalis. Pakiramdam ko noon ay may silbi ako sa kanila, pero nang dumating si Allan, ang panganay nila. Nang matuto na siyang magsalita nagsimula ang lahat... Gumiginhawa na rin sila sa buhay noon.

"M-mamma... B-big chritmat tree." Halos hindi pa siya makapagsalita nang diretso pero naintindihan nila. Naintindihan ko. Gusto ni Allan na palitan na ako. Palitan ng mas malaki. Mas bago, mas maganda.

"Sige, 'Nak. Kapag nasa new house na tayo."

Nang mga sandaling iyon, gusto kong tumutol. Gustong kong magsalita. Gusto kong sabihing huwag. Napamahal na sila sa akin. Kahit hindi Pasko ay nakikita ko silang masaya. Kapag nakikita ko minsan ang mga pag-aaway nilang mag-asawa gusto ko silang pangaralan. Pero ang pinakagusto ko, sa huli ay nagkakaayos pa rin sila. Gusto ko pa silang makasama nang matagal. Ngunit ano nga ba ang magagawa ko? Bagay lang ako. Isang plastik at maliit na christmas tree. Bata si Allan at alam kong hindi siya tatanggihan ng Mama't Papa niya.

Nangyari nga ang inaasahan ko. Nang mga panahong iyon, bagong gawa na rin ang bahay nila. Ipinagbili na nila ang munti nilang bahay. Ang bahay kung saan ko sila nakilala. Isinama nila ako sa kanilang pag-alis. Masaya ako dahil gumanda na ang kanilang buhay. Pero nandoon din ang lungkot dahil nang araw na iyon, dito na nila ako dinala... Sa loob ng bodega na isa o dalawang beses lang nila dalawin. Kapag Pasko ang isa, para kuhanin at ilabas ang malaking christmas tree sa harapan ko. Nakakainggit pero wala na akong magagawa. Ito na ang kapalaran ko.

BIGLANG bumukas ang ilaw sa loob ng kinalalagyan ko. Tulad ng dati, nakita na naman ang mga sapot ng gagamba sa mga kasamahan ko. Pero maswerte pa rin itong christmas tree sa harapan ko. Siguradong makakalabas na naman siya mula rito.

"Naku Pa! Ang daming agiw."

"Linisin ko na lang Ma."

Napangiti ako nang muli ko silang nakita. Wala pa rin silang ipinagbabago. Masaya pa rin sila. Talagang mahal nila ang isa't isa. Totoong nakakalungkot ang nangyari sa akin pero masaya na rin ako lalo pa't masaya sila. Ang importante ay nandito pa rin ako sa bahay nila. Kahit hindi na bilang dekorasyon, kundi isang bagay na puno ng ala-ala.

"Pa! Wait, mo muna ako."

"Bakit Ma? Ang daming agiw nitong dala kong christmas tree..."

"Sige, mauna ka na pala Pa."

Wala akong luha pero alam kong napaluha ako. Isang mainit na palad ang dumampi sa katawan ko. Akala ko... Nakalimutan na nila ako... P-pero...

"Sorry, nakalimutan ka na namin. Ilalagay pala kita sa kwarto namin ni Pa."

Wakas

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon