Mapanirang Yaman

1K 21 1
                                    

MAGAGANDA ang tanawin, mayroon pang malalawak na bukirin. Sariwa rin ang hangin, at mayroon ding malinis na tubig. Ito ang kapaligirang kaysarap yatang balikan. Ngunit dahil sa paglipas ng panahon, dala na rin ng modernisasyon, ito'y unti-unti nang nawawala’t nasisira.

Ang dati’y malawak na sakaha’t bukirin ngayo’y puno na ng mga kabahayan. Pinagtayuan na rin ang ilan ng mga matataas na gusali’t mga establisiyemento. Ang mga puno sa bundok, ngayo’y putol na at unti-unti nang naglalaho. Ang dati ring malinis na batis at lawa, ngayo’y  marumi na dahil sa mga basura. Ang sariwang hangin nga na noo'y nilalalanghap, ngayo’y unti-unti na ring dumurumi.

Sino ang may kagagawan nito?

Ang mga tao? Ang mga walang disiplinang tao. Baha rito, baha roon tuwing bubuhos ang malakas na ulan. Kaliwa’t kanang landslide sa mga kabundukan dahil ito'y kalbo na. Ito rin ang dahilan kaya marami na ring tao ang nawawalan ng buhay. Wala silang magawa sa hagupit ng kalikasan. Oo nga't ito'y natural subalit sino nga ba ang siyang may sala?

Ang dati'y paraisong mundo, ngayo’y daig pa yata ang impyerno!

*****

BALITANG-BALITA  sa buong probinsya ng Mina de Oro ang paglagda ng labing-tatlong Punong-bayan, dalawang Kongresista at ng Gobernador ang kasunduang pumapayag sila na magmina ang MineTex sa kanilang nasasakupan. Ang pagmimina balak ng kompanya ay sa mismong ‘Watershed’ ng probinsya, ang lugar kung saan nanggagaling ang tubig na dumadaloy papunta sa mga palayan ng mga magsasaka, dahil napakaraming mineral ang nakabaon doon.

Matagal na talaga itong isyu sa buong probinsya. Dati’y mismong ang Gobernador pa nga ang hayagang tumututol dito kaya hindi agad makausad ang mga nagsusulong nito. Subalit nang matapos ang isang ‘close-door’ meeting niya sa MineTex ay bigla na lang nagbago ang kaniyang desisyon. Nagpabayad? Ito ang tanong ng mga tutol sa mina. Dahil tuloy dito’y nagawa niyang hikayatin ang  mga opisyal ng bawat bayan na pumirma na rin sa pagbubukas ng pagmimina sa probinsya. Kung dati’y iginigiit pa niyang may ‘moratorium’ ang probinsya na bawal magmina rito sa loob ng dalawampu’t limang taon, ngayon ay sinasabi na niyang ito'y walang bisa.

Mistulang maging ang mga ahensyang nasyonal ay mabilis din na nagbigay ng Environment Compliant Certificate para sa MineTex. Ito ay ang sertipikong nagbibigay karapatan na sirain ang kapaligiran para lamang maisakatuparan ang pagsira rito.

Dahil na nga rin sa pagpabor ng Gobernador, isa-isa na ring naglitawan ang mga pabor sa pagmimina. Mga taong nasilaw at nauto sa pera’t mga pangako ng kompanya. ‘Responsible Mining’, ito raw ang gagawin ng MineTex sa probinsya. Maraming trabaho, maraming negosyo. Malaking kita’t kung ano-ano pa para lamang maisakatuparan ang pagbutas nila sa Bundok ng Halcon. Kanila raw muling tataniman ang kanilang mga sinirang lupain, ayon pa sa kanila. Maayos daw ang pagtatapon nila sa mga ‘waste material’ na ilalabas ng minahan. Pero nang sila’y tanungin kung sa’n nila ito itatapon... sa karagatan daw na sakop ng isang bayan, ito ang sagot nila. Hindi naman daw ito makakaapekto sa mga isda’t yamang-dagat dahil ayon sa kanila’y madali raw nila itong malilinis. Darating daw araw na ang probinsya ang magiging pinakamayaman sa buong bansa. Kaya’t pati rin mga katutubong Mangyan ay kanilang madaling napaikot dahil sa mga sinabi nilang ito.

Ginawa nga talaga ng MineTex ang lahat upang sila’y matuloy, kaya't maging lider ng mga tumututol sa kanila ay kanilang pinapatay. Wala ni isa ang nanagot sa kanila dahil pinapalabas nilang nasa kabilang panig ang gumagawa nito. Naging malinis ang kanilang pangalan dahil sa salapi at hindi rin makapaniwala ang ilan na mismong ang kanilang Gobernador ay lalambot dahil dito.

MAKALIPAS ang limang taong pagmimina, lahat ng ipinangako ng MineTex ay natupad. Marami ang nabigyan ng trabaho - Nang minsang nagkaroon ng isang aksidente sa isang ‘tunnel’ ng minahan, maraming minero ang namatay. Hindi na kasi sila nakalabas nang ang lupa’y gumuho rito. Marami ang nagluksa dahil dito at maraming embalsamador ang kumita.

Tinaniman nga nilang muli ang bundok pero wala pala sa pangako nila na ito’y palaguin. Walang halaman ang tumubo sapagkat ang lupa’y kontaminado ng kemikal. Nilinis nila nga talaga nila ang dagat, na pati mismong tirahan ng mga isda’y kanilang winalis at sinira. Naging pinakamayamang probinsya nga ang Mina De Oro. Napakalaki na kasi ng ginagastos ng probinsya sapagka’t maya’t maya ang paglalabas nga bilyon-bilyong ‘calamity fund’. Sa t’wing may bagyo kasi, ang buong probinsya’y kalunos-lunos palagi ang sinasapit. Landslide, baha. Daan-daang buhay rin ang palaging nawawala. Wala rin silang makain ‘pagkat ang mga bukiri’y sira dahil sa mga ito. Maging ang malinis na tubig na dati'y iniinom ng marami, naging nakalalaso’t marumi na.

Ito ang tinatawag nilang responsableng pagmimina. Matapos makuha ng MineTex ang kanilang gusto’y sila’y naglaho’t nawala na lamang. Ang pinsalang iniwan ng kompanya'y hindi kayang ayusin ng ilang milyong ibinayad nila sa probinsya. Ang dating magandang Mina De Oro, ngayo’y daig pa ang tambakan ng basura.

Sino nga ba ang dapat sisihin? Ang gobyerno? Ang mga gahamang ‘Mining company' na puro pangako na sa huli’y napapako? O’ ang mga taong nagpasilaw sa pera?

Dahil sa mga nangyari, ang Gobernador naman ng probinsya ay napakalaki ng pagsisisi. Bukod sa galit sa kaniya ang marami. Namatayan pa siya ng asawa't anak. Nalunod kasi ang mga ito sa baha. Wala siyang nagawa dahil hindi niya kasama ang mga ito nang mangyari iyon. Ang masakit pa, ni bangkay ng mag-ina niya'y hindi pa rin nakikita. Isang buwan na rin nang mangyari iyon. Nawalan na rin siya ng pag-asa kaya naisipan na lang niyang sumunod sa mga ito.

WAKAS

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon