Cal and Dario

46 2 0
                                    

Cal and Dario
ni Taong Sorbetes

Nararamdaman ko na ang pagdating ng aking katapusan. Ng masasayang araw nating dalawa. Ang mga araw na makikita ko ang masaya mong pagngiti. Ang pagkatuwa at pagkasabik sa pagdating ng mga araw na iyong inaabangan.

Ikaw mismo ang nagdala sa akin dito.

Nararamdaman ko ang init. Ang sakit. Ang pighati. Tinutupok ako ng kalungkutan at ang luha ko ay ang usok na aangat sa hangin at mapapayid na tila wala lang. Wala ka. Wala ka na. Hindi na kita makikita pang muli.

Simula ng araw na iyon, palagi mo na akong pinagmamasdan. Araw-araw. Gabi-gabi. Bawat linggo at bawat buwan. Ganoon din ako sa iyo. Napapangiti ako dahil sa bawat pagtingin at titig mo'y tila may araw kang inaabangan.

Masaya ako kapag ikaw ay masaya.

Naalala ko noong Valentines day, nakita kita noong nagsuot ng pulang damit. Tila may lakad ka. Nagniningning sa mga mata ko ang iyong kagandahan.

"Bumagay sa iyo ang pulang kulay." Iyan ang nais ko sanang sabihin sa iyo.

Naalala ko rin nang may binilugan ka, ang graduation day mo. Sa wakas ay matatapos na ang pagpupuyat mo dahil sa pagre-review.

"Kaya mo iyan."

Naalala ko ring may isang beses na masayang-masaya ka. Ang iyong pinakamasayang kaarawan dahil sa wakas ay nabuo ang pamilya mo dahil nagkabalikan na ang iyong mama at papa.

"Masaya ako para sa iyo..."

Dumaan ang pagpasok mo sa eskwela. Sa kolehiyo. Nang dumating ang araw na sinuot mo na ang iyong uniporme ay napakaganda mo.

"Galingan mong mag-aral."

Bawat araw ay may hinihintay ka. Tititigan mo ako at ngingiti. Hindi mo ako nararamdaman pero para sa akin isang kakaibang pakiramdam ang maging mahalaga para sa iyo.

Ang ngiti mo ang pinakamagandang bagay na nakita ko. Dumaan ang Setyembre. Ang Oktubre. Ang Nobyembre... At ang buwan ng kapaskuhan. Napakasaya mo. Isang Pasko kung saan kayo ay kompleto at nagsasayahan. Napakasaya mo nang buksan ang iyong mga regalong natanggap.

"Maligayang pasko..."

Ngunit, dumaan ang natitirang araw ng taon. Unti-unting nadudurog ang puso ko. Ayaw kong dumating ang huling araw. Ang araw na iiwanan kita dahil hindi mo na ako kailangan.

Walang... Walang-hanggan.

Sumisigaw ang hindi mo naririnig kong boses. Humahagulhol sa katahimikan ang bawat sistema ko. Ayaw kong mapalayo sa iyo. Subalit... ito ang aking kapalaran.

Ang bagay na ayaw kong dumating, ang Bagong Taon. Dahil sa pagdating ng sunod na taon. Mawawalan na ako ng saysay. Mawawalan ng kwenta sa iyo.

Maglalaho ako ngunit hindi malalamang ako'y naglaho. Lilimutin mo ako habang ikaw, mananatili ka sa sistema ko hanggang sa ang natitira kong bahagi ay liparin ng hangin.

Kinuha mo ako mula sa iyong pinagsabitan sa akin. Tapos na ang ating pagsasama at itatapon mo na ako. Tila walang nangyari. Pero sa kabila noon...

"Maraming salamat..."

Walang luhang lumabas sa akin kahit umiiyak ako. Walang lungkot kang naramdaman mula sa akin dahil hindi mo iyon batid. Wala. Wala...

Isinabit mo na ang kapalit ko. Taong 2019. Dahil tapos na ang tungkulin ko bilang kalendaryo mo. Bilang kabahagi ng buhay mo.

1-8-19

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon