Pananampalataya

87 3 0
                                    

SA isang maliit na pamayanan sa Bayan ng Baco, mayroong dalawang pamilya ang naninirahan dito. Ang pamilya Perez at ang pamilya Cruz. Kapwa sila naninirahan sa lugar na iyon. Ang mga Perez ay mayaman, at may magandang pamumuhay. Samantalang ang pamilya Cruz ay salat naman sa karangyaan at masasabing mahirap.

Isang araw, araw ito ng Linggo. Parehong pumunta ang dalawang pamilya sa simbahan sa kanilang lugar upang dumalo sa lingguhang misa. Pansin na pansin agad ng mga tao ang kislap at gara ng suot ng pamilya Perez. Si Gloria, ang maybahay, ay suot ang kaniyang blusang binili pa raw sa ibang bansa ng asawa. May suot din itong rosaryo sa leeg nito at nakasuot ng shades. Ang anak naman nilang dalaga na si Janeth ay nakasuot ng bistidang gawa raw sa ibang bansa, samantalang ang padre de pamilya na si Ramon ay nakasuot naman ng americana. Nakapayong pa sila habang naglalakad matapos bumaba sa kanilang kotse na tila ba ayaw masisinagan ng sikat ng araw.

Agad na kinamayan ni Gloria ang ilan sa mga kakilala niya sa loob ng simbahan. Abot tainga rin ang ngiti nila sa lahat. Ang totoo kasi'y kilalang-kilala sila sa parokya. Lagi silang nagbibigay ng donasyon dito at laging sumisimba. Lagi ring sumasali sa mga aktibidades dito kaya marami ang hinahangaan sila.

Samantala, mula naman sa tricycle, dito'y bumaba naman ang pamilya Cruz. Kompleto rin sila at simple lamang ang pananamit. Akay-akay pa ni Stella, ang maybahay, ang asawa niyang si Nestor na kagagaling lamang sa sakit. Nandoon din ang dalawa nilang anak na babaeng sina Ellaine at Lalaine na pawang nagdadalaga na. Pagkapasok nila sa simbahan ay humanap kaagad sila ng mauupuan. Ang totoo'y noon lamang uli sila nakasimba. Minsan ay isang beses lamang sa isang buwan lalo na kapag maraming pinagkakaabalahan.

Habang nakaupo ang pamilya Cruz, bigla naman silang napansin ni Gloria. Naisipan niya tuloy munang lapitan ang mga ito. Isa pa, naalala niyang bibihirang sumimba ang mga ito kaya naisipan niyang kumustahin.

"O, Aling Stella. Mukhang ngayon ko lamang yata kayo nakita rito?" tanong ni Gloria.

"Dumarami na ang kasalanan n'yo sa Diyos..." bulong pa nito kay Stella upang hindi marinig ng iba.

"Pasensya na po Ma'am. Nagkasakit po kasi si Mister. Kinailangan kong magdoble-kayod. Sina Ellaine naman ay tinutulungan ako kapag walang pasok para may pambili kami ng gamot. Sa pangkain din po," nangigiti namang sagot ni Stella na para pang nahihiya sa kausap.

Ngumiti naman si Gloria sa kanila. Ito ay upang ipakitang naiintindihan niya ang mga ito. Hindi na siya nagsalita pa at pagkatapos noon ay tinalikuran na niya ang mga ito. Binukad niya ang kaniyang dalang pamaypay at nagpaypay siya habang naglalakad papunta sa unahan kung saan naka-upo ang mag-ama niya.

"Hindi kasi nagsisimba kaya patuloy pa ring naghihirap..." bulong pa ni Gloria at pagkatapos ay nag-antanda na siya ng krus.

NANG matapos ang misa, may ilan pang mga naiwan sa loob ng simbahan. Kabilang na nga roon ang pamilya Perez at Cruz. Nagdasal pa sila bago tuluyang umalis.

Nakaluhod sina Stella habang taimtim na nagdarasal sa kanilang p'westo. Nagpasalamat sila sa mga biyayang natatanggap nila sa araw-araw. Humingi rin sila ng tawad sa hindi nila laging pagsisimba. Nangako rin sila na lagi pa rin silang magdarasal para magpasalamat sa Panginoon. Pagkatapos din noon ay nakangiti silang lumabas ng simbahan. Magaan ang pakiramdam at may saya sa mga puso.

Samantala, nakaluhod naman habang nakapikit si Gloria sa harapan ng altar. Hawak-hawak din niya ang kaniyang rosaryo. Nasa likuran naman niya ang kaniyang mag-amang nagdarasal din. Lagi nila itong ginagawa tuwing matatapos ang misa kaya marami tuloy ang humahanga sa kanila.

"Napakabanal talaga ng mga Perez. Kaya siguro sila yumaman dahil malapit sa Diyos," sabi ng isa sa mga nasa loob pa ng simbahan na nakakita sa mga Perez.

"Oo nga, siguradong sa langit sila mapupunta," sagot naman ng kasama nito.

"Diyos ko, sana'y malaki na naman ang kickback na makuha ng asawa ko. Sana rin ay mabili ko na ang pinag-iipunan kong Hermes. Promise, magdo-donate uli ako sa simbahan kapag nangyari iyon," dasal ni Gloria.

"Lord, give me signs kung sino ang dapat kong sagutin sa mga suitor ko. Sana rin po, dagdagan ni Mama ang allowance ko. Magpapakabait po ako," dasal naman ni Janeth.

"Lord, sana ay 'wag malaman ni Misis na may kabit ako..." dasal naman ni Ramon.

Sino nga ba sa kanila ang tunay na nagmamahal sa Diyos?

WAKAS

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon