Sakkakku

55 3 0
                                    

Sunod-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa loob ng isang eskinita. Agad inilawan ng mga pulis ang nanlabang kriminal. Doo'y tumambad sa kanila ang isang nakahubad na lalaking may hawak pang kalibre kuwarenta'y singko na baril. Duguan na ito at wala nang buhay.

Walang kamalay-malay ang lalaking iyon na matutunugan uli ng mga pulis ang bago niyang pinagtataguan. Kasama lamang niya si Maya nang mga oras na iyon, ang kasintahan niya sa loob ng dalawang taon. Kasalukuyan silang nagtatalik nang biglang may kumatok sa pinto ng bahay kaya naudlot iyon at doon na nga natunugan ng lalaki na mga pulis iyon. Pinatatakas na niya si Maya ngunit ayaw siya nitong iwanan.

"Umalis ka na! Baka patayin ka nila!" wika ng lalaki.

"H-hindi! Hindi kita iiwanan. Nangako ako na hindi kita iiwanan!" naiiyak namang sambit ng babae.

"Taas ang kamay!" pasigaw na sabi ng tatlong pulis nang mapasok na nito ang loob ng bahay.

Agad namang nagtaas ng kamay ang magkasintahan. Pero nabalisa ang lalaki. Napakamot ito sa ulo at mabilis na dinukhang ang kalibreng kuarenta'y singko niyang baril na nasa tabi lang at nakapatong sa kanyang pantalon.

"Hindi ninyo kami mapaghihiwalay ni Maya!" sigaw ng lalaki at agad niyang kinalabit ang gatilyo. Umalingawngaw sa paligid ang isang putok ng baril.

"Tumakbo ka na! Susunod ako!" sigaw ni Maya na hinarangan ang mga pulis. Sa pagkabalisa ng lalaki ay agad itong tumalon sa bintana. Nilingon niya si Maya na umiiyak habang tinitingnan siya.

"Susunod ka! Na-nangako ka!" Saglit pang nilingon ng lalaki ang kasintahan ngunit sunod-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa paligid. Napayuko siya at napatakbo sa isang masikip na eskinita. Doon na nga siya hinabol ng mga pulis.

"Mga tangina kayo! Anong ginawa ninyo kay Maya!" sigaw ng lalaki at bumaril siya sa likuran nang walang tinginan. Dalawang magkasunod na putok ang muling umalingawngaw habang nang mga sandaling iyon ay siya'y umiiyak.

Isang taon ang nakakalipas, sa isang masikip na silid na paupahan sa isang bahay sa iskwater na lugar sa Maynila ay naroon ang lalaki kasama si Maya. Masaya silang nakaupo na magkaharap.

"Happy anniversary sa atin Maya!" wika ng lalaki.

"Sa 'yo rin mahal ko. Mahal na mahal kita, hindi kita iiwanan. Pangako!" nakangiti namang sabi ng babae. Napakaganda nito sa suot na bestida habang pinapanood ang kasintahan na humihithit ng droga sa loob ng makipot at mabanas nilang tirahan.

*****

Pasuray-suray na naglalakad si Martin papunta sa bahay nito. Iniwanan na uli siya ng kanyang kasintahan at upang makalimot ay nagpakalasing siya. Umiiyak siya habang nagsisinok. Sa bilang niya ay pa-pito na iyon na nang-iwan sa kanya.

Napaupo na nga lang siya sa tabing-kalsada at napasandal sa poste ng ilaw. Bukod sa muling pagkasawi sa pag-ibig, mag-isa na rin lamang siya. Itinakwil na siya ng kanyang mga magulang dahil napabarkada siya noong nasa kolehiyo. Dahil doon kaya pumunta siya nang mag-isa sa Maynila para makipagsapalaran at sa pagko-construction worker siya bumagsak.

"Tanginang buhay ito! Bwiset ang pamilya ko! Bwiset iyang mga babae..."

"At bwiset ka rin!" sabi niya sabay dirty finger sa langit.

Namumungay ang mga mata niya habang nakayuko at nagsisinok nang may dalawang payat na mga lalaki ang naparaan.

"Tol? Mukhang problemado ka ah?" wika ng isa rito na namumungay pa ang mata.

"O-oo eh. Putangina! G-gusto kong makalimot!"

"May pera ka ba diyan?" tanong namsn ng isa pang lalaki na puro tattoo ang braso.

"M-mayroon pa naman... B-bakit?"

"Ayos iyan! Sama ka sa session namin... makakalimutan mo sila..." wika ng dalawa at agad namang pumayag ang lalaki.

Mas lalong napariwara ang buhay ng lalaki. Naging drug user ito magmula noon. Pakiramdam niya ay nakalimutan ang lahat. Laking pasasalamat niya rin sa dalawang yumaya sa kanya. Dahil sa pagkalulong niya ay nakilala niya ang isang babae na magmamahal sa kanya at hindi na siya iiwanan.

Si Maya, isang simple at mapagmahal na babae. Isang babae na tanggap ang lahat sa kanya... isang babaeng ilusyon na nilikha ng bawal na gamot.

Isang uwak ang mararating ang langit at magiging masaya, ngunit dahil sa taas, muli itong mahuhulog at mamamatay sa pagbagsak sa lupa.

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon