Pitaka

134 2 0
                                    

Pitaka

Habang siya ay naglalakad papunta sa kaniyang paaralan ay isang pitaka ang hindi niya inaasahang makikita sa daan. Kulay itim ito, yari sa balat ng hayop at kahit na may kalumaan ay makikitang matibay pa rin ito.

Bahagya siyang napaisip kung ito ba ay kaniyang lilimutin. Wala akong baon, ito ang naisip niya kaya agad na niya rin itong nilimot. Bago pa nga niya ito damputin ay saglit pa siyang tumingin  sa paligid upang masigurong wala sa kaniyang makakakita. Agad niya rin itong ipinasok sa loob ng kaniyang bag at nagmamadaling naglakad papunta sa kaniyang paaralan.

Kinatanghalian, agad siyang nagpunta sa likuran ng isa sa mga silid-aralan sa kanilang paaralan. Ito ay upang kumain. Nahihiya kasi siyang makihalubilo sa mga kaklase niya sa pagkain dahil ang ulam niya ay isang maliit na tuyu lamang. Bago siya kumain ay bigla niyang naalala ang pitakang kaniyang nalimot kinaumagahan. Agad niya itong kinuha at dali-daling tiningnan ang laman.

“Bente pesos…” sambit niya nang makita niya ang isang luma at malambot na benteng papel. Isa-isa rin niyang tiningnan ang bawat singitan ng pitaka at isang maliit na litrato ang nalaglag. Isang litrato ng isang batang babae.

Seryoso niya itong pinagmasdan at tila ba’y pamilyar ito sa kaniya.

“Saan ko nga ba siya nakita?” Napaisip siya sandali pero hindi rin niya naalala kung saan. Hindi na niya ito pinakaisip at naisipan na niya lamang na kumain.

Kinahapunan, habang siya ay papauwi, isang matandang lalaki ang lumapit sa kaniya at nagtanong. Maputi na ang buhok nito at mapapansin ang kapayatan. Uubo-ubo pa ito bago siya nito tanungin.

“Iha… M-may nakita ka bang i-isang…” Hindi pa nito maituloy ang kaniyang sinasabi dahil dinadalahik pa ito ng ubo.

“Ng ano po, Lolo?” tanong naman niya sa matanda.

“Pitaka iha…” sagot nito sa kaniya. “May laman iyong mamahaling b-bagay…”

Unang pumasok sa isipan niya ang pitakang nakita niya kaninang umaga pero nang marinig niya ang huling sinabi ng matanda ay naisip niyang hindi ito iyon. Wala naming mamahaling bagay sa nakita ko, sabi pa niya sa sarili.

“Wala po Lolo e,” sagot na lang niya at nginitian naman siya ng matanda.

“Salamat na lang iha…”

“Ilang taon ka na ba?” dagdag na tanong pa ng matanda.

“Fourteen po, Lolo,” sagot naman niya. Umubong muli ang matanda at pagkatapos ay nginitian siya nito.

“Bakit po?” pagtataka naman niya.

“Wala… Naalala ko lang ang anak ko…” Napa-ubong muli ang matanda at tila may naalala sa nakaraan nito.

“Kung hindi ko sana sila iniwanan…” bulong pa nito.

“Lolo, umiiyak po kayo…” sabi naman niya sa matanda nang mapansin niyang may luhang tumulo mula sa mga mata nito.

“Naku, w-wala ito iha… Sige. Maraming salamat uli.” Umuubong umalis ang matanda at naiwan naman siyang nagtataka sa ikinilos nito.

Pagkauwi niya sa bahay ay agad niyang ibinalita sa kaniyang nanay ang tungkol sa nakita niyang pitaka. Ipinakita niya rin ito at bigla na lang siyang nagulat nang makitang lumuha ang ina niya.

“Nanay, bakit po? S-sorry po…”

“Angel… S-saan mo nakita ang pitakang ito?” tanong sa kaniya ng nanay niya habang pinupunasan ang luha nito.

“Sa malapit pos a school. Kaninang umaga lang po,” sagot niya at laking-gulat niya nang bigla siyang yakapin ng kaniyang nanay.

“Bakit po, ‘Nay?”

“Alam mo anak… Ako ang nasa litratong ito…” bulong ng nanay niya sa kaniya.

Kinabukasan, magkasama ang nanay niya at si Angel na lumabas mula sa maliit nilang bahay upang bumili sa tindahan. Habang sila ay naglalakad ay isang matanda ang kanilang nakasalubong.

“Lolo!” tawag ni Angel.  Naalala kasi niya na ito ay ang matandang nakita niya kahapon.

Dinadalahik pa ang matanda ng ubo nang humarap siya kina Angel.

“Iha, i-ik…” Pero biglang naputol ang pagsasalita ng matanda nang makita nito ang kasama ni Angel.

“A-anak?” bulalas nito at laking-gulat naman ng nanay ni Angel sa kaniyang nakita.

“Tay?”

Nakangiting bumangon si Angel mula sa banig na kaniyang kinahihigaan, isang umaga. Napatingin siya sa langit na natatanaw niya mula sa siwang ng kanilang butas na dingding. Noong nakaraang linggo lang din nang makilala niya ang kaniyang lolo. Ang kaniyang lolo na iniwanan noon ang kaniyang nanay at lola dahil sa ito’y nabuntis ng kung sinong lalaki. Pero ang mas ikinasiya niya ay ang pagpapatawad nito sa kaniyang nanay. Sabi ng lolo niya’y nagkamali raw siya. Umamin din naman ang nanay niya sa kaniyang nagawang pagkakamali. Kaya sa huli ay nagkapatawaran din ang kaniyang lolo at nanay.

“Sayang lang dahil nasa heaven na si Lola…” sabi niya at mas lalo siyang napangiti nang maalala niya ang pitakang kaniyang nakita noon…

“Akala ko po, Lo, may mamahaling bagay ang pitaka niyo? E wala naman po e.”

Bahagya siyang tinawanan ng kaniyang lolo. “Ang litrato ng nanay mo nang bata pa siya…”

“Iyon ang mamahaling bagay na mayroon ako.”

WAKAS

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon