Mahal Niya Tayo

149 4 0
                                    

Mahal Niya Tayo (Edited)

ISANG babae ang kaniyang nakitang kinakawayan siya. Mula ito sa harapan ng lugar na iniiwasan niyang pasukin sa loob na ng tatlong buwan.

"Ligaw na namang kaluluwa... at talagang dito pa sa tapat ng walang-k'wentang lugar na ito," bulong naman niya. Ipinagpatuloy na rin lamang niya ang paglakad subalit bigla itong lumitaw sa kaniyang daraanan.

"Makulit ang isang 'to..." Tumagos siya rito nang lampasan niya ito. Tila nasanggi pa nga niya ang kaluluwa dahil napaupo naman ito.

"Hoy!" Tinawag pa siya nito pero ipinagpatuloy na lang niya ang paglalakad. Nakarating na siya sa kaniyang tinutuluyan pero patuloy pa rin siyang sinusundan nito.

Pagkapasok niya sa parang basurahan niyang kwarto ay agad niyang hinubad ang kaniyang itim na dyaket. Umupo rin siya sa kaniyang higaan. Napailing na nga lang siya nang makita ang kaluluwa na nakaupo sa maliit niyang mesa.

"Ano'ng kailangan mo?" medyo pagalit niyang tanong.

"I-ikaw..." Nginitian pa siya nito subalit hindi niya ito pinansin.

"Walang-kwenta..." bulong na lang niya at humiga na siya. Pero natigilan siya nang marinig ang sunod na sinabi sa kaniya ng kaluluwa.

"Pumunta ako rito para tulungan ka. Para tulungan kang muling maniwala sa kaniya..."

TATLONG buwan na ang nakakaraan. Habang siya at ang kaniyang pamilya ay bumabiyahe sakay sa kanilang sasakyan ay isang aksidente ang nangyari. Sinalpok ng rumaragasang trak ang kanilang sasakyan at sa kasamaang-palad, siya lamang ang nabuhay matapos silang isugod sa ospital...

Apat na araw ang nakakalipas matapos ilibing ang mga mahal niya sa buhay, nakalabas na rin siya ng ospital. Ni hindi na niya nagawang makita sa huling pagkakataon ang pamilya niya. Agad din siyang pumunta sa simbahang malapit sa tinutuluyan niya. Naka-saklay pa siya habang naglalakad papunta sa harapan ng altar. Kasunod din nito ay ang pag-agos ng kaniyang luha mula sa mata niya. Luha ng kalungkutan at paghihinagpis dahil sa mga nangyari.

"H-hi...h-hindi ka pala t-totoo! H-hindi m-mo pala kami m-mahalll..."

"S-sinungalinggg..." Punong-puno ng poot ang puso niya. Pakiramdam din niya ay pinaparusahan siya.

"D-dapat... p-pinatay mo na rin a-ako!" sumbat niya sa estatwa ng Panginoon sa kaniyang harapan. Magmula nga rin ng araw na iyon ay hindi na siya naniwala pa sa Diyos. Kahit magmula pa noon ay may kakayahan na siyang makakita ng kaluluwa ay pinilit niyang kalimutan ang anumang tungkol sa Panginoon... Sa bibliya at sa mga bagay na may koneksyon dito.


"Ang kulit mo! Hindi totoo ang Diyos mo!" sigaw niya sa kaluluwang mag-iisang linggo na siyang sinusundan.

"Umalis ka na nga!"

Napayuko naman ang kaluluwa dahil dito. Napahikbi ito at bigla itong lumuha. Nagulat naman siya nang bigla siyang yakapin nito.

"Gabriel... Totoo siya..." Nagulat siya sa kaniyang narinig. Tila kidlat din nang isang ala-ala mula sa nakaraan ang muli niyang naalala...

"Gabriel, may dahilan siguro si Papa God kaya ganito ako."

"Sasabihin ko kay Papa God na alagaan ka kapag nando'n na ako..."

"Gabriel, magpakasal tayo kapag nagkita na tayo sa heaven huh..."

"Ayaw ko! Iba kaya ang crush ko!" iritado naman niyang sagot sa kaniyang kababatang may sakit sa puso. Ang sakit na ito rin ang naging dahilan kung bakit maagang binawian ito ng buhay.

"A-angel... M-maglalaro pa tayo..." umiiyak niyang sinabi sa wala ng buhay niyang kalaro. Magmula rin noon ay hinangad na niyang makita ang kaluluwa nito subalit umabot na siya sa wastong-gulang ay ni minsan ay hindi man lamang niya ito nakita o naramdaman.


LIMANG araw ang nakalipas, napakasaya na ng pakiramdam niya. Para siyang nabunutan ng tinik sa dibdib. Punong-puno siya ng pag-asa matapos niyang maka-usap ang kaluluwa ng kaniyang kaibigan.

May dahilan ang Diyos kaya nangyari ito sa akin, pero isa lang ang sigurado... Mahal niya ako!

Sandali pa siyang napatingin sa langit. Saglit ding umihip nang mahina ang hanging nagpataas nang bahagya sa itim na hibla ng kaniyang buhok. Naramdaman din niya na tila may dumampi sa likod niya.

"Salamat Angel. Maghintay ka pa nang maraming taon..."

"Magkikita rin tayo..." Pagkasabi noon ay pumasok na siya sa loob ng simbahan upang dumalo sa lingguhang-misa.

WAKAS

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon