Dugyot

92 3 0
                                    

Dugyot
ni Taong Sorbetes

Hawak niya ang kanyang cellphone at nagpapalinga-linga sa buong paligid ng parke. Isa-isa niyang kinikilatis ang mga dumaraang dalaga.

"nkpink shirt aq. tas blak pants." Ito ang huling text niyang natanggap. Mabilis din siyang nag-reply rito at sinabi ang kulay ng kanyang damit. Ngunit matapos iyon, makalipas ang ilang minuto'y wala na siyang sagot pang natanggap. Sinubukan niyang tawagan ang numero ng ka-textmate pero un-attended na ito.

Nilibot niya ang buong parke, sa pag-asang makikita niya ang textmate niyang naging kasintahan na niya dahil halos ilang buwan na rin niya itong nakakatext. Nahulog na rin siya rito kahit hindi pa sila nagkikita. Tanging boses lamang ang napapakinggan nila. Kaya naman nga, nang siya'y makaipon, agad siyang lumuwas ng Maynila para makipagkita rito.

Subalit tila mauuwi sa wala ang kanyang nagastos. Inabot na siya ng gabi at lumalamig na ang paligid.

Wala na siyang text o tawag pang nakuha. Napangiti siya nang mapait habang nakaupo sa isang upuang semento.

"Wala rin pala," wika niya at biglang umihip ang malamig na hangin.

"Akala ko makaka-date kita ngayong Valentines day," dagdag niya at may nakita siyang dalaga na nakatingin sa kanya sa 'di kalayuan. Naka-pink at nakasuot ito ng black pants.

Kumabog ang dibdib niya. Nagmadali siyang tumayo upang ito'y lapitan.

"A-angela?"

Lumayo ang dalaga na tila nandidiri sa kanya.

"A-ako 'to!"

Hindi na niya nagawang habulin pa ang dalaga. Ito ang reyalidad, tuwing Pebrero, may imi-meet siya at dahil sa pangit niyang itsura'y hindi nagpapakita ang babaeng inakala niyang matatanggap siya.

"tnggap q kaht ano p itsura mo babe."

Ito ang text na sinasabi sa kanya na hindi naman napapanindigan kapag magtatagpo na sila. Kaya sa huli, uuwi siyang walang-wala at malulungkot sa buong ikalawang buwan ng taon. Ang isinumpang Pebrero para sa katulad niyang olats sa pag-ibig.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 10, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon