Ako Ang Tagakuwento!

55 2 0
                                    

NABALOT ng makapal at maitim na ulap ang kalangitan. Nagdilim sa buong isla. Mula sa silangan ay umihip ang malakas na hangin. Naging dahilan iyon para dahan-dahang umangat ang mga alon sa dagat. Isang bagyo ang dumating. Tila musika kung pakikinggan ang sipol ng hangin at pagaspas ng ulan. Musika ng nagbabadyang katapusan.

Halos lahat ng bayan ay napaghandaan na ang pagdaan ng bagyo. Ngunit hindi nila inaasahan ang pinsalang dala nito.

Alas sais nang hapon. Halos wala nang kuryente sa lahat. May ilang mga nasa ligtas nang lugar, sila ang mga iniwanan na ang kanilang mga bahay. Mayroon din namang hindi na lang umalis.

"Hindi naman malakas ang bagyo. Marami na ngang bagyo ang nagdaan dito sa atin pero hindi na kami lumikas pa." Ito ang karaniwan nilang dahilan.

Limang minuto ang lumipas. Tila sumisigaw sa galit ang hangin. Nagawa nitong tuklapin ang mga bubong ng maraming bahay. Nagawa rin nitong buwagin ang mga naglalakihang puno. Ang mga kalsada ay nagsara dahil doon. Madilim na kaya marami ang umaasa na lamang sa dasal. Ilang buhay na ang nawala dahil sa mga nabagsakan ng puno at naliparan ng yero.

Mula naman sa bundok, patuloy na rumaragasa paibaba ang maraming putik. Kasabay noon ang mga malalaking troso. Tila luha iyon, luha na lalamon sa mga nagpaluha. Unti-unting tumataas ang mga ilog dahil doon. Maraming tulay na ang nalubog at nawasak dahil doon. Ang mga palayan ay naging malawak na maitim na tubig. Kasabay noon ay ang paglamon nito sa mga maraming pamayanan sa tabi ng mga ilog.

"Tulong! Ang anak ko, naanod ng putik!"

"Tulungan mo kami, Panginoon!"

"Tulungan ninyo kami!"

Ilan lamang iyon sa mga sigaw na hindi na narinig dahil sa lakas ng ulan. Tila talulot ng bulaklak na unti-unting nalalagas ang mga buhay nila.

PARANG kailan lang, ilang taon na rin ang nakakaraan, isang malakihang pagwewelga ang ginanap sa bayan para tutulan ang pagmimina sa bundok. Kanya-kanyang dala ng plakards. Maraming mga estudyante at katutubo ang naroon. Hindi nawala ang mga opisyal ng bayan at probinsya.

"Hindi kami payag sa mina!" Tila galit na sigaw ng marami habang kinukunan pa ng mga taga-media mula sa Maynila.

Tila mga katipunero na hindi magpapadaig. Ngunit ang rebolusyong iyon ay isang imahe lamang na walang mapapala. Makapangyarihan ang pera. Mas matalas kaysa salita. Mas mahalaga kaysa katarungan.

Sa pagdaan ng mga buwan, ang mga opisyal na namumuno ay biglang pumabor sa mina. Ang mga nasa nasyunal na gobyerno ay lalo pa itong sinuportahan. Biglang naglaho ang mga bumabatikos. Tila natahian ang mga labi. Tila naputulan ng mga paa.

Ang pagmimina ay nagsimula. Marami na rin ang yumakap sa proyektong ito. Maraming trabaho, malaking kita. Nabulag na lang ang lahat. Nabahag ang buntot.

Kung sumisigaw o nakakaramdam ang bundok ay baka nagwala na ito. Binutas ito ng walang kalaban-laban. Mga puno ay tila damo na tinabas. Para sa ginto at mineral, handang isaalang-alang kahit buhay pa ng mga maliliit na tao ang kapalit.

Sa ilalim ng bilog na buwan, sa mansyon ng Gobernador, nandoon ang mga opisyales ng probinsya. Kasama ang mga may-ari ng minahan. Nakaupo sila at nakapaikot sa isang mahabang mesa. Lahat sila ay nagtatawanan habang nagkukuwentuhan. Sa paglapag ng bote sa mesa ay siya namang pagbuhos sa laman ng isang mamahaling alak.

"Umasa kayo Gob sa suporta namin sa darating na halalan, dahil sa minahan, malaking pera ang makukuha ninyo mula rito," sabi ng isang nakasuot ng magarang kasuotan. Bigotilyo ito ay may bundat na tiyan.

Napangisi naman ang panot at matandang ama ng probinsya.

"E kaming mga mayor? Magkano ba ang makukuha namin?" singit naman ng isang babae na may kulot na buhok. Nakaputi at may salamin din sa mata.

"Ilang milyon ba ang kailangan ninyo para sa kampanya?" Nakangising tugon muli ng may-ari ng minahan. Kasunod niyon ay tila mga buwaya na uminom ng alak ang mga iyon.

UNTI-unti na ring niyakap ng lahat ang minahan. Malaking pera kasi ang pumapasok sa probinsya at sa mga bayan.

"Mabuti naman pala ang minahan e, kalokohan lang iyong mga nagsasabing makakasira ito sa kalikasan."

"Oo nga, dahil diyan, lumakas ang kita ng karendirya ko."

"Napag-aral ko ang mga anak ko."

Sadyang may mabuti rin itong dulot. Ngunit tila nakalimutan nila kung ano o sino ang nasakripisyo sa pagmimina sa probinsya.

Nakalbo ang mga bundok. Ang mga ilog ay unti-unting napupuno ng kemikal. Namamatay ang mga isda. Ang mga naninirahang hayop sa bundok ay ganun din. Tila mga bagay na nakalimutan dahil sa progreso na sinasabi ng marami.

May ilang buhay din ang bigla na lang namatay, ang mga totoong tao na handang lumaban sa mina ay pinatay. Ang mga kakandidato na tutol dito ay bigla na lang naglalaho. Talagang hindi yata sapat na tao ang umayos sa nilikha nilang problema. Tila nakiayon nga ang pagkakataon, isang malakas na bagyo ang dumating.

LUMIPAS ang magdamag, unti-unting humupa ang malalakas na hangin at mga patak ng ulan. Unti-unting nagliwanag ang kalangitan. Bumungad sa langit ang kalunos-lunos na imahe ng probinsya.

Ang bundok ay napatag. Ang mga lupa nito ay tumabon sa buong probinsya. Wala ni isa ang nabuhay. Mas'werte na kung meron. Nabaon ang mga bangkay sa makapal na putik. Ang dagat, napakaiitim dahil sa putik na umaagos dito mula sa probinsya.

"GRABE naman itong isinulat mo, gusto mo talagang manira ng mga lugar sa pamamagitan ng mga kwento mo."

"Aktibista kasi iyan, kita mo, puro against sa gobyerno ang mga akda."

Napailing na lang ako sa mga sinabi nila sa akin. Masisisi ko ba ang sarili ko? Pakiramdam ko kasi, makakatulong ako para bigyan ng kaisipan ang marami tungkol sa mga isyu ng bansa. Lalo na pagdating sa kalikasan.

Kung tutuusin, masaya ako kasi isa akong manunulat. Kaya kong lumikha ng nakaraan at hinaharap. Kaya ko rin iyong baguhin. Kaya kong sumulat ng mga totoong nangyayari sa paligid. Kung wala nga sigurong manunulat, wala sigurong kasaysayan.

"Matanong ko lang? Ano ba ang naiitulong ninyo sa lipunan bilang mga manunulat? Tagagawa ng kwento?" Biglang naitanong sa akin ng isa sa mga bago kong kakilala.

Napangiti na lang ako.

"A-ahmmm, ano nga ba?" Napakamot ulo pa nga ako.

"Magbasa ka ng dyaryo, magbasa ka ng history..."

"Try mo ring panoorin ang play namin, baka mapasaya kita..." Iyon na lang ang nasabi ko at pagkatapos ay pumunta na ako sa backstage para sa play na ako mismo ang gumawa ng istorya.

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon