ALA-ALA (True to Life Lovestory)

174 6 3
                                    

Hindi ko talaga makakalimutan ang sinabi niya sa akin nang siya'y aking niligawan. Ang sinabi niyang tila pinaglaruan ako, nagpahina ng tibok ng puso kong umiibig at nagpababa ng kompyansa ko sa aking sarili.

"Magbo-boyfriend ako 'pag eighteen na ako."

Siya si Mina, naging kaklase ko siya nang second year highschool ako. Aaminin ko, 'di ko siya gaanong pinapansin dahil para sa akin ay wala siyang kislap sa aking mga mata... pero nang dumaan ang ilang araw ay naisipan ko siyang kulitin. Makulit din kasi ako noong highschool ako. Biniro-biro ko siya sa aking kaibigang si Marius dahil nalaman kong crush niya ito. Naalala ko pa ngang nilagyan ko ng malaking bato ang kanyang bag dahilan upang maiuwi niya 'to. Hindi ko namalayang malapit na pala ako sa kanya, lagi ko na siyang tinatabihan at madalas kaming magkulitan kapag walang klase. Siya nga ang naging kauna-unahan kong ka-text noon.

Na-miss ko nga siya nang bigla siyang umiwas sa akin. Nag-umpisa iyon nang sabihin ko sa isa naming kaklase ang aking crush. Aaminin ko, hindi siya ang sinabi ko sa aking kaklase pero dahil nga sa napapansin ng marami ang pagiging malapit namin ay inakala nilang si Mina ito. Sinubukan ko rin siyang kausapin subalit 'di na talaga niya ako pinansin. Gusto ko sanang maibalik ang dati naming pagkukulitan subalit talagang nagkahiyaan na kaming dalawa. Naririnig ko pa nga sa pinsan niya na ang dahilan kung bakit ayaw na akong pansinin ni Mina ay dahil ayaw raw nito sa akin. Nalungkot ako dahil doon, ayaw ba niya dahil 'di ako gwapo gaya ng kaibigan ko?

Nagustuhan ko na siya nang magka-iwasan kami. Nami-miss ko lagi ang araw na nagtatawanan at nagkukulitan kami. Maging ang palitan namin ng notebook para ipagsulat ang isa't isa ay gano'n din. Lagi ko na siyang palihim na tinitingnan sa loob ng room dahil gusto ko na talaga siya. Akala ko nga ay matatapos ang school year nang 'di kami nag-iimikan man lang... pero 'di pala. Sa tulong na rin ng aming mga kaklaseng ipinagdidiinang kami'y loveteam ay nabigyan ng mumunting pag-asa ang nagbibinata kong puso. Magbabakasyon na noon, naglakas-loob akong makipaglaro sa kanya ng chess at pumayag agad siya. Para kaming mga artista kung tilian ng mga babae naming kaklase. Kinikilig daw kasi sila dahil sa wakas ay nagpansinan na kami. Naalala ko ngang hindi maalis sa aming labi ni Mina ang ngiti habang magkaharap at naglalaro. Kulang na nga lang ay sabihin ko sa kanyang sobra ko siyang na-miss...

Nang dumating ang bakasyon ay magkatext na rin uli kami at halos magpuyatan na kami dahil dito. Parang pomogi tuloy ako kahit paano dahil sabi niya ay 'di naman daw ako pangit. Nagkaroon pa nga kami ng paboritong kanta, Tulero ng Spongecola. Tuwing pinakikinggan namin iyon ay naaalala ko siya at gano'n din siya sa akin. Bago nga magpasukan ay nag-wish pa kaming sana'y magkaklase kami.

Subalit nalungkot kaming dalawa nang magkaibang section ang aming kinabilangan. Ang nangyari'y lagi na lang sa text kami nagkakausap. Nang mga panahong iyon ay alam kong espesyal na siya sa akin. Kaso natorpe ako, madalas kaming nagtatabi sa booth na malapit sa aming room kasama ang barkada tuwing walang klase... at dahil torpe ako ay wala akong masabi sa kanya. Basta napakasaya ko lagi 'pag magkatabi kami. Sobrang saya dahil katabi ko ang babae kong mahal.

Naalala ko nga na gumawa kami ng porselas at nagpalitan kami. Sabi namin ito ay upang palagi naming maalala ang isa't isa. No'ng third year nga lang kami ay doon na rin nagsulputan ang mga manliligaw niya. Natakot ako dahil baka sagutin niya ang isa sa mga ito pero may sinabi siya sa 'king nagpakampante sa akin.

"Magbo-boyfriend lang ako 'pag eighteen na ako." Ito ang sinabi niyang pinanghawakan ko ngunit 'di ko akalaing hindi niya ito tinotoo... Dalawang linggo bago ang bakasyon, nalaman kong sinagot na niya ang kanyang manliligaw na graduating na noon. Ang sakit sa kalooban, ang sakit sa puso. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa nang gabi ng araw na iyon. Tinawagan ko pa nga siya at ipinaalala ang sinabi niya sa aking magbo-boyfriend lang siya 'pag eighteen na siya pero ang sinagot niya naman sa akin ay ang nagpatulo nang aking mga luha.

"Minahal kita, pero masyado kang mabagal... Sorry."

Ang una kong pag-iyak dahil sa pag-ibig ay naranasan ko nang gabing iyon. Wala na ang first love ko, isa akong talunan... Wala akong kwenta... Ang bagal ko.

Naging magkaklase kami noong fourth year at sabi ko ay nakamove-on na ako kaya pinansin ko na siya. Parang gaya ng dati, normal na nag-uusap at nagkukwentuhan. Akala ko nga ay wala na akong nararamdaman sa kanya noon pero hindi pa pala. Nalaman kong nag-break na sila ng kanyang boyfriend at bigla akong nakaramdam ng pag-asa. Naisip kong baka bumalik ang nararamdaman niya sa akin kaya naisip kong ligawan na siya. Nilakasan ko na talaga ang aking loob para sa kanya at wala nang atrasan.

No'ng araw na sisimulan ko na ang panliligaw kay Mina ay tila pinaglaruan naman ako ng tadhana. Liligawan din pala siya ng tropa kong si Marius, ang first love ni Mina. Pinanghinaan tuloy ako ng loob nang makita ko silang kinakantyawan ng aming mga kaklase. Nakita ko ring may ibig-sabihin ang ngiti ni Mina kaya hindi ko na lang itinuloy ang aking plano. 'Di nga nagtagal ay naging sila... Nalungkot ako ng sobra, kung sa bagay... Wala naman akong panama sa kaibigan ko, gwapo, matalino at talented ito.

Isang beses nga, tinanong ko si Mina kung nasa kanya pa ba ang porselas na gawa ko, pero ang nakakalungkot... nawala na pala ito. Mas nalungkot lalo ako nang makita kong sobrang saya niya nang bigyan siya ni Marius ng cap na kung saa'y iniyakan pa niya nang ito'y mawala. Doon ko napagtantong wala na nga siguro, tapos na siguro ang kwento naming dalawa pero isang buwan bago mag-graduation... Nalaman kong nag-break na sila ng kaibigan ko.

Sa isip ko'y napakatanga ng mga naging boyfriend niya. Sabi nga sa kanta ng Parokya ni Edgar... "Binabasura lang nila ang siyang pinapangarap ko." Naisip ko ring baka 'di pa tapos ang aming kwento kaya niligawan ko na talaga siya pero ilang araw bago kami grumaduate ay binasted niya ako. Sinabi niyang muli na magbo-boyfriend na lang daw siyang muli 'pag eighteen na siya. Pero nabalitaan ko namang sinagot na pala niya ang isa niyang manliligaw. Parang pinaglaruan lang niya ako. Nagtapos kami ng high school, siya ay masaya samantalang ako'y malungkot. Nagbreak din naman sila pero ako ay suko na talaga.

Isang taon ang lumipas, lumipat ako ng pinapasukang kolehiyo at 'di ko naman akalaing makikita ko siyang muli. Pumasok pala siya at iisa ang course namin. Umasa akong muli at sinubukan ko siyang ligawan pero wala na nga talaga. Niregaluhan ko pa nga siya ng komiks na sa huli'y nabasa naman ng baha. Dahil nga sa basted ako ay ibinalik ko na lang ang porselas niyang gawa nang kami'y high school. Masakit pero kailangang tanggapin. Noong Toast Party nga ay isinayaw ko siya para magpasalamat sa lahat, humingi na rin ng tawad at sabihin ang bagay na kahit minsan ay 'di ko nasabi sa kanya... ang mahal ko siya.

Sa ngayon ay siguro'y masaya na siya. Ako naman ay umaasang may magbubuo balang-araw ng basag kong puso. Pero kung may gusto talaga akong makatuluyan ay siya pa rin, si Charmaine na minahal ko magmula pa noong 2007. Sana nga lang ay dumating din ang araw na maalala niya ang pangako namin sa isa't isa noon...

"Walang iwanan, Mina..."

"Pangako, walang iwanan Jepoy..."

MALUNGKOT NA WAKAS

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon