HINANAKIT

35 1 0
                                    

HINANAKIT

Una tayong nagtagpo nang ikaw ay nakasakay sa isang pampasaherong dyip. Pauwi ka na noon at may malalim kang iniisip. Hindi ko nga akalaing ako at ikaw ay magkakatagpo nang araw na iyon. Basta bigla ka na lang napangiti dahil sa akin at doon na nga nagsimula ang lahat sa atin. Tuwing wala kang ginagawa ay tayo ang magkasama. Sa ilalim ng puno, sa kantina ng iyong paaralan at maging sa sarili mong kama. Damang-dama kong galing sa puso mo ang iyong paggawa sa akin. Mas lalo nga kitang nagustuhan nang sinabi mong wala kang pakialam kung hindi maging pula ang bilang ng bumasa sa akin. Ang mahalaga sa iyo ay ako bilang isang kwento. Aaminin ko, gusto kong ipagsigawang basahin nila ako, iboto at magbigay ng komento para mas ganahan ka pa lalo sa akin pero 'di naman ako marunong sumigaw. Tanda ko ngang nasa ika-sampung kabanata na ako subalit 'di ko inaasahang hanggang doon na lang pala ako. Nagkamali pala ako, at dapat pala'y hindi ako naniwala sa 'yo.

Naka-upo ka noon sa harapan ng iyong kompyuter at akala ko ay ako ang nasa isip mo nang oras na iyon, pero 'di pala. Isang panibagong kwento ang iyong ginawa at ang masakit, mas napasaya ka nito dahil mas marami ang bumabasa sa kanya kumpara sa akin. Ayos lang naman sana kung hindi mo muna ako itinuloy, pero iba ang ginawa mo... binura mo ako na para bang wala tayong pinagsamahan, pati ang mga nakasulat sa kwaderno mong bahagi ko ay ibinasura mo. Sana ay 'di mo na lang ako nakilala, sana 'di mo na rin ako inumpisahan para 'di ako nasayang at sana ay 'wag mo na ito muling gawin sa mga gagawin mo pang kwento sa Wattpad na 'di makakakuha ng maraming boto at komento.

WAKAS

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon