Luha ni Mundo

55 2 0
                                    

Noong unang panahon, may isang babae sa isang nayon na kung tawagin ay Mundo. Isa siyang mabait at matulungin. Minsan, kung ano ang mayroon siya ay ibinibigay pa niya sa iba. Kapag may nais tumuloy sa bahay niya ay magiliw niyang tinatanggap. Ilan lang iyon sa mga dahilan kaya nilalapitan na lagi siya nang marami.

Ngunit sa kabila noon ay hindi pa rin siya nawawalan ng kaaway. Mga kaaway na naiinggit.

Dahil nga kasi sa kabutihang-loob niya ay mas naging tanyag pa siya lalo sa mga taga-nayon. Siya na ang napupusuang ihalal ng marami bilang susunod na pinuno.

"Masaya na akong makatulong sa inyo, ngunit ni minsan ay hindi ko hinangad na mapunta sa posisyong iyon." Ito ang paulit-ulit na sinasabi ni Mundo sa mga taga-nayon ngunit hindi siya pinakinggan ng mga ito. Bibihira lang daw kasi ang may isang tao na may busilak na puso at siya na iyon.

"Ngunit Binibining Mundo, mababago ang pamamahala sa mga taga-nayon kung kayo ang mananalo. Sawa na kami sa mga gahaman, kayo ang dapat maupo at maging aming pinuno." Ito naman ang sigaw ng marami. Sa harapan nga ng bahay ni Mundo, naroon ang mga taga-nayon na naniniwala sa kanya.

"Tama!" sagot pa ng marami.

"Mabuhay si Binibining Mundo! Mabuhay!"

Napailing na lang si Mundo. Hindi niya naman daw kailangang mapunta sa posisyon para tumulong. Kahit wala raw siya sa kapangyarihan ay handa pa rin siyang tulungan ang marami.

Nagpatuloy nga ang paglawak sa panawagang maging pinuno ng nayon si Mundo. Marami nang mga grupo ang humihikayat sa kanya. Hindi na ito mapigilan at mas lalo pang dumarami. Subalit sa kabila ng mga panawagang ito, mayroon pa ring hindi natutuwa sa mga nangyayari.

"Panginoong Tawo, dumarami na po ang mga taga-nayon ang nanawagan na labanan kayo ni Binibining Mundo sa darating na botohan..." sabi ni Ahaso, isa sa mga alagad ni Tawo, ang kasalukuyang pinuno ng nayon. Ang gahamang panginoon.

"Kapag hindi po ito napigilan ay baka iwanan na tayo ng mga kasamahan natin sa kalakalang itim. Baka itigil na nila ang pagpapasok ng mga armas at pera sa ating nayon," dagdag pa ni Ahaso.

Nagngitngit ang mga ngipin ni Tawo. Napakuyom ito ng kamao. Malaki na ang ikinayaman niya dahil sa kanyang posisyon at ayaw niya nang mawala sa pwesto. Malaking pera ang pumapasok sa kanya mula sa mga iligal na transaksyon mula sa ibaba. Marami na ring pera mula sa buwis ng tao ang kanyang nagagamit sa pansariling interes, at hindi na niya maisip ang mangyayari sa kanya kapag nawala siya sa kapangyarihan.

Naalala ni Tawo, noong nakaraang botohan, may nakalaban din siya at upang makasiguro na mananalo... ipinapatay niya ito. Nanlaban kasi ito sa kanya habang kinakausap ito, kaya napilitan siyang kitilin ang buhay nito.

May mga naghinala kay Tawo ukol sa insidenteng iyon. Ngunit dahil sa impluwensya at kapangyarihan, wala na ni isa ang nagsalita pa. Tinakot niya ang iba at ang mga hukom ng nayon ay kanyang binayaran.

"Pero nasa kapangyarihan pa ako... hindi ako matatalo ng isang tulad ni Mundo!" May kalakasang sabi ni Tawo.

"Ahaso! Ihanda mo ang aking karwahe, pupunta tayo sa bahay ni Mundo," utos din mula sa kanya at nagmadaling sinunod iyon ng alagad niya.

Sa isang maliit na burol sa norte ng nayon matatagpuan ang bahay ni Mundo. Mag-isa lamang siya roon. Namatay na kasi ang kanyang mga magulang. Lumaki siya na mag-isa ngunit hindi iyon naging hadlang upang magkaroon siya ng busilak na puso. Noon pa man ay taglay na niya ito.

Kasalukuyang nagdidilig ng halaman si Mundo nang matanaw niya ang pagdating ng isang magandang karwahe kasabay ang maraming kawal. Nataon din na walang bumisita sa kanya nang oras na iyon.

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon