Adapse Oir

116 3 0
                                    

Mula sa langit, isang mandirigmang may hawak na espada ang tila bulalakaw na bumulusok sa pagitan ng digmaan sa pagitan ng Silangang kaharian at Kanlurang kaharian. Lumikha ito ng isang napakalakas na hangin na siyang tumama sa lahat ng mga sundalo ng magkabilang panig. Isa ring kulay asul na aura ang pumalibot sa espada nito.

“Itigil na ninyo ang walang saysay na digmaang ito!” sigaw niya sa bawat isa. Seryoso at walang katakot-takot niyang hinarap ang nasa dalawang-daang mga mandirigma na may dala-dala ring espada.

“Umalis ka ritong bata ka! ‘Wag mong isiping kahit nasa siyam na taon ka pa lang ay ‘di ka namin papatulan!” sagot naman ng heneral ng taga-silangan.

“Hi! Hi! Wala akong pakialam! Lalabanan ko kayong lahat kung hindi kayo titigil!” seryoso naming sagot ng batang mandirigma. Inihanda na rin niya ang kanyang espada at isa-isang tiningnan ang mga nasa paligid niya.

“Makulit kang bata ka! Sugurin siya!” utos naman ng heneral na taga-kanluran sa kanyang mga alagad.

Mula sa likuran niya, ang mga sundalo mg kanluran at sa harapan naman niya ay ang mga taga-silangan. Lahat ng mga ito’y susugurin siya pero hindi man lang siya nakakitaan ng anumang klaseng takot sa kanyang mga mata. Iwinasiwas niya sa hangin ang kanyang espada at pagkatapos ay biglang naglaho… Sa isang kisap-mata ay biglang sumirit ang dugo ng mga mandirigmang nasa kanyang harapan at pagkatapos ay nagsitumbahan ang mga ito. Lumitaw siya sa likuran ng mga ito na nakatayo habang nakaturo naman sa itaas ang talim nga kanyang espadang nababalutan ng dugo.

“Wasiwas ng kamatayan… Hi! Hi! Hi!” sabi niya sa kanyang sarili at mabilis siyang tumalon sa ere. Dito’y nakita naman niya ang mga mandirigmang nasa kanyang likuran. Nang nasa ere siya ay siya naming pagsunod naman ng nasa anim na kalaban. Nakangisi ang mga ito dahil alam nilang wala na siyang lusot sa talim ng kanilang mga espada.

Isang malakas na taginting ang narinig ng lahat nang salagin ng kanyang espada ang espada ng anim niyang kalaban. Nakangisi siya habang gigil na gigil naman ang kanyang mga kaharap na mandirigma sa pagsira sa kanyang depensa, ngunit isang malakas na tulak ng kapangyarihan mula sa espada ng bata ang nagpatalsik sa kanila.

Isang pigura ng dragon ang lumitaw sa likuran ng bata nang ito’y lumapag sa lupa. Nagliliyab din ng kulay asul na apoy ang espada nito. Dahil dito’y nakaramdam nang kaunting takot ang kanyang mga kalaban. Wala kasi silang kaalam-alam na ang kanilang kinakalaban ay ang maalamat na mandirigma ng Hilaga, si Rio. Ang batang napagkalooban ng pambihirang kakayahan sa paggamit ng espada.

“Ano?! Hindi pa ba ninyo ihihnto ang digmaang inyong sinimulan? O papatayin ko na lamang kayo para matapos na ito?” nakangising tanong ni Rio sa mga mandirigmang nasa harapan niya.

“Tingnan natin ang lakas mo!” sabi ng heneral ng kanluran na hindin man lang nakinig sa sinabi ng bata. Nagliyab ang hawak nitong espada at isang pigura ng tigre ang lumitaw mula sa espada nito habang papasugod kay Rio.

“Tutulungan kitang alisin ang angas ng batang iyan!” sabi naman ng heneral ng silangan na tumakbo rin upang sugurin si Rio. Nagliwanag ang espada nito at isang malaking pigura ng agila ang lumabas mula rito.

Isang matinding pagsabog ang nangyari nang magtagpo ang espada ng dalawang heneral at ni Rio. Napakatinding salpukan ng kapangyarihan ang nasaksihan ng mga mandirigma. Nagtaasan din ang mga bato at nagliparan naman palayo ang alikabok sa kanilang paligid. Naglaban din ang aura nila, dragon laban sa agila’t tigre ng dalawang heneral.

“Nakakatuwa kayong dalawang heneral… Ang lakas ninyo ‘pag nagkaisa…” medyo nahihirapang sinabi ni Rio habang pilit na itinutulak gamit ang kanyang espada ang espada ng kanyang kalaban.

“Malakas ka rin bata… pero gaya ng sinabi ko, bata ka pa…”  sagot naman ng heneral ng kanluran.

“Kaya kailangan mong matuto… Ngayon ay ipapalasap naming ang iyong pagkatalo,” dagdag naman ng heneral ng kanluran at pagkatapos noon ay naglabas ng matinding kapangyarihan ang kanilang espada dahilan para tumilapon palayo si Rio.

Bumagsak si Rio, pero agad itong tumayo at nakangiting pinagmasdan ang dalawang heneral. “Nakita niyo na? Nagkaisa kayo nang hindi ninyo inaasahan…” sabi niya sa mga ito. “Kaya itigil na ninyo ang walang kwenta ninyong digmaan!”

“At bakit? Bata ka lang!?” sabay na sigaw ng dalawang heneral.

“Mas mukha kayong bata! Alam niyo ba kung ano ang pinaglalabanan ninyo?” tanong ni Rio na medyo natatawa. “Ang walang kakwenta-kwentang bagay…”

“Pinag-aawayan ng inyong kaharian kung ano ba ang nauna, kung manok ba o itlog!”

Natigilan sila nang marinig ang sinabi ni Rio. Ang totoo kasi’y wala silang kaalam-alam kung ano ang pinagmulan ng kanilang digmaan. Nagsimula lang kasi ito nang minsang nagkita ang Hari ng Silangan at Kanluran at habang kumakain sila ay may napansin silang manok na nangingitlog… at doon nagmula ang mababaw na dahilan ng digmaan. Iginigil ng Hari ng Silangan na manok ang nauna pero itlog naman ang pinanindigan ng Hari ng Kanluran.

“Ano? Sinong nakakatawa?” nakangiting tanong ni Rio. Napakamot sa ulo ang mga mandirigma at napaupo naman dahil sa pagod ang dalawang heneral.

“Hindi sagot ang digmaan sa anumang hidwaan… Mas masayang mabuhay nang walang kaaway…” Pagkasabi noon ni Rio ay bigla na lamang itong nawala. Naiwang tahimik ang mga mandirigma at pagkatapos noon ay nagsibalikan na sila sa kani-kanilang kaharian…

“Wow! Ang ganda ng gawa mong komiks ah, ang ganda rin ng drawing,” nakangiting papuri ni Tess matapos basahin ang komiks na gawa ng kanyang anak na si Rio.

“S’yempre po, mana ako kay Tatay… Hi! Hi!” nakangiting sagot naman ni Rio.

“Pero mag-aral ka muna nang mabuti huh…”

“Opo, Nay… Para matupad na rin ang pangarap kong maging animator!” Pagkatapos noon ay niyakap ni Rio ang kanyang ina.

Ang unang komiks na kanyang ginawa ay una niyang ipinabasa sa pinakamamahal niyang nanay. Dahil sa malawak niyang imahinasyon, naisipan niya itong gawin at pinamagatang, “Rio, ang Bihasa sa Espada”. Kahit sa murang edad ay hindi na matatawaran ang talento niya sa pagguhit, na siguradong baling-araw ay magagamit niya para sa kanyang kinabukasan.

WAKAS

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon