Ang Punong Hitik sa Pera

75 1 0
                                    

Ang Punong Hitik sa Pera
ni Taong Sorbetes

Sa gitna ng isang barangay, isang kakaibang puno ang bigla na lamang sumulpot. Napakaganda ng mga dahon nito na kumikislap sa tuwing matatamaan ng liwanag. Ang mga sanga at kahoy nito'y tila napakatibay. Dahil doon, naisipan ng mga mamamayan doon na ito'y alagaan.

Lumipas ang isang buwan. Umaga noon, napansin ng mga tao na namunga ang puno. Nagulat ang marami. Hindi sila makapaniwala. Hindi prutas o anumang uri ng pagkain ang bunga noon.

"Isa... itong biyaya! Puno ito ng Pera!" wika ng isa sa mga nakasaksi. Ang kakaibang puno ay namunga ng mga perang papel na nagkakahalaga ng isang libo ang bawat isa.

Kumalat ang balitang iyon hanggang sa kasuluk-sulukan ng pamayanan. Nagkagulo ang lahat. Pinag-agawan nila ang bunga ng puno.

Ngunit hindi sapat ang mga bunga niyon upang makakuha ang lahat. Marami ang nagkasakitan nang mga sandaling iyon. Sa isang kisap-mata'y naubos ang bunga niyon.

Dumaan ang gabi at kinabukasan, namunga muli ang puno. Muling nagkagulo ang lahat. Kanya-kanya uli sila sa pagpitas ng bunga nito. Maraming away ang nabuo. Ang ilan ay halos kinuha na ang karamihan sa bunga. Wala nang pakialam sa iba ang mga ito. Ang mahalaga sa kanila'y makuha ang bunga.

Tuwing umaga ay namumunga ang punong iyon. Naging tamad na ang karamihan dahil doon. Naghihintay na lamang silang mamunga ang puno upang magkapera. Hanggang isang araw, nagising silang wala na ang puno.

Sa loob ng tatlong buwan, dahil sa punong iyon, naging tamad... naging sakim at naging makasarili ang lahat. Nagsisisi silang lahat. Umasa silang muling lilitaw ang punong iyon. Ngunit lumipas ang mga taon, wala nang lumitaw na ganoon pa. Wala silang nagawa kundi ang paghirapan at pagpaguran ang bawat sentimo na kanilang gagastusin... Muli silang nagtrabaho para mabuhay.

Ang hindi nila napapansin, namumunga nang muli ang puno... dahil sa kanilang pagbabago.

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon