Nang Hindi Nakinig si Mok

114 3 0
                                    

Sabi ng ina niya'y ibang dugo na lamang ang kaniyang sipsipin.

SA oras na dugo pa ng tao ang gustuhin ng kanilang lahi, alinman sa susubok nito ay maaaring mawala. Delikado, dahil isang pagkakamali lang ay isang katakot-takot na kamatayan ang kanilang malalasap. Masarap, malinamnam at kahuma-humaling na tila kay sarap balik-balikan, ito ang deskripsyon nila sa lasa nito, lalo na iyong sa mga bata. Tila nga nasa langit sila sa tuwing nanunuot ito sa kanilang sikmura, subalit magmula nang mapatay ng isang bata ang kanilang reyna ay ipinatupad na ng kanilang hari ang pagbabawal sa pagsipsip ng likidong ito. Kahit na hindi ganoon kasarap, mas pinili na lamang nila ang sa hayop. Ilan sa mga ito ay ang sa baboy, kalabaw, aso at kung anu-ano pang hayop na maaari nilang mapagkukunan ng likidong bumubuhay sa kanila.

"H'wag matigas ang ulo, Mok!" panenermon ng ina niya sa kaniya. Iginigiit niya kasing hindi naman siya mapapatay kung sisipsip siya ng dugo ng isang tao.

"Ngunit ina, may taglay po akong bilis. Mapapaghandaan ko po ang kamay ng sinumang mapagkukunan ko ng masustansyang pagkain natin kung ito man ay hahagupit sa akin," paliwanag naman niya rito. Isang beses pa lang kasi siyang nakakasipsip ng dugo ng tao. Ilang linggo na nga rin ang nakakalipas nang mangyari iyon at hanggang ngayon ay hinahanap-hanap niya pa rin ito.

"H'wag kang magmalaki Mok! Ang sinabi ko ay ang iyong sundin. Ito'y para rin sa iyong kaligtasan!"  sabi naman ng kaniyang ina sa kaniya. Wala na nga siyang nagawa kung 'di ang sundin ito. Pumasok siya sa loob ng kaniyang silid at nagkulong. Nais pa nga sana siyang kausapin ng kaniyang ina ngunit hindi na niya ito pinakinggan.

"Mabilis naman ako ah!" sabi niya sa sarili at muli niyang naalala ang una't huling beses na siya'y sumipsip ng dugo mula sa isang tao, sa isang batang lalaki.

Nakadapo siya sa ibabaw ng lamesa habang pinagmamasdan ang isang batang naglalaro. May katabaan iyon at nasa limang taon wari ang edad. Seryoso niya itong pinagmamasdan at minamatiyagan ang bawat kilos.

"Sabi nila, higit na malinamnam ang dugo ng mga tao kumpara sa mga mababahong baboy na iyon," sabi niya sa sarili at mabilis na lumipad papunta sa bata. Narinig niya kasi iyon mula sa mga may edad niyang kasamahan kaya lumikha ito ng kuryusidad sa kaniyang isipan.

Maingat siyang dumapo sa isang binti ng bata. Sumulyap pa siya rito at napansing nakatuon pa rin sa paglalaro ang atensyon nito. Huminga muna siya nang malalim at pagkatapos ay pinatigas niya ang kaniyang panusok. Itinarak niya ito nang sobra diin sa balat ng bata at mabilis siyang sumipsip ng dugong kaniyang inaasam-asam.

Napapikit pa siya nang malasahan ito. Tila may kung anong sensasyon ang kumiliti sa buo niyang katawan. Nakaramdam siya ng kakaibang ligaya subalit napamulat siya nang gumalaw ang bata. Nakita niya kaagad ang malapad nitong palad na paparating sa kaniya.

Isang mabilis na paglipad ang ginawa niya. Ilang sentimetro na nga lamang at maiipit na siya noon ngunit mabilis siyang lumipad patungo sa ilalim ng binti nito. Pagkatapos noon ay agad siyang lumipad palayo habang hinahanap pa siya ng bata. Nagawa niyang makaligtas at natikman pa niya ang pinakaaasam-asam niya.

"Kailangang matikman ko uli ang dugong iyon!" seryoso niyang sinabi nang bumalik siya sa reyalidad. Kinagabihan nga ay palihim siyang tumakas at mabilis na tinungo ang bahay ng batang nasipsipan niya ng dugo.

Mabilis niyang pinasok ang maliit na butas sa pintuan ng bahay at nang makarating siya sa salas, doon niya nakitang seryosong nanonood ang bata ng telebisyon.

"Madali lang ito!" sabi niya sa sarili at walang pag-aalinlangan na dumapo sa balikat ng bata. Napangiti pa nga siya dahil sa wakas ay matitikman na niyang muli ang sarap at linamnam ng dugo ng isang tao. Mabilis niyang itinarak sa balat nito ang kaniyang panipsip at pagkatapos noon ay buong-sarap siyang sumipsip ng dugo.

Halos punuin na niya ang kaniyang sikmura dahil hindi man lamang siya naramdaman ng bata na patuloy pa rin sa panonood ng telebisyon. Subalit ang akala niyang ligtas siyang makakaalis ay hindi nangyari.

Isang malapad at mabigat na palad ang mabilis na tumama at pumisa sa kaniya. Dahil sa rami ng dugo niyang nasipsip ay nagkalat ang mapulang mantsa sa balat ng bata at sa palad ng pumisa sa kaniya.

"Baby! Go to sleep na. Kita mo, busog na 'yong lamok na kumagat sa 'yo," sabi nito sa bata habang pinapahid sa shorts nito ang dugo mula sa lamok.

"Hindi mo ba ramdam?" dagdag pa nito.

"Mommy, hindi po e," sagot naman ng bata at pagkatapos noon ay pinatay na nila ang telebisyon. Samantalang wala namang kaalam-alam ang ina ni Mok na ito pala'y wala na.

WAKAS

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon