Binasurang Ginto

68 2 0
                                    

Binasurang Ginto
ni Taong Sorbetes

"Direk, itutuloy pa ba natin?"

Iyon ang tanong ng isa sa mga kasama niya sa gagawin niyang pelikula. Nabigyan kasi siya ng pagkakataon, kasama na ang iba pang indie film makers, na lumahok sa MMFF na gaganapin sa Disyembre.

"Oo, itutuloy natin."

Ang sagot na iyon ay positibo, pero sa kanyang isip. Dapat pa nga ba niyang ituloy ang kanyang gusto? Makikipagsabayan siya sa mga pelikulang pinondohan ng mga malalaking TV Networks na taon-taon ay milyon-milyon ang kinikita.

"Hindi naman pera ang ating habol. Ang gusto ko ay mapanood nila ang mga pelikula na gawa natin." Ito ang kanyang paniniwala, subalit nang mapasama siya sa mga napili ay parang nababahag ang kanyang pagka-positibo.

"Maglalabas sila ng pera, pero pwedeng mauwi sa wala dahil lalangawin lang din naman ang ating mga pelikula." Ilang film makers na ang umatras dahil batid nilang mas tinatangkilik ng madla ang mga pelikulang may sikat na artista at nakakatawa para sa kanila.

May ibang naniniwalang wala silang puwang sa mundo ng pelikula sa bansa dahil sa panahon ngayon, kadalasan ay comedy at romantic movies na ang bida ay ang mga sikat na loveteams na lamang ang tinatangkilik ng karamihan.

"Direk, okay ka lang?" Tila bumalik siya sa reyalidad nang tapikin siya ng kanilang cameraman.

"Itutuloy ko ito! Walang masama kung susugal kami," sabi niya sa sarili.

"Isa pa, mahal ko ang ginagawa ko."

Itinuloy niya ang proyekto nila. Tinapos nila ang pelikula. Nang dumating ang pag-ere ng kanilang gawa ay halos pagsakluban ng langit at lupa ang kanilang grupo.

Tulad ng inaasahan, nilangaw sa takilya ang kanilang gawa at mas pinanood ang mga sikat at nakakatawa.

Butas ang bulsa niya, lalo pa't malaki rin ang ibinayad nila sa mga artistang kanilang kinuha.

Ilang linggo ang lumipas, walang nagawa ang batang direktor kundi ang lumaklak ng alak. Tanggapin ang katotohanang sa bansang tinitirhan niya, walang puwang ang mga pelikulang gagawin niya.

Doon ay biglang tumunog ang tone ng kanyang Messenger. May message mula sa kanyang team.

"Direk, gud news! Na-feature sa US ang movie natin at blak nilang ipalbas doon i2!"

Napakusot ng mata ang direktor. Agad niya ring iki-ni-lick ang link na ipinasa sa kanya.

Nasa New York Times ang ginawa nilang pelikula. Hindi iyon panaginip! Totoo ang lahat!

Nabasa niya ang reaksyon ng mga foreign critique na pumunta sa Pilipinas para panoorin ang lahat ng entry sa MMFF, at ang pelikula nila ang mas nagustuhan ng mga ito. Marami ang humanga sa pelikula niyang pumapatungkol sa reyalidad ng lipunan sa bansa. Isang bansang walang disiplina. Isang bansang walang pagkakaisa.

Makalipas ang ilang linggo, nakapunta sila ng US para i-launch ang kanilang pelikula. Doon ay nabigyan sila ng break, doon ay tinangkilik ang kanilang mga gawa. Mahal nila ang Pilipinas, pero mas ginusto nilang doon na lamang ipagpatuloy ang kanilang karera na mas mabibigyan ng pansin kaysa sa kanilang sinilangan.

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon