Saya

43 1 0
                                    

Saya

Habang naglalakad si Alan sa siyudad kung saan maririnig ang maiingay na makina ng mga dumaraang sasakyan ay isang gusgusing bata ang lumapit sa kanya. Nakapaa lamang ito at nakasuot ng maruming damit na may mukha ng pulitiko sa harap - hindi alintana ang alingasaw at init ng sementadong daan na kanilang kinatatayuan.

“Kuya, palimos po…” Garalgal ang boses nito at tila natutuyo na ang lalamunan dahil marahil sa uhaw.

Balak n’ya sana itong iwasan ngunit sa huli ay hindi na rin niya nagawa dahil nakaramdam na siya ng awa rito. Kung titignan kasi ang itsura nito’y parang ilang araw na itong hindi kumakain.

“O sige, ‘eto… ibili mo ‘yan ng pagkain, ha?” Nakaramdam siya ng kakaibang saya nang makita ang ngiti sa mga labi nito pagkaabot niya rito ng singkwenta pesos na perang papel.

“Salamat po!” Pagkasabi niyon ay tumakbo na ito papunta sa kung saan.

Nagpatuloy si Alan sa paglalakad. Halos nalibot na niya ang buong siyudad pero wala pa rin siyang mahanap na trabaho. Ubos na rin ang resumé na dala niya kaya nagpasya siyang pumunta muna sa isang computer shop upang magpaprint.

“Booo! Weak! O, ano ha? Ano?! Akala n’yo matatalo n’yo ako? Ulol!”

Napalingon siya sa batang sumigaw pagkapasok niya ng shop. Nabigla siya nang mapagsino ito. Walang iba kundi ang batang nanlimos sa kanya kanina! Hindi tuloy niya maiwasang makaramdam ng panghihinayang sa perang ibinigay niya rito. Imbes kasing ibili ng pagkain ay heto’t ipinanglalaro lang pala nito ng computer games ang  perang napanglimusan.

Makalipas ang ilang minuto ay narinig muli ito ni Alan na nagmura. Napatingin muli siya rito. Kaya naman pala dahil biglang nagsara ang Windows ng computer na ginamit nito tanda na tapos na ang oras nito. Napapakamot na lang sa ulo na tumayo ito pati na rin ang batang kalaro nito na isa ring pulubi. Dahil nasa may counter lamang siya habang nag-aabang na matapos ang mga pinapa-print niya ay kitang-kita niya nang iabot ng bata sa lalaking nagbabantay ng computer shop ang singkwenta pesos na binigay niya rito kanina.

Bago pa man makalabas ang dalawang bata ay tatawagin n’ya sana ang pansin niyong batang binigyan niya ng limos kanina upang sana ay pagsabihan ngunit napahinto siya pagkarinig sa sunod na sinabi nito matapos makipagyabangan kung anong level na sa Dota.

“Tanginang ‘yan, kung ‘di lang sana talaga natapos agad ‘yung oras ko, GG ‘yung mga ‘yun sa’kin, e!”

“’Yaan mo na. Bukas ulit!”

“Sana makadiskarte uli tayo ng perang pangkain at panglaro! Ang saya, e!”

Ang saya. Ito ang paulit-ulit na tumakbo sa isipan ni Alan. Naalala niya bigla ang ngiti ng bata nang bigyan niya ito ng pera. Masaya ito. Iyon ang nakita niya sa ngiti nito kanina.

Hindi na lang niya itinuloy ang pagtawag sa bata at nagpatuloy na lang sa pag-aantay ng pinapa-print na  resumé. Napagtanto kasi niyang tao lang din naman pala ang mga batang iyon at naghahanap lang ng ikasasaya.

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon