Unos

98 2 0
                                    

HABANG patuloy na sumisikat ang araw sa umaga, kailangan kong gumising. Kailangan kong simulan ang bagong hamon na darating. Kailangan kong tapusin ang anumang balakid sa landas na aking tatahakin. Iwaksi ang negatibong nangyari sa nakaraan at gumawa ng positibong magiging gabay ko para magpatuloy. Pwera na nga lang kung mas pipiliin kong wakasan na lang ang buhay ko at s'yempre, hindi ko gagawin 'yon. Para saan pa't narito ako ngayon, biniyayaan ng isa pang pagkakataon para ibalik sa dating ayos ang lahat, kung wawakasan ko naman ang buhay ko?

Pagkatapos akong mag-isip-isip ng ilang mga bagay ay agad na akong bumangon mula sa aking higaan. Sumulyap pa ako sandali sa maliit na litrato ng Panginoon na nakadikit sa dingding ng aking bahay. Nag-antanda rin ako ng krus matapos iyon.

"Salamat po," sabi ko sa aking sarili at pagkatapos ay naghanda na ako para sa isang panibagong araw na aking haharapin.

Pagkalabas ko ng bahay ay bumungad sa akin ang imahe ng aming barangay na bago pa lang nakakabangon mula sa unos na aming pinagdaanan. Hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na iyon. Napatingin tuloy ako sa itaas at saglit na bumalik sa aking alaala ang mga nangyaring iyon, ilang buwan na rin ang nakakalipas...

"Papa! I love you!"

TANDANG-TANDA ko pa ang huling sinabi sa aking ng mag-ina ko nang araw na iyon. Sinabi nila iyon bago ako umalis para dumalo sa isang mahalagang pagpupulong sa bayan. Wala sa isip ko na may hindi magandang mangyayari sa kanila ng gabing iyon. Ganoon din sa mga ka-barangay ko. Hindi ko akalaing dahil pala sa biglaang ulang iyon ay makakapagdulot  ito ng 'di makakalimutang pangyayari sa buhay ko.

"Kap! May emergency po!" Kinabahan na lamang ako nang biglang sumingit sa kalagitnaan ng aming pagpupulong ang kasama kong kagawad, namumutla siya at hawak-hawak ang kanyang cellphone.

"Kagawad Arnel, maghunos-dili ka..." sabi ko naman sa kanya at pansamantala muna kaming lumayo mula sa pagpupulong.

"P-pasensya na po Kap."

"Ayos lang, pero ano ba 'yang emergency na sasabihin mo?" Doon ko na napansing parang hirap siyang banggitin ito subalit nang marinig ko iyon ay doon na ako natigilan.

"K-kap... N-nagkaroon ng la-landslide sa a-atin. K-kani-kanina lang," mangiyak-ngiyak niyang sinabi sa akin. Kumabog naman kaagad ang dibdib ko at parang kidlat na pumasok sa isip ko ang aking mag-ina. Hindi na kami nagpaligoy-ligoy pa at kaagad kaming umalis mula sa pulong kong dinaluhan. Hindi na nga kami nakapagpaalam nang maayos dahil sa pagmamadali. Ang tanging nasa isip ko na lang ay ang aking mag-ina, pati na rin ang nasasakupan ko sa barangay.

"Sana'y walang mangyaring masama sa mag-ina ko," bulong ko sa aking sarili habang minamaneho nang mabilis ang aming sinasakyang barangay patrol jeep sa gitna ng buhos ng ulan.

HINDI na nagawang makalampas ng aming sinasakyan sa kantong papunta sa barangay namin dahil nabarikadahan na kaagad ito ng mga militar at pulis. Natabunan kasi ng makapal na putik mula sa gumuhong parte ng bundok ang kalsadang papunta sa aming destinasyon dahilan para bumaba na kami mula sa aming sinasakyan. Tinulungan na lamang nila kami papunta sa barangay namin at laking-gulat namin sa aming nakita.

Hindi na ako nakapagsalita dahil sa kalunos-lunos na itsura ng aming barangay. Tanging mga bubong at dahon ng mga punong natabunan na lamang ang aming nakita. Hindi ko na nga naiwasang mapaluha dahil naalala ko ang mag-ina ko. Nagwala ako. Gusto ko silang hukayin kaagad dahil umaasa akong buhay pa sila... Nagbaka-sakaling baka maisalba ko pa sila pero inawat nila ako, inilayo muna nila kami dahil delikado raw kung magtatagal pa kami.

Kinaumagahan, sumilay sa akin ang malamig na bangkay ng mga nasawi mula sa landslide at isa na roon ang mag-ina ko. Napakasakit. Ang pinakamamahal kong asawa't anak, ngayon ay wala na.

Napag-alaman naming ang dahilan ng landslide ay ang naging mahinang kapit ng lupa sa bundok. Putol na kasi ang mga puno at isa pa, maraming small-scale miners ang nagmimina rito. Mayroon na nga ring isang malaking kumpanya ang nagsasagawa na ng exploration dito at mukhang mahihinto muna ito pansamantala. Ang masakit sa nalaman kong iyon, isa ako sa nagbibigay ng permiso sa mga gustong magmina sa bundok na malapit sa barangay namin. Naisip ko kasing malaking pera ang maiipasok nito sa aming barangay, pero ito pala ang kapalit noon... Ang buhay ng maraming tao, ang buhay ng mag-ina ko.

Ilang araw ang lumipas, sobra akong nalungkot dahil sa mga nangyari. Wala na ang pamilya ko, kaya minsan ay naiisip ko na rin silang sundan. Pero ewan ko nga ba, sa tuwing maiisipan ko kasi iyon ay palagi na lang akong napapatingin sa litrato ng Panginoon na nasa pitaka ko. Nang makabalik nga kami sa aming barangay pagkatapos ng isang buwan ay napagtanto kong may balak siguro siya. Kasalanan ko rin naman ito pero may oras pa para itama ito. Alam kong may plano pa siya at ito ang nagbigay ng lakas ng loob sa akin para mag-umpisang muli't itama ang mga pagkakamali ko.

NGAYON, ako na ang chairman ng Anti-Mining Group dito sa aming probinsya. Mayaman nga sa mineral ang aming probinsya pero napagtanto kong walang magandang idudulot ito sa kalikasan at sa amin. Ayaw ko nang maulit pa ang bangungot na iyon kaya labis ang ginagawa naming kampanya kontra sa mga kumpanyang nagnanais magmina sa bundok dito sa amin. Bukod din dito, may ginagawa na rin kaming hakbang laban sa mga iligal na namumutol ng mga puno. Pinalawig din namin ang kampanya para sa pagtatanim sa mga nakakalbong bahagi ng bundok at kagubatan dito sa probinsya. Kasama na rin dito ang paglilinis sa mga ilog at tabing-dagat. Ayaw ko na kasing maulit pa iyon, para saan pa't nandito pa ako kung hindi ko itatama ang pagkakamali ko sa nakaraan. Kung malulungkot ako ay siguradong gano'n din ang mag-ina ko sa itaas at isa pa, dahil sa mga nangyaring iyon... nalaman kong may isa pa palang pamilyang handa akong samahan.

"Kap! Magandang umaga po! Kape muna kayo," alok sa akin ng kagawad na si Arnel habang naka-upo sa terasa ng kanyang kubo.

"Good morning Kap! Mukhang masaya po kayo ah." Napangiti naman ako sa sinabing iyon ng nakasalubong kong nagtitinda ng gulay. Nakakatuwa kasi, ang barangay namin, unti-unti nang bumabangon.

"Good morning po Kap!" sabay-sabay namang bati sa akin ng tatlong batang naglalaro at muli na naman akong napangiti.

"Salamat sa inyo, mga ka-barangay..." naibulong ko habang nakatingin sa kanila.

WAKAS

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon