Ang Tunay na Kulay ng Ahas at ng Iguwana

63 1 0
                                    

Mapagmatyag na gumagala si Binibining Ahas sa kagubatan. Panay ang tingin niya sa paligid. Bawat maraanan niya'y pinagmamasdan sa pag-asang makikita ang napupusuang Iguwanang ilang araw pa lang nang makita.

Nagustuhan niya agad ito sa hindi maipaliwanag na dahilan. Ngunit mailap ito dahil sa kakayahang magpalit ng kulay, na dumidepende sa lugar na kinatatayuan.

Ngunit nang araw na iyon, tila itinakdang sila'y pagtagpuin. Nasa ibabaw ito ng isang malaking bato. Desidido siyang makilala nito, kaya mabilis siyang gumapang papunta roon.

"Ginoo! Sandali! Ssss..."

Napatingin agad ang Iguwana. Subalit takot kaagad ang unang naramdaman nito. Nanginig ang buong katawan ng reptilya. Ngunit mabilis itong pinawi ng ahas.

"Huwag kang matakot! Ako'y isa mong taga-hanga!"

Likas na mataas ang tingin sa sarili ng Iguwana kaya agad itong napangiti. Sandali nitong inayos ang ilang balahibo sa noo at ngumiti para makita ang maputi nitong mga ngipin.

"Nais mo ba ng aking pirma?"

"Hindi. Nais ko lamang makita ang tunay mong kulay. Sss..." May kasama iyong seryosong tingin.

Kinabahan si Iguwana. Baka kasi hindi magustuhan ng Ahas kapag ipinakita nito. Iyon ang bagay na ayaw nitong ipakita sa iba.

"Ng-ngunit, baka 'di mo magustuhan..."

Ngumiti ang ahas. "Wala iyon sa akin. Hahangaan pa rin kita maging ano pa man ang iyong kulay."

Mabilis na gumaan ang loob ng Iguwana. Tila may hipnotismo ang sinabing iyon ng ahas. Ipinakita nito ang tunay na kulay sa tagahanga dahilan para lumitaw ito nang malinaw. Kaso, mabilis itong nilingkis ng ahas. Hindi na ito nakapagsalita dahil sa higpit.

"Sabi na nga ba't malusog ka. Gusto pa rin kita kahit ganyan ang kulay mo. Sss."

Nabusog ang tusong ahas at nagpatuloy na muli ang paghahanap niya ng bagong biktima.

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon