Gusgusing Mandirigma

86 4 0
                                    

HINIHINGAL na sa pagtakbo ang babae. Kanina pa siyang tumatakbo at gusto na niyang huminto. Malakas na ang kabog ng dibdib niya dahil ramdam niyang maabutan na siya ng humahabol sa kanya. Maiituring na mapanganib na nilalang ito. Mapupula ang mga mata at may matalas na mga ngipin. Askaldo, ito ang tawag sa dambuhalang lobo na ito. Isang mapanganib na nilalang na nagpapagala-gala sa kakahuyang nakapaligid sa siyudad ng Emeraldo, ang kabisera ng Okeron, ang kaharian ng mga gumagamit ng pulang espada.

"Sabi ko na sa 'yo Almira. Makinig ka kay Ina. Pero ano'ng ginawa mo? Sinuway mo pa rin ang bilin niya," sisi niya sa sarili at muling kumubli sa likod ng isang malaking puno. Nanginginig sa takot. Ilang ulit na niya itong ginagawa magmula kanina pero nakikita pa rin siya ng Askaldo. Ito'y dahil sa abilidad na pang-amoy nito, kaya bibihira ang nakakalusot sa halimaw na ito.

"Pero ako lang naman ang p'wedeng gumawa nito..."

Napalundag si Almira palayo nang biglang mawasak ang punong pinagtataguan niya. Dahil sa talas ng kuko at lakas ng dambuhalang lobo ay walang kahirap-hirap nitong nagawa ito. Kahit napapagod na si Almira ay sinubukan pa rin niyang tumakbo, ngunit sa kasamaang-palad ay biglang napatid ang paa niya sa isang sanga ng nawasak na puno. Nadapa siya pero mabilis din niyang pinilit tumayo subalit biglang nagdilim ang kinatatayuan niya. Napatingin siya sa itaas at napamulaga. Nasa ere na ang Askaldo at sasakmalin na siya nito. Napatili na lang siya sa takot at napapikit. Katapusan na niya, ito ang nasa isip niya. Kung nag-aral lang sana siyang gumamit ng espada, baka sana'y malusutan niya ito. E 'di sana'y nagagamit niya ang espadang dinala niya. Kung matapang lang sana siya.

NAPAMULAT sa pagkabigla si Almira. Buhay pa siya at isang lalaking nakasuot ng itim na kasuotan ang nasilayan niya. Nakikipagbuno ito sa Askaldo gamit ang espada. May kakisigan ang binata pero gusgusin naman ito.

"Aanhin mo ang espadang dala mo?" Napailing ang lalaki at isang malakas na wasiwas ang ibinigay niya sa dambuhalang lobo. Nagkaputol-putol ang ngipin noon kaya nagtatakbo palayo.

Tila nabunutan ng tinik sa lalamunan si Almira dahil sa nangyari. Napa-upo siya dahil sa pagod. Isang binata ang nagligtas sa kanya. Napangiti siya nang malapad nang humarap na ang binata. Pamilyar ang mukha nito pero hindi niya maalala kung saan niya nga ba ito dating nakita.

"Aanhin mo ang espadang dala mo? Kung hindi pa ako dumating ay baka tinanghalian ka na ng isang iyon," sabi ng lalaki sa kanya habang inilalagay sa lalagyang nasa tagiliran nito ang espada nitong may pulang talim. Ilang segundo namang hindi sumagot si Almira dahil pilit iniisip kung sino ang gusgusing binatang nagligtas sa kanya.

"Binibini?"

Napapitlag si Almira at medyo napahiya. Hindi niya alam kung ano'ng sasabihin dahil hindi niya naintindihan ang sabi ng binata.

"A-ano iyon?" nauutal na tanong ni Almira. Napabuntong-hininga naman ang binata at tinalikuran siya.

"Taga Okeron ka, pero bakit hindi ka lumaban gamit ang dala mong espada..."

"A-ano kasi..." Napayuko si Almira at napakagat-labi sa hiya.

"D-dahil duwag ako!"

Napahinto ang binata sa kanyang narinig. Palihim din siyang napangiti.

"Saan ka ba pupunta?" tanong nito kay Almira.

"Sa Emeraldo... Bibili sana ako ng gamot para kay Ina," sagot ni Almira na napahikbi na lang. May lagnat ang Ina niya at naubos na ang reserba nilang lunas para rito. Wala siyang magawa kundi pumunta sa Emeraldo kahit delikado ang tatahaking ruta. Kahit pinipigilan siya nito dahil sa sinapit ng kanyang ama noong nasa pitong taong gulang siya. Napatay ang ama niya ng isang Askaldo, sa mismong harapan niya. Iyon ang dahilan kung bakit siya takot pumasok sa kakahuyan na tanging daan patungong Emeraldo. Dahil bumabalik sa alaala niya ang insidenteng iyon.

"Tayo na! Ihahatid kita sa Emeraldo. Pati na rin sa pag-uwi mo." Seryoso napasulyap ang binata sa dalaga. Bigla niyang naalala ang batang babaeng pinatakas niya noon mula sa isang Askaldo. Hindi siya maaaring magkamali, ito ay ang babaeng kausap niya.

"S-salamat..." Napangiti si Almira. "Ano nga palang pangalan mo?"

Sandaling napangiti ang binata.

"Ako ang mandirigma ng kakahuyang ito! Si Miro!"

Natigilan si Almira sa narinig niya. Bigla niyang naalala ang batang tumulong din sa kanya noon. Ganoon din ang sinabi nito sa kanya.

"Ako ang mandirigma ng kakahuyang ito! Si Miro!"

Bago pa man makapagsalita ang dalaga ay inunahan na siya ni Miro.

"Hindi ka duwag... magandang binibini..."

WAKAS

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon