Ipsum Paradisum

159 4 0
                                    

MAY isang pares ng mata ang seryosong nakatanaw sa malayo mula sa bintana ng pinakamataas na silid ng isang tore ng isang palasyong matatagpuan sa gilid ng isang bundok. Ilang taon na niya rin itong gawain, araw man o gabi, umuulan man o hindi. Pero iba ang araw na ito para sa kanya. Ito kasi ang araw kung saa'y nakaramdam siya ng pag-asa. Dati'y ipinipikit pa niya ang kanyang mga mata upang malinaw niyang masilayan mula sa kanyang isipan ang isang paraisong gusto niyang muling marating, ang kanyang totoong tahanan, pero ngayon ay mukhang hindi na niya kakailanganing pumikit. Punong-puno na siya ngayon ng pananabik at galak na muling makauwi. "Ang araw na matagal kong hinintay. Ang araw na makaalis ako sa puro sapot na silid na ito. Salamat dahil hindi na lang ang maitim na tubig ng dagat ang aking makikita..." Ito ang nasa isip niya pagkatapos tumuntong sa pasamano ng bintana sa silid na kanyang kinalulugaran. Saglit pa siyang lumanghap ng hangin at doon ay muling niyang naalala ang nakalipas... Bata pa siya noon at may kaliitan pa. Madalas siyang nakatayo sa tuktok ng pinakamataas na puno sa kanilang tirahan. Tinatanaw niya ang halos kadulu-duluhang bahagi ng lugar na maabot ng kanyang mga mata habang nandoon. Dahil din dito kaya nabuo ang kuryusidad sa kanyang isipan kung ano pa bang lugar ang kanyang makikita kung mararating niya ang dulo ng kanyang mga natatanaw. Isang magandang paraiso, ito ang nasa isip niya nang mga sandaling iyon. Ito rin ang nagbigay-daan sa kanya para pangaraping makita ang mga lugar na 'di pa niya nararating. "Huwag na huwag kang lalayo rito sa ating tirahan dahil mapanganib sa labas." Ito ang palaging paalala sa kanya ng mga magulang niya ngunit mas nangibabaw sa kanya ang kagustuhang makapunta sa lugar na kanyang ninanais. Hindi niya pinakinggan ang paalala sa kanya at lumipad siya palayo nang wala na sa kanyang makakapansin. Hindi naging madali ang kanyang daang tinahak. Bago niya malampasan ang buong kagubatan ay may mga pagsubok pa siyang kinailangang lampasan. May mga mababangis na hayop siyang tinakasan habang lumilipad. Maging ang panahon ay naging pagsubok rin sa kanyang hangarin, may mga bagyo't malalakas na hangin siyang nasalubong subalit dahil sa kanyang determinasyon ay nagawa niyang lampasan ang mga ito. Hindi siya sumuko hanggang sa marating niya ang lugar na hinangad niyang makita... Ang galak at pananabik sa kanyang puso'y biglang naglaho nang tumambad sa kanya ang isang napakapangit na lugar. Mga tuyong puno't tigang na kalupaan, mga buto ng mga at mga kakamatay pa lang na mga hayop, ito ang bumungad sa kanya. Parang nagsisi siya sa kanyang ginawa kaya naisipan niyang umuwi subalit dahil nasa murang-edad pa lamang siya ay 'di na niya nagawang tandaan ang kanyang dinaanan. Saglit muna siyang humapon sa sanga ng isang tuyong puno para magpahinga... subalit isang matigas na bagay ang biglang tumama sa kanyang naging dahilan upang siya'y mawalan ng malay. TUMAMBAD sa kanya ang isang napakaruming silid nang imulat niya ang kanyang mga mata. Nasa loob na rin siya ng isang hawla at 'di niya malaman kung paano siya napunta rito. Iniisip niya rin kung nasaan ba siya pero walang makasagot nito... at simula noon, dito na siya namalagi. Lumipas ang halos tatlong taon, at tanging isang nilalang na nakatalukbong ang araw-araw niyang nakikita. Ito ang nagbibigay sa kanya ng mga tira-tirang pagkain, dahilan para siya'y mabuhay pa. Alam niyang isa itong babae, subalit kahit minsan ay 'di niya nakita ang mukha nito. Akala nga niya'y panaginip lamang ang siya'y makakalaya pa mula sa lugar na iyon kaya laking-gulat na lamang niya nang magising siyang bukas ang kanyang hawla...Sumilay agad ang isang ngiti sa gilid ng kanyang tuka matapos niyang maalala ang kanyang mga pinagdaanan. Kahit wala pang kasiguraduhan ang makauwi pa siya, ang paglaya namang ito ang itinuturing niyang unang hakbang para makabalik sa totoong paraisong kanyang iniwanan. Maliit pa siya noon, at ngayong malaki na siya'y mas may tiwala na siyang magagawa niyang malampasan ang mga pagsubok na kanyang maaaring pagdaanan. "Paalam..." Ito ang kanyang sinabi at pagkatapos noon ay buong tapang siyang tumalon mula sa bintana ng tore. Umigkas ang itim at malapad niyang pakpak. Buong-lakas niya rin itong ikinampay dahilan para makalipad siya ngunit bago pa man siya tuluyang makalayo'y isang matalas na bagay ang biglang tumarak sa kanyang dibdib, isang palaso. Tumagos pa ito sa kanyang likura't unti-unting nanlabo ang kanyang paningin. Pinilit pa niyang makalipad, ngunit 'di na niya ito nagawa. Ipinikit na lang niya ang kanyang mga mata, ang papalubog na ring araw sa kanluran ang huling bagay na nakita niya nang sandaling iyon. Bumulusok na siya pababa, napayid pa ng hangin ang mga balahibong nalagas mula sa kanya at nagsilbi namang mga mumunting kristal ang mga butil ng luhang nagmula sa kanyang mga mata’t sumama sa hangin. "Ang totoong paraiso ay ang lugar na mapupunta ako 'pag ako'y namatay..." Ito ang nasa isip niya bago siya tuluyang mamatay at duguang bumagsak sa lupa. Alam niya ring balang-araw ay magkikita niyang muli ang kanyang mga magulang... at doon na siya hihingi ng tawad sa kanyang nagawa. NAPALUHA si prinsesa Alena nang makitang bumagsak sa uwak na kanyang hinuli’t inalagaan sa loob ng mahabang panahon. Wala na rin siyang pagpipilian kundi ang gawin ito, alam niyang magiging mas miserable ang magiging buhay nito kung makikita nito ang kasalukuyang itsura ng mundo… kadiliman. Dalawang taon na rin ang nakakalipas nang lamunin ng tagtuyot ang buong kaharian, kabilang na ang lahat ng bahagi ng mundo. Dahil dito kaya napakaraming nabubuhay ang nagutom at namatay. Maraming buhay na rin ang nawala, kundi dahil sa gutom ay dahil naman sa pagpapatayan ng marami para lang mabuhay. “Ang paglayang iyon ang ginawa kong paraan upang sa huling sandali ng iyong buhay ay masilayan mo ang lumulubog na araw… patawad,” sabi pa niya matapos hugutin mula sa katawan ng uwak ang palasong nakabaon sa dibdib nito. Madaling bumulwak ang napakaraming dugo matapos iyon at doo’y mas lalo siyang nalungkot. Maliit pa ang uwak nang ito’y kanyang mahuli samantalang siya’y nasa sampung taong gulang pa lamang noon. Bibihira na kasi noon ang may mapadpad na anumang uri ng ibon sa kanilang kaharian kaya ‘di siya nag-atubili’t kanya itong hinuli. Wala siyang masamang intensyon sa uwak dahil ang tanging hangad lang niya ay ang mapaganda ang kahariang pinamunuan ng kanyang yumaong mga magulang. Matagal na kasing isinumpa ang mundo dahil sa ‘di malamang dahilan, at ngayon ay nalalapit na ang pagkalat ng sumpang ito na magwawakas sa lahat ng may buhay… ang kamatayan ng lahat. “Akala ko nang bata pa ako’y gaganda pa ang lugar na ito dahil palagi ko itong napapanaginipan, subalit nagkamali ako…” sabi niya sa sarili habang naglalakad papunta sa isang maliit na kubol na dala-dala ang patay na uwak. “Heto po, pantawid gutom niyo po para sa lilipas na gabi,” nakangiti niyang sinabi sa habang iniaabot ang kanyang dala sa isang matandang babaeng napakarungis ng itsura. May kasama rin itong dalawang maliliit na paslit na may kapayatan. Ilang araw na kasing kumakalam ang sikmura ng mga ito tulad niya at ito na lamang ang tanging paraang kanyang naiisip para solusyunan ito. “Maraming salamat po, mahal na prinsesa,” maluha-luha namang sinabi ng matanda at pagkatapos no’n ay bumalik na si prinsesa Alena sa malapit nang masira niyang palasyo. Masaya siya dahil sa huling sandali ay napasaya niya ang natitirang mamamayan ng kanyang kaharian, subalit nandoon pa rin ang lungkot dahil kailangan pa niyang isakripisyo ang uwak na iyon. “Matagal kong itinago ang itsura ko sa ibong iyon… pero alam kong makakahingi rin ako ng tawad sa kanya… sa aking nagawa. Paalam na rin sa natitirang mamamayan ng kahariang ito. Ito ang kapalaran natin… ang mapunta sa tunay na paraiso…” Tumulo ang dugo mula sa kanyang labi pagkatapos niyang itarak sa dibdib sa tapat ng kanyang puso ang hawak niyang palaso. Dahan-dahang nanlabo ang kanyang paningin hanggang sa tuluyan na siyang bumagsak sa sahig, sa loob ng silid na nasa pinakamataas na tore ng palasyong iyon. KAMATAYAN, ito ang tunay na magdadala sa kanila sa tunay na paraiso. Si Alena, isang prinsesang nangarap na makita ito at tulad ng uwak na kanyang inalagaan… maaaring makita na nga nila ang kanilang paraisong hinahangad. Song: Paradise by Coldplay WAKAS

Ito sana ang ipapasa ko sa Round 3 ng Royal Rumble, which is mali pala. :)

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon