Klits Istori

133 6 0
                                    

MAYROON akong babaeng gustong-gusto noong highschool. Naging kaklase ko siya noong fourth year ako, siya si Trisha. Isa siyang transferee at 'di ko akalaing mahuhulog ang aking loob sa kanya. Unang beses ko siyang naka-usap ay nang minsang mag-isa lang ako sa loob ng room. Recess noon at nasa canteen ang mga kaklase ko nang bigla siyang dumating at tinabihan ako.

"Bakit ka nandito? 'Di ka ba magre-recess?" tanong niya sa akin.

"W-wala akong baon..." medyo nahihiya ko namang sagot. Ngumiti siya sa akin at walang pag-aalinlangan niyang hinati sa dalawa ang dala niyang burger.

"Hati tayo, Jeff," sabi niya habang iniaalok sa akin ang kalahating burger. Napangiti nga agad ako nang tawagin niya ako sa aking pangalan. Ayaw ko pa nga sanang tanggapin pero makulit siya kaya kinuha ko na rin.

"S-salamat..." bulong ko. Hindi kasi ako binigyan ni Tatay ng baon noon pero salamat na rin dahil naging daan ito para magka-usap kami ni Trisha. Doon na nga rin nagsimula ang aming relasyon bilang... mag-bestfriend.

Naging matalik kaming magkaibigan, ako ang naging sabihan niya ng kanyang mga problema't hinaing at ganoon din ako sa kanya. Subalit 'di ko talaga maiwasang mahulog sa kanya... naramdaman ko lang ito nang ligawan siya ni Brett, ang ultimate crush ng mga babae sa school namin.

"Best, sasagutin ko na ba si Brett?" tanong niya sa akin noon habang magkatabi kaming naka-upo sa lilim ng isang mayabong na puno.

Linggo noon, sinabi sa akin ni Trisha na niyaya siya ni Brett lumabas at ang 'di ko nagustuhan ay ang sinabi niyang sasagutin na niya ito. Sobra akong nalungkot nang araw na iyon. Hindi rin ako mapakali kaya itinext ko siyang magkita kami sa munting parke sa bayan... pero lalo akong nalungkot nang sabihin niyang 'di siya makakapunta dahil magkasama na sila ni Brett. Sa sobrang badtrip ko nga ay nagreply ako na kung 'di niya ako sisiputin ay mawawala ako sa kanya, sabay patay ko sa 5210 kong cellphone at agad nagbihis para pumunta sa bayan.

Inabutan na ako ng dilim ngunit kahit anino niya sa parke ay 'di ko man lang nakita. Ang masaklap, biglang bumuhos ang malakas na ulan. Tila ba nakikisama ito sa kalungkutang dinaranas ko. Subalit nagulat na lamang ako nang biglang isang babae ang pinayungan ako...

"May topak ka ba? Gusto mo bang magkasakit?" nagtataray niyang tanong sa akin pero para naman siyang isang anghel sa paningin ko nang mga sandaling iyon.

"Kung saan ka masaya, sige..." matamlay kong tugon.

"Eh, ba't hindi ka yata masaya?" sunod naman niyang tanong.

"Masaya kaya ako," pagsisinungaling kong sinundan pa ng pekeng ngiti. Paano kasi, sinabi niya sa aking crush niya ito. Sino ba naman ako para makipagkompetensya kay Brett? Hindi ako gwapo, hindi rin katalinuhan at mukhang pagtulog nga lang ang talent ko kumpara sa Brett na iyon na Mr. Perfect kung tawagin. Minsan nga naiisip kong sana ay 'di ko na lang naging bestfriend si Trisha para 'di na nauwi sa ganito ang lahat.

"A-akala ko, 'di ka makakapunta?" tanong ko sa kanya.

"Akala mo lang 'yun!" sagot niya at bigla naman niyang piningot ang aking tainga.

"Ibig-sabihin, kayo na..." bigla ko namang nasabi.

"Hindi ah... Binasted ko na siya," mabilis naman niyang sagot at nginitian pa niya ako nang bahagya.

"Ikaw pala ang may topak eh. Akala ko gusto mo 'yon?"

"Ikaw ang may topak! Iba ang gusto sa mahal. Ang crush sa love! Kanino ba ako masaya? At bakit ako nandito?"

"E-ewan ko..." napapangiti kong tugon.

"Ayaw kasi kitang mawala..." bulong pa niya na nagpasaya sa puso ko nang araw na iyon.

AKALA ko nga noon, sa mga kwento lang pwedeng magkatuluyan ang mag-bestfriend na lalaki't babae pero hindi ko akalaing mangyayari pala ito sa amin. Mahal na pala namin ang isa't isa noon at ngayon, pitong taon na kaming kasal. May dalawa na ring anak at kahit korni ang aming lovestory ay 'di pa rin kami nagsasawang balikbalikan ito. May sinabi nga siya noon sa akin na 'di ko malimut-limutan...

"Hindi ko kailangan ng gwapo. Hindi ko rin kailangan ng talented at sobrang bait... Isa lang naman ang kailangan ko... Ikaw 'yon..."

"...Jeffrey Mendez!"

WAKAS

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon