EDSAmon

271 9 5
                                    

MABILIS na tumatakbo si Nobita papauwi sa kanila matapos niyang mabili sa palengke ang ipinabili ng kaniyang Mama. Kitang-kita sa itsura niya na parang may gusto siyang iwasan dahil palinga-linga pa siya sa paligid habang tumatakbo.

"Sana naman ay 'di ako makita ni Damulag. Siguradong aalilain na naman niya ako... Kailangang makauwi na agad ako," sabi ni Nobita sa sarili.

"Huli ka Nobita!"

Subalit mukhang minamalas siya nang biglang sumulpot sa harapan niya mula sa poste ng ilaw ang isang batang parang tuka ng manok ang bibig, ito ay si Suneo.

"Nakita rin kita. Balak mo pang taguan si Damulag, huh..."

"Damulag! Damulag! Nandito si Nobita!" sigaw pa ni Suneo, dahilan para kabahan si Nobita. Balak na nga niyang tumakbo subalit biglang may mabigat na kamay ang humawak sa kaniyang balikat.

"Lagot na..." bulong pa ni Nobita.

"Saan ka pupunta, Nobita? Balak mo ba akong takasan, huh?" tanong naman sa kaniya ng isang mataba at may pagkakahawig sa gorilya na si Damulag.

"Balak ka sana niyang takasan Damulag. Mabuti na lang at nakita ko siya!" pambubuko naman ni Suneo subalit bigla itong sinuntok ni Damulag sa ulo.

"Aray! Bakit mo naman ginawa 'yon," tanong ni Suneo na napapangiwi habang hinihilot ang kaniyang bukol sa ulo.

"'Di ba ang sabi ko, Lider Damulag ang itawag n'yo sa akin!" sabi ni Damulag na may kasama pang pananakot. Pagkatapos no'n ay kay Nobita naman niya itinuon ang kaniyang tingin.

"Ikaw Nobita! Gusto kong masahehin mo ang likod ko," utos agad ni Damulag.

"E-eh...A-no kasi..." nanginginig na sinabi ni Nobita.

"Umaangal ka, Nobita!?" may pananakot na tanong ni Damulag.

"A-ah...H-hindi! 'Eto na nga... mamasahehin ko nang likod mo," nangangatal na sinabi ni Nobita at agad niyang pinaupo si Damulag sa malapit na batong-upuan at doon inumpisahang imasahe ang matabang likod nito.

"Buti nga sa 'yo Nobita!"

Nakuha pa siyang asarin at tawanan ni Suneo pero bigla naman itong inutusan ni Damulag na kuhanin mula sa bahay nito ang remote control car na sinabi nito sa kanila.

MAGTATANGHALIAN na nang makauwi si Nobita sa bahay nila. Kung ano-ano pa kasi ang ipinagawa sa kaniya ni Damulag, nalanta tuloy ang mga gulay na ipinabili sa kaniya. Ang Mama naman niya ang kaniyang kinatatakutan dahil siguradong mapapagalitan siya nito. Dahan-dahan nga siya sa pagbubukas ng pinto ng bahay nila sa pag-aakalang walang makakapansin sa kaniya, subalit nagkamali siya. Inaabangan na pala siya ng kaniyang Mama rito. Kitang-kita niya ang pag-usok ng ilong nito at ang nagngangalit na tingin nito sa kaniya. Hindi na nga niya naiwasang kilabutan dahil dito.

"Nobitaaa!"

Napapikit na lang siya nang marinig ang boses ng kaniyang Mama. Animo'y isang bulkang sumabog ito.

"Anong oras na Nobita? Kaninang umaga ko pa 'yan pinabili sa 'yo!" gigil na gigil nitong sinabi sa anak na si Nobita.

Wala nang nagawa si Nobita kundi tanggapin ang lahat ng sermon ng kaniyang Mama. Nanlulumo tuloy siya nang umakyat sa kaniyang kwarto at pagpasok niya ay kanyang naabutan ang kaibigang asul na robot na nagmula pa sa 22nd century na si Doraemon, na seryoso namang nagbabasa ng aklat.

"Oh, Nobita? Bakit ngayon ka lang dumating?" tanong kaagad ni Doraemon.

Saglit na natahimik ang loob ng kwarto pagkatapos no'n. Dahan-dahan pang umupo sa sahig si Nobita at biglang isang nakakabinging iyak ang ginawa nito.

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon