Katana

119 4 0
                                    

MALALIM ang kaniyang iniisip habang nakatingin sa hawak niyang katana. May isang parte sa sarili niya ang nagsasabing huwag na lang. Baka ikamatay niya lang ito. Para sa kaniya'y mahina lang siya. Wala siyang magagawa. Nagdadalawang-isip siya kung dapat ba niyang iligtas si Airene mula sa mga dumukot dito.

Napabuntong-hininga si Echigo.

"Kinalimutan na naman niya ako. Ano pang silbi kung magpakabayani pa ako para sa kaniya?" Naibulong na lamang niya.

Ilang buwan na rin magmula nang hindi na sila nagpansinan ng taong itinuring niyang tunay na kaibigan... si Airene. Nag-umpisa lang ito nang manawa na itong pakinggan siya. Pakinggan ang mga walang k'wenta niyang hinaing sa buhay. Ramdam pa rin niya ang lungkot dahil sa mga nangyari, pero alam niyang kasalanan niya rin iyon. Kung marunong lang sana siyang makinig, baka ngayon ay kasama pa rin niya ang babaeng iyon. Baka sa mga oras na ito ay masaya pa rin sila.

"Pero... mahina talaga ako," bulong ni Echigo at pagkatapos noon ay tumayo na siya mula sa kinauupuan niya. Muli rin niyang isinabit ang kaniyang katana sa dingding ng k'warto niya. Muli rin siyang umupo at parang ewan na tumingin sa kawalan...

MALAKAS ang hiyawan ng mga mag-aaral na nanonood sa magiging laban ng kapwa nila estudyante. Ito ay ang paligsahan sa paggamit ng espada. Nasa huling bahagi na ang laban. Ito ay sa pagitan ni Echigo at ng kauna-unahang babae sa esk'welahan nila, si Airene. Kapwa sila magaling dahil sunod-sunod nilang tinalo ang mga nauna nilang katunggali nang hindi man lamang nagagalusan.

"Gusto kong labanan mo ako nang patas. Oo, babae ako, pero..."

"Alam kong kaya kitang talunin!" sabi ni Airene habang hawak ang kaniyang katana. Suot din niya ang kasuotang panlaban ng gumagamit ng espada. Ang damit na yari sa metal na may taglay namang gaan.

Napatawa naman si Echigo nang bahagya sa kaniyang narinig mula sa dalaga. Tumango lamang siya bilang pagtanggap noon. Pagkatapos noon ay hinigpitan na niya ang hawak sa kaniyang katana. Nabalot na rin ng tensyon ang buong paligid nang magtinginan silang dalawa. Tila nagpapakiramdaman kung sino ba ang unang aatake.

ISANG malakas at matinis na tunog ang umalingawngaw sa paligid nang magtama ang espada nina Echigo at Airene. Sa isang iglap din noon ay isang mabilis na palitan ng atake ang kanilang ginawa. Tumakbo sila sa iba't ibang direksyon ng kanilang pinaglalabanan at nagtagisan ng galing. Bawat wasiwas ng isa sa kaniyang espada ay nasasalag naman ng isa. Hindi pa sila nagkakatamaan at tanging ang talim lamang ng kanilang mga espada ang nagsasalpukan. Hindi tuloy maiwasan ng mga nanonood ang mapatayo dahil sa kanilang nakikita.

"Malakas ka nga para sa isang babae..." mahinang sabi ni Echigo nang masalag ni Airene ang kaniyang atake. Pinilit din niyang itulak ito gamit ang kaniyang espada, pero sadyang hindi basta-basta natitinag ang kaharap niya.

"S'yempre naman..." sagot naman ni Airene. Tila nagkaroon pa ng hindi nakikitang aura ang kanilang kinatatayuan nang biglang nahawi ang alikabok palayo mula sa kanila.

Napahiyaw na rin ang lahat nang tumalon palayo sa isa't isa ang magkatunggali. Seryosong nagkatinginan at mukhang gagawin na nila ang kanilang huling atake. Nagkangisian pa at pagkatapos ay tumakbo pasugod sa isa't isa.

Nilampasan nina Echigo at Airene ang isa't isa. Parang hindi sila nagkatamaan.

"Dancing Dragon... Style!" bulalas ni Echigo habang nakangisi.

Isa namang malakas na ihip ng hangin ang nagpataas sa buhok ng mga manonood pagkatapos noon. Nagulat sila nang biglang unti-unting bumagsak si Echigo. Napadapa habang may mga dugong nagkalat sa tapat niya.

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon