Kaibigang Puno

524 17 2
                                    

TAHIMIK na nakatanaw sa labas si Romy mula sa pagkaka-upo niya sa tapat ng bintana. Wari'y tila binibilang niya ang bawat sasakyang dumaraan sa kalsada sa tapat ng kanilang bahay. Simula kasi nang matapos ang road-widening project sa Barangay nila ay mas rumami na ang sasakyang dumaraan dito. Lalo pa't tabing-kalsada lang ang kinatatayuan ng bahay nila. Hanggang ngayon din nga ay hindi pa rin niya nakakalimutan ang kaniyang kaibigan… Ang kaibigang dati'y tiningnan pa niya mula sa kaniyang puwesto.

Isang taon ang nakakalipas… Masayang naglalaro ang ilang bata sa tapat ng isang maliit na bahay. Si Romy naman, isang walong-taong gulang na bata ay tahimik na pinanonood ang mga ito mula sa bintana ng kanilang bahay. Hindi niya maiwasang makaramdam ng inggit mula sa kanila. Gusto rin niyang maglaro tulad nila. Gusto niya ring sumali sa mga batang iyon, subalit hindi puwede dahil sa kaniyang katayuan. Sa kaniyang kapansanan.

"Romy, gusto mo bang lumabas?" tanong ng nanay ni Romy na si Aling Lita. Pasimple naman siyang ngumiti. Tumango rin siya, tanda ng kaniyang pagsang-ayon dito. Pagkatapos din no’n ay maingat niyang ipinihit ang kaniyang de-gulong na inuupuan. Pinaikot din niya ang gulong nito upang mas makalapit siya sa kaniyang nanay.

"Mmm... Uhmm..." Iyon lamang lumalabas na salita mula sa kaniya. Pinilit din niyang iniangat ang kaniyang katawan para yakapin si Aling Lita. Napangiti naman ito sa ikinilos ng anak dahil kahit pa'no ay ngumingiti rin daw siya, sa loob-loob nito.

"Naglalambing ka na naman. Ikaw talaga…" Pasimple pang hinalikan siya ni Aling Lita sa kaniyang noo.

ISANG pipi si Romy. Ngunit kahit ganito siya ay isa siyang napakabait na anak. Palagi siyang tumutulong sa mga simpleng gawaing-bahay. Masipag din siyang mag-aral. Sa katunayan nga ay siya palagi ang nangunguna sa SPED School niyang pinapasukan. Isa siyang batang punong-puno ng pagsisikap at pag-asa. Subalit ang lahat ng ito ay nagbago…

Isang aksidente ang nangyari sa kanila. Nabangga ng rumaragasang bus ang sinasakyan nila ng kaniyang ama nang minsang papauwi sila mula sa paaralan. Mas'werte ngang nakaligtas siya mula rito, pero ang kaniyang ama… Sa kasamaang-palad ay namatay ito.

Napakalaking milagro sa marami ang pagkakaligtas ni Romy. Wasak na wasak kasi ang sinasakyan nila subalit, ang kapalit naman ng pagkakaligtas niya ay ang pagkaputol ng dalawa niyang mga binti. Nagkadurog-durog kasi ang kaniyang mga buto sa parteng iyon, kaya napagpasyahang alisin na iyon upang hindi na iyon lumala pa.

Dahil nga sa aksidenteng iyon, palagi na siyang nakaupo sa wheel-chair na ibinigay sa kaniya. Mas naging malungkutin na rin siya dahil malapit talaga ang loob niya sa kaniyang nawalang ama. Nang buhay pa nga ito’y palagi siya nitong ipinapasyal. Isinasama sa panonood ng sine at kung ano-ano pang ikakasaya niya.

Kakatanggap lang ng ama ni Romy sa trabaho nang maaksidente ito kaya kakaramput lang ang natanggap nilang tulong. Naubos na rin ang ibinayad sa kanila ng may-ari ng bus na nakabangga sa sinasakyan nila. Hindi na rin nagawa pang kasuhan ito ng nanay niya. Naubos din ang ipon nila dahil sa laki ng ginastos sa pagpapa-opera sa kaniya. Nahirapan ding maghanap ng mapapasukan si Aling Lita dahil ang pag-aalaga sa anak ang naging trabaho nito. Dahil na rin dito kaya napahinto sa pag-aaral si Romy. Nabaon na rin sila sa utang nang mga panahong iyon.

Dahil sa wala rin silang malapitang kamag-anak, nagpasya na lamang silang pumunta sa probinsya. Naipagbili na rin kasi nila ang kanilang bahay para lamang makabayad sa utang. Mabuti na lamang at binigyan sila ng matutuluyan ng matalik na kaibigan ng ama ni Romy. Doon daw muna sila tumira lalo pa't hindi naman daw nito nagagamit ang bahay na iyon.

Paglalabada ang naging hanap-buhay ni Aling Lita. Gustuhin man niyang mapag-aral ang anak ay hindi niya magawa sapagkat kulang pa ang kaniyang kinikita. Ito na rin ang naging dahilan kaya palagi na lamang nasa loob ng bahay si Romy... Palaging nasa tapat ng bintana habang pinagmamasdan ang matandang puno ng akasya sa harapan ng kanilang bahay.

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon