Ang Huling Saiyan

181 8 2
                                    

NAGMAMADALING umuwi sa kanila ang second-year highschool na si Jimmy mula sa paaralan. Sa pagmamadali nga ay 'di na niya napansing binati pa siya ng kaniyang Mama, bagkus ay agad siyang pumasok sa loob ng kaniyang silid at mabilis na binuksan ang bintana rito.

"Ayaw nilang maniwala sa akin," sabi niya habang tinitingnan ang kaniyang kamao.

"Wala silang kaalam-alam na isang mapanganib na nilalang ang nandito ngayon sa mundo... Talagang ako na lang ang dapat kumilos sa pagkakataong ito. "

Seryosong binuksan ni Jimmy ang kaniyang damitan at agad pinalitan ang uniporme niya. Sinuot niya ang isang kulay itim na hoodie at isang itim na pantalon. Isinuot niya rin ang pinakamatibay niyang rubber shoes at itinali nang mahigpit ang sintas nito. Pagkatapos no'n ay humarap siya sa salamin at isinaklob sa kaniyang ulo ang hood ng suot niya.

"Kikilos na ako!" sabi pa niya sa sarili at seryosong isinuot ang isang googles sa kaniyang mata.

Pinagmasdan pa ni Jimmy ang kalangitan mula sa bintana ng kaniyang silid at huminga ng malalim. Matapos iyon ay buong tapang siyang tumalon palabas mula rito. Napangisi pa siya habang nakadipa sa ere, at pagkatapos ay isang mabilis at malakas na hampas ng paa sa hangin ang kaniyang ginawa. Isang kulay puting aura ang bumalot sa kaniyang katawan matapos gawin 'yon at napakabilis na umangat ang sarili niya pataas sa langit. Unti-unti na rin siyang nilamon ng ulap dahil sa taas ng kaniyang lipad.

Ang kakayahan niyang makalipad, isang pambihirang abilidad na ginawa ni Jimmy. Kaya nga habang lumilipad ay 'di niya maiwasang mapangiti dahil sa dinami-rami ng tao sa mundo ay siya pa ang napagkalooban ng ganitong abilidad. Iniisip din niyang kaya siya nagkaroon ng ganitong kakayahan ay upang protektahan ang mundo.

Ilang minuto niyang nilipad ang kalangitan, hanggang sa kaniyang marating ang kaniyang destinasyon... ang bundok ng Halcon. Sumeryoso rin siya sa kaniyang paglapag sa lupa. Nakaramdam kasi siya ng kaba dahil naramdaman niya kaagad ang aura ng isang napakalakas na halimaw, si Fricellboo. Ito ay ang cyborg na may itsurang insekto at kayang paglusawin ang sariling tulad ng isang likido. Bago pa lang ito natutuklasan ni Jimmy at ramdam na niya kaagad ang matinding panganib sa nilalang na ito. Wala rin siyang ideya kung saan ito nagmula, pero isa lang ang kailangan niyang gawin... Ito ay ang puksain ito.

"Magpakita ka halimaw! Alam kong nakikita mo ako, kaya 'wag ka nang magtago!" sigaw ni Jimmy habang nakatayo sa isang bakanteng lugar sa kagubatan ng bundok Halcon.

Maya-maya pa'y isang napakalakas na kapangyarihan ang naramdaman ni Jimmy mula sa kaniyang likuran. Isang nakakatakot at may kalakihang nilalang ito, ang halimaw na si Fricellboo. Agad din itong nagbitaw ng isang malakas na suntok pero maagap si Jimmy, mabilis siyang naka-ikot at buong tapang niyang sinalag ang atakeng iyon ng kalaban gamit ang kaniyang mga kamay. Dahil do'n, naging parang napakalakas na salpukan ng dalawang kapangyarihan ang naganap. Nagkabitak-bitak at nabuwal ang lupang kinatatayuan nila. Nahawi rin pati ang mga punong nakapaligid sa kanila dahil sa malakas na p'wersang pinapalabas nila. Yumanig din ang buong bundok at nagsitaasan ang naglalakihang tipak ng lupa dahil sa ginawa nilang ito.

"Hindi pangkaraniwan ang lakas mo para sa isang tao... Sabibihin mo, anong klase kang nilalang?" nakangising tanong ni Fricellboo habang nakikipagsukatan ng lakas kay Jimmy. Mas tumindi rin lalo ang pagyanig ng paligid matapos nitong sabihin iyon. Unti-unti na ring nabalutan ng maiitim na kaulapan ang buong bundok dahil sa rami ng enerhiyang pinapakawalan nila mula sa kanilang katawan.

"Isa akong saiyan! Ang natitirang lahi ng saiyan sa mundong ito!" pagbubunyag ni Jimmy sa tunay niyang pagkatao at isang napakalakas na enerhiya ang kaniyang pinakawalan. Nabalutan ng dilaw na aura ang buo niyang katawan. Dahan-dahang natanggal ang hood na nakataklob sa kaniyang ulo at unti-unting humaba ang buhok niya. Mula sa kulay itim ay naging dilaw ang kulay nito.

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon