Tasá

44 1 0
                                    

Tasá

TAONG 2031, isang walang lunas na sakit ang tumama sa buong Pilipinas. Ilang taong hinanapan ng mga doktor mula sa iba't ibang bansa ng lunas ang nasabing sakit, ngunit sadyang wala silang makuhang magandang resulta. Mabilis na kumakalat ang sakit na iyon. Tinawag nila iyong Killer Disease, isang sakit sa balat na nagdudulot ng pangingitim. Naaapektuhan din niyon ang internal organs ng biktima at ang sintomas ay sobrang panghihina.

Nakakamatay ang sakit, masuwerte na ang iba kung tumagal sila ng taon bago mamatay. Nakakahawa rin ang sakit kaya maraming bansa ang ipinagbawal na ang pagpunta rito. Tinayuan nila ng napakatataas na pader ang dagat na pumapaikot sa Pilipinas. Bantay sarado ang lahat ng daanan at tanging mga eksperto lang ang pinapayagang pumasok. Nagmistulang mga hayop ang mga Pilipino na nakakulong sa hawla. Lahat sila ay may sakit kaya nagsimulang maghirap ang bansa.

Marami na ang namatay at nadaragdagan pa. Kalunos-lunos ang sinapit nila dahil sa sakit na iyon. Sakit na hindi nila alam kung saan nagmula.

"A-anak, ano na naman ang ginagawa mo?"

Itinago ni Arthur ang hawak niyang lapis at maruming papel sa kanyang bulsa nang marinig ang tanong na iyon ng kanyang ama. Makikita sa itsura ng mag-ama na pareho silang may sakit. May mga tila mapang itim sa kanilang mga balat.

"W-wala po itay..." nangingiting sagot ni Arthur. Napatingin ang bata sa paligid. Bukod sa sakit, nagkalat din ang mga bangkay sa paligid. Mga wasak na gusali at bahay. Hindi lang sakit ang sumira sa buong bansa, pati na rin ang wasak nitong paligid. Kaliwa't kanan ang sunog, mga pagsabog. Ang kalikasan ay sira na lahat. Iyon ay dahil sa mga dayuhan nagpa-patrol. Mga sundalong nakasuot ng makapal na proteksyon sa katawan. Sinusunog kasi nila ang mga bangkay, maging ang mga tirahan at mga nayon. Ito'y upang mabawasan ang pagkalat ng sakit.

Naghanap agad si Arthur ng mapupuwestuhan nang muling umalis ang ama niya. Umalis para maghanap ng pagkain. Kinuha uli niya ang lapis at papel sa kanyang bulsa. Itinuloy niya ang iginuguhit niyang mga puno, mga bulaklak at mga bahay. Magmula kasi nang ipinanganak siya ay ang kalunos-lunos na sitwasyon na ng bansa ang kanyang kinalakhan.
Habang gumuguhit nga siya ay bigla namang naputol ang tasa ng kanyang ga-daliring lapis. Napakamot na lang siya sa ulo. Napahiga sa maruming semento ng isang wasak na gusali. Napatingin siya sa langit. Ang daming mga eroplanong lumilipad siyang nakita. Napaisip tuloy siya kung ano nga kaya ang itsura ng labas. Gusto niyang makalipad, pero paano? Kinapa niya sa tabi niya ang lapis na nakita niya kahapon.

Napatitig siya sa lapis. Hindi niya maintindihan pero parang may kakaiba siyang nararamdaman sa lapis na iyon. Napulot lang niya iyon sa tabi ng isang sirang simbahan. Ewan ba niya pero, nakakaramdam siya ng kakaiba magmula nang damputin niya iyon.

Kinahapunan, duguan at hinihingal na dumating sa bahay nila ang ama ni Arthur. Dala-dala ang nangangamoy nang karne ng hindi malamang hayop.

"A-ama, ano pong nangyari sa inyo?" Alalang tanong ni Arthur.

"N-naglaglag ang mga dayuhan ng mga karne mula sa itaas. Iilan lang iyon kaya nakipag-agawan ako..."

Napahilata na lang ang ama ni Arthur sa marumi nilang sahig dahil sa panghihina. Umiiyak ito, umiiyak dahil sa mga nangyari.

"A-ama..."

"P-patawad anak... nabuhay ka sa panahong ito..." malungkot na sabi ni Ka Eduardo. Naalala nito ang lahat ng paghihirap nito magmula nang kumalat ang sakit. Simula noon ay nawalan na sila ng pag-asa. Para na silang mga hayop kung ituring ng marami. Wala na silang pinaniwalaan, maging ang Diyos ay kinalimutan na nila. Nabuhay na ang marami sa mentalidad na mamatay lang sila dahil sa sakit.

"A-ama... huwag po tayong mawalan ng pag-asa..." napaiyak na rin si Arthur.
Napangiti na lang ang ama niya habang umiiyak. Pag-asa?

"A-anak..." Pinilit bumangon ng ama ni Arthur. Nanginginig nitong niyakap ang anak.

"A-ama, may pag-asa pa po, tama?" Umiiyak na tanong ni Arthur.

Napailing naman si Ka Eduardo.

"M-may-mayroon pa siguro..." Napatingin sa itaas si Ka Eduardo.

KINABUKASAN, magkasamang nakaupo ang mag-ama sa ibabaw ng isang malaking tipak ng semento.

"Anak, ano ba'ng pangarap mo?" tanong ni Ka Eduardo kay Arthur.

"Pangarap ko pong maiguhit ang mga magagandang paligid sa labas..."

Kinuha ni Arthur ang lapis at papel niya sa bulsa. Ipinakita niya ang kanyang drawing sa ama.

"Ang ganda ng drawing mo ah," nakangiting papuri ng ama ni Arthur sa kanya.

Ngunit nang mga sandaling iyon ay isang nakakabinging ingay ang narinig nila mula sa itaas. Nakita nila mula sa kinapupuwestuhan nila ang napakaraming missiles na galing sa itaas.

Dumagundong at niyanig ng malalakas at sunod-sunod na pagsabog ang iba't ibang bahagi ng Pilipinas. Ipinag-utos na pala ng U.S. ang pagpatay sa lahat ng mga apektado ng Killer Disease. Alam ng mga itong masama ang epekto ng hakbang na iyon, pero iyon na lang ang natitirang paraan para maiwasang makalabas ang sakit. Para matapos na rin ang paghihirap ng maraming Pilipino.

Nagliyab ang buong bansa. Napuno ng hiyawan at pighati ang mga tao. Marami ang umiiyak dahil sa mga nangyari.

Samantala, duguan namang nakadapa ang mag-amang sina Arthur at Ka Eduardo sa kanilang lugar. Maraming mga tumalsik na bato ang sinalag ng ama ni Arthur para hindi siya tamaan.

"A-ama! A-ama! Bumangon ka! G-gusto ko pang maipakita sa iyo ang mga iguguhit kohhh! A-ama!" Umiiyak na sabi ni Arthur nang makabangon siya.

Duguan ang ama niya na mukhang wala nang buhay. Nasusunog na rin ang buong lugar.

Patuloy lang sa pag-iyak si Arthur. Napayid na rin ng hangin ang papel niyang may drawing. Nasunog agad iyon tulad ng pangarap niya.

KINABUKASAN, humupa na ang sunog sa loob ng matataas na pader. Maraming bansa ang nagluksa. Kalunos-lunos ang sinapit ng isa sa pinakamayamang bansa sa Mundo. Isang dekada, ang nakararaan, ang Pilipinas ang naging pinakamaunlad... pero kasabay rin noon ay ang paglimot nila sa Nasa itaas, ang Diyos.

Ang paglimot sa pananampalataya dahil sa karangyaan ang naging ugat ng sakit. Ginawa iyon ng nasa Itaas bilang parusa. Gaya ng sinabi ng Diyos sa anghel na si Arthur na sa oras na mabali ang tasa ng lapis na ibibigay niya, kasabay rin noon ay ang pagpataw ng pinakamatinding kaparusahan.

ISANG anghel si Arthur, isang anghel na tagaguhit sa langit na sinubukang ibalik ang pananampalataya ng mga Pilipino magmula nang yumaman ang bansa. Kaso, bigo siya. Marami siyang naging katauhan, subalit hindi siya nagtagumpay. Magaling lang ang tao kapag may kailangan at kapag nasa kanila na, nakakalimutan na nilang magpasalamat.

Habang lumilipad nga papuntang langit si Arthur ay umiiyak siya. Kasabay niyon ay ang pagbitaw niya sa maikling lapis na bali ang tasa. Habang unti-unting nahuhulog iyon ay unti-unti ring bumabalik ang tasa. Nalalaglag iyon sa kamay ng isang lalaki.

"Papa, ano po iyang hawak ninyo," tanong ng limang taong gulang na si Arthur sa ama.

"A-ah, l-lapis anak..." Medyo nagtaka nga lang si Eduardo kung saan iyon galing. Nakasulat pa nga sa lapis ang mga katagang, "I love God."

"Akin na lang po, Papa! Ido-drawing ko po ang Bulkang Mayon..." masiglang sabi ng batang si Arthur at masaya niyang tinanggap ang lapis.

WAKAS

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon