Invisible Red

105 1 0
                                    

MAY kabilisan ang pagmamaneho ni Mr. Cruz sa kanyang kotse habang binabagtas ang kalsadang patungo sa kanyang pinagtatrabahuhan. Mahuhuli na kasi siya sa kanyang meeting na kung saan ay nandoon din ang kanyang boss. Ito na sana ang pagkakataon niya upang magpakitang gilas pero mukhang mabubulilyaso pa ito. Dahil sa pinanuod niyang "The Red Planet" kagabi ay tinangali tuloy siya ng gising. Pati tuloy ang paghatid sa school sa anak niyang si Ren ay 'di na niya nagawa dahil sa pagmamadali.

"A-arghh! Bwiset!" bulalas niya sabay hampas nang malakas sa manibela ng kanyang sasakyan. Eksakto kasing pumatak sa pula ang ilaw ng traffic light dahilan para ihinto niya muna ang kanyang kotse. Mas nakadagdag pa sa init ng kanyang ulo ay nang makitang isang uugod-ugod na matanda lamang pala ang tatawid. Gusto na nga sana niyang paandarin ang kanyang sasakyan pero naisip agad niyang baka ma-tiketan siya ng enforcer. Baka mas maabala pa siya, isip-isip niya.

PAGKATAPOS ng kanyang meeting ay dismayado siyang pumasok sa opisina niya. Mainit pa rin ang ulo lalo pa't halos 30 minutes siyang late. Imbes na ma-impress sa kanya ang boss niya kaya napagsabihan pa siya nito. Dala na nga rin ng init ng kanyang ulo ay kung ano-ano tuloy na bagay ang nasabi niya.

"Lintek na Red Planet 'yan! Pati 'yong red ng traffic light, dapat ay wala na iyon, aabot pa sana ako!"

"Bwiset! Sana mawala na sa mundo ang kulay pula!" dagdag pa niya sabay upo habang hinahaplos ang kanyang noo.

Kinahapunan, sinalubong agad siya ni Ren nang puntahan niya ito sa paaralan para sunduin, ang grade 3 niyang unico hijo. Niyakap naman niya ito at hinalkan at pagkatapos ay kinumusta ang maghapon nito.

"Dad, look oh. I made this flag... the Philippine flag!" pagmamalaki sa kanya ni Ren habang ipinapakita ang gawa nito sa kanya. Medyo nagulat naman siya sa gawa ng kanyang anak nang makita ito.

"T-teka, ba't walang red? You should make this part red, instead of white," pagtatama niya sa anak pero napakunot naman bigla ito ng noo dahil sa narinig.

"R-red? What's that, Dad? Is that a color?" seryoso at nagtatakang tanong ni Ren sa kanya. Hindi tuloy niya maiwasang mapaisip, sa pagkakaalala niya kasi'y pula ang paboritong kulay ng kanyang anak.

Natawa nang bahagya si Mr. Cruz. "Gutom ka na siguro, 'no? Tara na at we will eat," sabi niya sa anak at pagkatapos ay agad silang nagpunta sa Greenwich para kumain.

KINABUKASAN,muntikan na naman siyang mahuli sa trabaho dahilan para hindi na rin niya maihatid ang anak niya sa school. Medyo napadali naman ang kanyang biyahe dahil wala hindi siya napapatigil sa mga tawiran na hindi na niya pinansin kung bakit. Basta ang mahalaga sa kanya ay makarating agad siya sa kanyang opisina.

Nasa kalagitnaan na siya ng kanyang trabaho, bago magtanghali nang isang importanteng tawag mula sa kanyang asawa ang iniabot ng kanyang sekretarya.

“Hello, hon?” pambungad niya sa telepono.

“H-hon… N-nandito ako ngayon sa o-ospital…” naiiyak namang sagot ng misis niyang si Paula. Bigla naman agad siyang nakaramdam ng kaba nang marinig iyon. Nasa ospital pala si Ren dahil nabangga ito ng pampasaherong jeep habang tumatawid sa tapat ng school nito. Kaya naman nang sabihin ng misis niya kung saang ospital ay agad siyang pumunta rito.

Agad niyang niyakap ang asawa nang maabutan itong nakabantay sa harap ng operating room. Umiiyak ito dahil sa sitwasyon ng anak.

“P-paanong mababangga si Ren? ‘Di ba may mga enforcer tayo at traffic light sa harapan ng kanilang school?” tanong agad niya sa asawa.

“Oo nga, hon pero hindi naman natin pwedeng patigilin ang mga sasakyang dumaraan.”

“A-anong hindi? ‘Di ba may red light para sa stop?” Nagtaka ang asawa niya sa kanyang sinabing iyon. Parang may narinig siyang ‘di niya maintindihan.

“A-anong red light? Green at orange lang ang kulay sa ating mga traffic lights…”

Nagtaka siya sa sinabi ng asawang si Paula. Parang pakiramdam niya ay may mali. Parang simula pa kahapon ay may hindi siya maipaliwanag. Lalo na ‘pag nababanggit niya ang kulay na pula, para kasing hindi ito alam ng mga kasama niya. Naalala niya rin bigla ang pagmamaneho niya sa daan na tila ‘di siya napatigil dahil sa stop light. May mangilan-ngilan ring mga aksidente siyang napansin at karamihan ay sa mga crossing.

Napailing siya bigla, “Imposible!” sabi niya sa sarili. Hindi na rin muna niya inintindi ang mga bagay na ito. Mas pinagtuunan niya ng pansin ay ang kanyang anak na ayon sa doktor ay kailangang salinan ng dugo. Naisip niyang pareho sila ng blood type ng anak kaya agad niyang isinuhestyon ang kanyang sarili subalit nagulat siya sa resulta… pati na rin ang doktor na sumuri sa kanya.

“Mr. Cruz… Anong klaseng dugo ang mayroon ka? This my first time to encounter this kind of blood color,” pagtataka ng doktor pero mas nagtaka siya dahil normal lang naman ang kulay ng kanyang dugo, pula.

“Doc’, ano’ng ibig ninyong sabihin? Pula naman talaga ang kulay ng dugo natin.”

Napailing ang doktor. “Maybe I should observed your condition too, brown ang kulay ng dugo natin. Ang pulang sinasabi mo ay hindi ko pa napapag-aralan. Kaya dapat ka rin munang ma-confine dito for observation.”

“A-anong pinagsasabi n’yo? Pula ang kulay ng dugo natin…”

“I’m sorry Mr. Cruz but I should do this…” Bigla siyang tinurukan ng pampatulog ng doktor habang paulit-ulit nitong sinabi ang mga salitang…

“Walang kulay na pula…”

“Walang kulay na pula…”

“Walang kulay na pula…”

 

NAPAMULAT siya mula sa pagkakatulog nang gisingin siya ng kanyang sekretarya.

“Sir, are you okay?” tanong sa kanya nito. Agad naman siyang tumingin sa paligid. Malakas din ang kabog ng kanyang dibdib dahil sa panaginip niya na akala niya’y totoo.

“Sumisigaw kasi kayo, sir,” dagdag pa ng kanyang sekretarya. Tila nabunutan naman siya ng tinik at napahinga nang maluwag nang malamang hindi totoo ang mga nangyari. Lahat lang pala iyon ay panaginip lamang. Nakatulog pala siya sa opisina pagkatapos niyang mapagsabihan ng kanyang Boss dahil sa pagka-late niya sa meeting

Bago siya umuwi ay dumaan muna siya ng simbahan at nagpasalamat sa Diyos. Habang nagmamaneho siya ay bigla siyang napahinto nang pumatak sa pula ang kulay ng traffic light. Napangiti siya nang ‘di inaasahan dahil hindi talaga nawala ang pula. Medyo nagulat din siya nang makitang ang uugod-ugod na matanda ang siya na namang tumatawid at ang hindi niya maipaliwanag ay bigla siyang nginitian nito. Tila may mensahe itong nais iparating sa kanya na ‘di naman niya alam.

Pagkarating niya sa bahay ay agad siyang sinalubong ni Ren at ng kanyang asawa. Masaya niyang niyakap ang kanyang mag-ina at napatingin sa bahay nila… Kulay pula ang pintura nito… ang kulay na paborito ng kanyang mag-ina. Ang kulay na napag-initan niya kaninang umaga.

“Sorry…” bulong niya sa mag-ina niya.

WAKAS

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon