Game isn't Over

281 10 5
                                    

PAPALUBOG na ang araw, ilang oras na lang at hahatulan na ng kamatayan ang Blue Knight na si Argus dahil sa ginawa niyang pagsira sa ipinagawang estatwa ni Zenon. Si Zenon... siya namanang pinuno ng mga Red Knight dito sa Kankuro. Isa ang grupo nila sa tatlong Knight Groups na naglalaban para malaman kung sino ang magmamay-ari ng Neutral City, ang gitnang bahagi ng Kankuro. Dito kumukuha ng lakas ang Red, Blue, at Yellow Knights.

"Ang lakas din naman ng loob mo Argus para sirain ang sarili kong estatwa," wika ni Zenon sa nakagapos na si Argus. "Tiyak na susugod dito ang mga Blue Knight para ikaw ay sagipin... pero mabibigo lang sila!"

Tumatawa na lumabas si Zenon sa kulungan ni Argus at agad niyang ipinag-utos na dalhin na ito sa plaza, upang doon ganapin ang pagbitay.

"Gusto kong makita ng marami ang pagbitay sa 'yo!" wika pa nito.

Samantala, sa plaza na sakop ng Red Knights... kasalukuyan nang dumarami ang mga tao. Lahat sila ay naghihintay at nag-aabang sa gagawing pagbitay sa heneral ng Blue Knights.

"Tiyak na susugod dito ang hukbo ng Blue Knights para iligtas si Argus," wika ng isa sa mga naroroon sa kaniyang katabi.

"Batid ko nang mangyayari 'yan. Heto nga't nagdala na ako ng Teleporting Crystal para kung may labanan mang maganap ay makakaalis ako nang ligtas," tugon naman ng katabi nito na ipinakita pa ang asul na cube-shaped crystal na dala niya. Ilang sandali pa'y biglang humawan ang mga tao sa kabilang bahagi ng plaza. Dumating pala ang nasa isandaang miyembro ng Red Knights. Akay-akay ng limang kawal na nasa unahan ang nakagapos na si Argus. Agad nila itong iniakyat sa gitnang bulwagan na napapalibutan ng apoy. Doo'y itinali nila ito nang nakadipa. Iba't iba ang reaksyon ng bawat isa sa gagawing pagbitay dito. May ilang pabor, pero ang karamihan ay hindi sang-ayon. Para na kasing bayani ang tingin ng karamihan kay Argus. Marami na itong nailigtas at natulungan. Siya rin ang nangunguna sa pagsusulong ng kapayapaan sa buong Kankuro, ang pagkakaisa ng tatlong grupo. Hindi nga nila akalain na mahuhuli siya ng Red Knights, gayong kaya niyang gamitin ang Blue Dragon Skill.

Dumidilim na rin ang paligid nang mga sandaling iyon at tanging ang apoy na pumapalibot sa nakagapos na si Argus ang nagsisilbing ilaw ng buong lugar. Ilang saglit pa'y dumating na rin si Zenon. Dala-dala niya ang maalamat na Red Phoenix Sword. Ang espada na tanging pinuno lang ng Red Knights ang pwedeng gumamit. Sa pagdaan niya ay isa-isang nagsiyukuan ang kaniyang mga kawal. Agad din siyang umakyat sa bulwagan at tumayo nang nakatalikod sa harapan ng nakagapos na si Argus habang pinagmamasdan ang mga taong nakapalibot dito.

"Alam kong may nagkalat na kalaban dito, pero..." Dahan-dahan niyang itinaas ang kaniyang espada at biglang nagliyab ang talim nito.

"...Sisiguraduhin ko na mamamatay na si Argus gamit ito!"

"K-kung gano'n, i-ikaw nga ang pumatay sa dating pinuno ng Red Knights na si Leonard..." Natigilan siya nang biglang magsalita si Argus.

"Nagbago ka na nga..." dagdag pa nito.

Nagdilim ang mga mata ni Zenon at humigpit ang kapit niya sa kaniyang espada dahil sa narinig. Dahan-dahan siyang humarap kay Argus.

"Wala ka nang pakialam!" Buong-lakas din niyang itinarak sa katawan ni Argus ang nagliliyab niyang espada. Napangiwi ito dahil dito.

Lumabas sa ulunan ni Argus ang isang green bar. Unti-unti itong nababawasan. Naging dilaw, naging orange... hanggang sa maging kulay pula na ito. Senyales ito na nasa critical level na ang kaniyang hit points (HP) na nagsisilbing buhay niya.

"Itigil mo na 'yan Zenon!"

Isang malakas na sipa ang biglang tumama sa mukha ni Zenon. Lumitaw ang isang naka-dilaw na babaeng knight sa bulwagan. Sa lakas ng sipang iyon ay nagawa niyang mapatalsik si Zenon na naging dahilan upang matanggal ang Red Phoenix Sword na nakatarak sa katawan ni Argus. Agad niya ring kinalagan ito. Halos mawalan nga ng malay ito, mabuti na lang at may dumating na tulong. Agad siyang naglabas ng maliit na boteng naglalaman ng green liquid. Ito ay ang Healing Potion na agad niyang ipinainom kay Argus, dahilan para bumalik sa full level ang HP nito.

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon