Imahinasyon

525 6 0
                                    

Imahinasyon

May isang lalaki ang lumikha ng isang komiks. Ang kwentong nakapaloob dito ay ang tungkol sa isang dalagang nabubuhay lamang sa gabi at nagiging usok naman sa araw. Habang iginuguhit niya ang bawat eksena rito ay napakaraming ideya ang pumapasok sa kaniyang isipan. Minsan tuloy ay hindi niya mapagdesisyunan ang kaniyang iguguhit na eksena.

Isang gabi, habang iginuguhit niya ang mukha ng babaeng bida sa kaniyang obra ay bigla na lamang siyang nakaramdam ng lungkot. Marami na kasing babae siyang minahal. Karamihan sa mga ito ay hindi nasuklian ang kaniyang nararamdaman at may iba ring iniwanan na lamang siya. Pakiramdam tuloy niya ay walang babae ang nakatadhana sa kaniya dahil sa mga kabiguang naranasan niya sa pag-ibig.

“Thirty-three na ako, mukhang tatanda yata akong binata,” malungkot niyang bulong habang pinagmamasdan ang kaniyang iginuhit.

“Sana nagiging totoo ang babaeng ito, tapos, mamahalin niya ako habang-buhay…” Napatawa na lamang siya dahil sa kahibangan niyang naisip na iyon…

Napamulat siya nang may yumugyog sa kaniyang balikat, dahilan para magising siya mula sa pagkakatulog. Isang pamilyar na mukha ang bumungad sa kaniya nang tingnan niya kung sino ito. Imbis na siya ay matakot, nangibabaw sa kaniya ang pagtataka dahil pamilyar ito.

“S-sino ka?” Ito ang unang mga salitang lumabas mula sa kaniyang bibig. Agad din siyang bumangon at pinagmasdan pa lalo ang babaeng nakasuot ng pulang bestida na nakaupo sa kaniyang higaan.

Nginitian naman siya nito, at kung titingnan ay mukhang nasa dalawampu’t limang taong gulang ito.

“Ako si Luna!” Masigla nitong pagpapakilala.

“L-luna?” Natatawa naman siya na hindi nang marinig ang pangalan nito. Napalayo agad siya dahil sa kaba at kaunting takot dahil ang babaeng gumising sa kaniya ay ang bida sa ginagawa niyang komiks.

“I-imposible… Panaginip lang ito…” sabi niya at tinapik-tapik niya ang kaniyang pisngi sa pag-aakalang magigising siya. Subalit walang nangyari at napasandal na lamang siya sa dingding nang dahan-dahan siyang lapitan ng babaeng ito.

“Huwag mo akong katakutan…” malambing nitong bigkas at pagkatapos noon ay bigla na lang siya nitong niyakap. Naramdaman agad niya ang kalambutan ng katawan nito subalit ang mas ikinagulat niya ay nang bigla nitong inapuhap ang kaniyang labi.

Kinabukasan, napangiti siya nang siya ay magising at agad tiningnan ang babaeng katabi niya sa pagtulog. Pero wala na ito kaya agad siyang bumangon upang ito ay hanapin. Dito’y nakita niya ang isang papel sa ibabaw ng kaniyang mesa. Nakalagay rito na babalik ang dalaga mamayang gabi. Saglit din siyang napatingin sa kaniyang ginagawang komiks at napangiti siyang muli dahil sa mga nangyari. Hindi niya alam kung paano nangyari pero nagkatotoo ang kaniyang birong hiling.

“Hindi talaga ako makapaniwala…” Muli niyang sinariwa ang masayang kaganapan bago sila matulog.

“Simula pa lamang nang iguhit mo ako ay minahal na kita…” Parang musika ito sa kaniyang pandinig nang marinig niya ito mula rito at pagkatapos noon ay unti-unti nilang inangkin ang isa’t isa.

Subalit sa ikalawang gabi nilang pagkikita ay isang pagsisisi ang kaniyang ginawa. Napagdesisyunan niyang isama ito sa kanilang probinsya para ipakilala sa kaniyang mga kamag-anak. Sumakay sila ng bus at magkatabing umupo sa likuran ng sasakyan. Magkahawak ang kamay na tila ba’y wala ng makakapaghiwalay sa kanila.

Sandali siyang nakaidlip subalit sa paggising niya ay wala na ang kaniyang katabi. Para siyang sira na bumalik sa kaniyang tinutuluyan at tiningnan ang komiks na kaniyang nilikha ngunit sa pagtingin niya rito ay kahit isa sa mga iginuhit niya ay burado na. Dito niya naalala ang sumpa ng babaeng kaniyang nilikha gamit ang lapis… na sa oras na maging usok ito at malayo sa tahanan nito ay habambuhay na itong maglalaho.

Muli siyang gumawa ng komiks subalit hindi na talaga niya nakita pang muli ang dalaga. Sising-sisi siya dahil sa pagkakamali niyang iyon. Siya ang lumikha sa kwento ng dalaga subalit nakalimutan niya ang pinakamahalagang bagay na maaaring kahinatnan nito.

Isang araw, habang siya ay naglalakad papunta sa tindahan ng mga libro at komiks. Isang mukha ang hindi niya inaasahang kaniyang makikita habang siya ay pumipili ng komiks na bibilhin.

“Sir, alin po r’yan ang gusto niyong bilhin?” Tila musika sa mga tainga niya ang boses ng babaeng nagbabantay sa tindahan. Parang tumigil ang oras nang marinig niya iyon. Unti-unting nangilid ang luha niya at kahit pa sabihing isa siyang lalaki ay hindi niya naiwasang lumuha dahil kilala niya ang nagmamay-ari ng boses na narinig niya.

“L-luna?” Humagulhol siya ng iyak at walang pag-aalinlangan niyang niyakap ito nang mahigpit.

“W-walang araw na hindi ako umasang muli ki-kitang makikita…” sabi niya sa dalaga.

“S-sir…”

WAKAS

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon