Raven's Hope

58 1 0
                                    

"GUSTO kong maging masaya... Gusto kong maging malaya." Ito ang mga bagay na nais niyang mangyari ngunit tila imposible na itong maganap sa lugar kung saa'y walang kalayaan. Sa siyudad na bawal ang maging maligaya. Sa bansang kung saa'y siya ay nakatira.

Isa na siyang ulila. Namatay ang mga magulang niya dahil sa balak nilang pagtakas mula sa siyudad. Sinubukan nilang malampasan ang nagtataasang bakal na pader na pumapalibot sa buong Thanatos. Ang pader na humahati sa kalayaan at pagdurusa. Ginawa nila iyon upang makawala at makalaya sa lugar na kinokontrol ng gobyerno't may mga pera.

Tinadtad ng bala ang katawan ng mga magulang niya at naaalala pa rin niya iyon. Walang-awang pinatay ang mga ito. Apat na taon lang siya noon at maswerteng hindi siya pinatay ng mga kawal ng siyudad. Subalit magmula noon, nabuhay na siyang may takot sa mga makapangyarihan. Nabalot na ng dilim ang pag-asa niya sa kanyang puso.

Nagtatrabaho siya ngunit hindi kumikita. Nagbabanat siya ng buto para sa gobyerno, sa mga mayayaman at mapepera sa Thanatos. Nabubusog siya mula sa mga tira-tira. Para siyang isang hayop na nagsisilbi sa mga gahamang pastol. Nagpapagod siya, sila, para sa wala. Tila may mga sinulid ang katawan nila, kumikilos lamang sila na tila papet. Kontrolado at wala silang kalayaan.

"Walang karapatang maging malaya. Walang karapatang maging masaya. Walang karapatang maging maligaya ang sinumang walang kayamanan!" Ito ang isa sa mga batas sa Siyudad ng Thanatos. Ang mga walang pera ay nagdurusa. Tinatanggalan ng pag-asa. Inaalisan ng karapatan. Pinapatay nang agaran kapag may paglabag sa batas. Napakalupit ng lugar na ito sa mga dukha. Tila mga Diyos ang mapepera at alipin ang mga hindi.

"Raven! Sabi na nga ba't dito kita matatagpuan sa tapunan ng mga metal!"

Nabigla siya nang bahagyang may tumapik sa kanyang balikat mula sa kanyang likuran. Si Hope, ang kababata niya, isa ring "Mababang-uri", gaya ng tawag sa kanila ng gobyerno. Napakarungis ng suot nitong damit. Pulos putik ang mukha at sabog ang mahabang buhok.

"Ano na namang iniisip mo diyan?" nakangiting sabi ng dalaga na agad umupo sa tabi ng binata.

"Kung kailan ako mamamatay..."

Lumingon-lingon muna si Hope sa paligid at nang masigurong walang tao ay pasimple itong natawa. Naniguro muna siyang walang makakakita sa kanya.

"Iniisip mo agad iyon? Baliw!"

"Ba't kasi ayaw mong tumakas na lang tayo. Lumabas tayo mula sa sumpang siyudad na ito," dagdag pa ni Hope.

"Huwag na nating balakin 'yan."

"E, akala ko gusto mo nang mamatay?"

"Bakit, ano ba'ng meron sa labas ng mga pader na iyan?" tanong ni Raven na napatingin sa malayo. Tinanaw ang matataas na harang.

"'Di ko alam," sagot naman ng dalaga.

"Gano'n na nga. Kaya bakit pa natin susubukang tumakas kung hindi rin naman natin alam ang kakahinatnan ng ating gagawin?" seryosong wika uli ni Raven. Napailing naman si Hope sa binigkas ng kababata. Ramdam niya ang kawalang-pag-asa pero magkagano'n man, mananatili pa rin siyang nasa tabi nito kahit ano'ng mangyari. Kahit sa huling hininga pa niya.

BUMALIK muli sa malawak na kapatagan sa Silangan ng siyudad ang dalawa. Ang taniman ng Thanatos. Natapos na kasi ang kalahating oras nilang pagpapahinga. Makikita roon ang mga gaya nila na napakarumi ng kasuotan. May dalang pala at naghuhukay ng lupa para taniman. Binabantayan sila ng maraming kawal na nakasuot ng metal na baluti. May dalang pamalong kahoy at may nakasukbit na baril sa tagiliran.

"Bilisan ninyo ang pagtatrabaho! Bukas ay sa hilaga naman tayo, magtatayo tayo ng gusali doon na magsisilbing bagong bahay ng mga Royal!" wika ng isang kawal na may gintong bituin ang suot na baluti. Royal ang tawag sa mga nasa gobyerno.

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon