Ciego

38 2 0
                                    

NABIGLA ang lahat nang biglang nilampasan ni Rapido ang mandirigmang si Ciego sa gitna ng arena. Isang pambihirang bilis ang ginawa nito. Tila naging hangin ito sa harap ng kalaban. Pagkatapos ay napangisi ito habang ibinabalik sa lalagyan ang gamit nitong espada. Kasabay niyon ay ang pagbulwak ng maraming dugo mula sa mukha nito. Napahiyaw si Ciego dahil sa sakit at tuluyan na itong nawalan ng malay hanggang sa bumagsak ito nang padapa sa lupa.

"Gihahaha! Tinalo ko na ang pinakamalakas ninyong mandirigma!" malakas na sigaw ni Rapido sa lahat. Natalo ang nasyon ng Ligero. Si Rapido na mula sa Oscuro ang nagwagi. Sa gitna ng maraming manonood, isang nakakabinging katahimikan ang siyang bumalot. Hudyat na rin iyon sa pagbagsak ng kanilang nasyon. Ang tanyag na si Ciego ay natalo sa unang pagkakataon, ito ay sa ika-isandaang laban nito.

Ang langit ay unti-unting nabalot ng ulap at ang araw ay natabunan. Kasabay niyon ay ang pagdilim ng pag-asa ng lahat ng taga-Ligero.

Ilang araw matapos ang labang iyon, si Ciego, ang pinakamalakas na mandirigma sa paggamit ng espada ay lumisan nang walang paalam. Siya ang punong-heneral ng hukbo at siyang pinakabata sa edad na bente-singko ay tuluyang iniwanan ang Ligero dahil sa pagkatalo. Mabilis din na kumalat iyon kaya madaling nasakop ng Oscuro ang kanilang nasyon. Ang nasyon na ni minsan ay hindi pa nasakop ng iba.

NAPABANGON ang lalaking si Ciego mula sa higaan nito. Tila isang masamang panaginip ang kanyang nakita, kaso, napayuko na lang siya. Mahigit tatlong linggo na rin magmula nang umalis siya mula sa Ligero.

"May magagawa pa ba ako sa ganito kong sitwasyon?" Napakuyom na lang siya ng palad. Agad niyang kinapa at kinuha ang kanyang espada sa tabi.

"Gising ka na pala iho..."

Napatunghay si Ciego. Narinig niya ang boses ng matandang kumupkop sa kanya. Ito ay ang ermitanyong si Lolo Coco. Nakatira ito sa gubat ng Fiona na ilang milya ang layo mula sa Ligero. Napadpad dito ang binatang mandirigma dahil sa kanyang kabayo. Tila nagkakaintindihan sila ng alaga at sa hindi inaasahang pagkakataon ay heto at dito siya dinala.

"Gusto mo ba ng makakain?" tanong ng matandang may puting buhok at may balbas na abot sa lupa. May hawak din ito sa kanang kamay na bastong may kalumaan. Nakahawak din ito ng mangkok sa kabilang kamay na may lamang mainit na tsaa.

"Hindi na po," sagot ni Ciego at dahan-dahang tumayo. Nangangapa siya at pilit binaybay ang daan. Kaso, natakid siya sa nakatumbang kahoy dahilan para siya ay matumba.

"Ah! Kaya ko ito!" malakas na sabi Ciego.

Napangisi naman ang ermitanyo at dagling nilapitan ang binata para tulungan ito.

"Kaya ko na po..." Hinawi ni Ciego nang marahan ang kamay ng matanda nang hawakan siya nito. Pagkatayo ay nangangapa siya na hinanap ang daan palabas.

Napailing ang matanda at bahagyang napangisi. Naalala niya nang una itong dumating sa lugar niya. Gumagapang ito sa lupa at hindi alam kung saan pupunta...

"Hindi ako maaring magkamali, isang taga-Ligero ang binatang ito," sambit niya nang makitang may dalang espada na may simbolo ng araw ang binata. Agad nga niya iyong tinulungan at dinala sa kanyang bahay na nasa gitna ng napakalaking puno.

Ilang araw na nagsisisigaw ang binata kapag nagigising ito. Hindi ito umiiyak pero dama ng ermitanyo ang pighati nito lalo na't nalaman niyang bulag ito. Patunay ay ang paguhit na sugat nito sa mga mata. Sariwa pa ang mga iyon nang mga oras na iyon.

*****

"Iho, maaari ko bang malaman ang iyong pangalan?" tanong na matanda sa binata. Isang linggo na ang nakakalipas matapos niyang kupkupin ito.

Nakayuko lang si Ciego. Ayaw niya sanang sumagot pero nakaramdam siya ng utang na loob sa matanda.

"Ciego po..."

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon