Nonoy

220 11 0
                                    

"Nalalapit na ang araw at matutupad na rin ang iyong hiling!" Ang mga salitang ito ang palaging sinasabi ng liwanag sa panaginip niya. Hindi niya maunawaan kung ano iyon at kung bakit palagi niya itong napapanaginipan.

Siya si Nonoy, isang palaboy, isang batang-kalye. Suot niya lagi ang isang marumi at gula-gulanit na tshirt, at kupas na shorts. Naka-paa lang siya at napaka-rumi ng katawan dahil hindi na niya magawang maligo pa. Isa siyang batang umaasang malalamanan ang kumakalam niyang sikmura mula sa baryang ilalagay sa kaniyang maruming palad ng mga taong dumaraan.

"Kuya, palimos po..."

"Ale, konting barya lang po. Nagugutom na po kasi ako," pagmamakaawa niya sa dumaang matandang babae.

"Pahingi po kahit konting barya... pambili lang po ng pagkain..."

Ito ang araw-araw niyang ginagawa para mabuhay. Wala siyang magagawa dahil ito ang kaniyang buhay, ito ang kailangan niyang gawin para malampasan ang gutom araw-araw. Mas'werte na siya kung may maglalagay ng piso sa kaniyang palad, pero hindi talaga mawawala ang araw na walang nagbibigay.

"Wala! Wala akong pera..."

"Lumayo ka nga! Ang baho mo!"

"Sigurado akong ibibili mo lang ng rugby ang ibibigay ko, kaya 'di kita bibigyan..."

May mga araw rin naman na sines'werte siya, subalit nauuwi lang din ito minsan sa wala sa oras na makita siya ng tatlong batang siga na tulad din niyang palaboy. Mga batang-kalye rin. Kapag nakita siya ng mga ito na maraming nagbibigay ay dadalhin siya sa isang sirang gusali at doo'y tatakutin. Bubugbugin siya 'pag hindi niya ibinigay ang kaniyang kinita at dahil sa mahina siya... ay wala siyang magawa kundi ang ibigay ang perang pambili na sana niya ng pagkain.

"Ayos! Bukas ay damihan mo uli," sabi pa sa kaniya ng mga ito at pagkatapos ay pagtatawanan pa siya. Bago siya iwanan ay susuntukin muna siya ng mga ito sa sikmura. Kaya naman ay mapapaupo na lang siya dahil sa sakit at maiiwang walang-wala. Kapag ganito ang nangyayari, nanlilimos na lang siyang muli kahit malalim na ang gabi. Mas'werte na siya kung makaka-limang piso, hindi lang naman kasi siya ang nanlilimos, marami pa sila.

Minsan nga ay naiisipan na lang niyang magnakaw o mang-snatch sa mga taong dumaraan pero tuwing makikita niya ang simbahang malapit sa kalye ay 'di na niya ito itinutuloy. Nakakaramdam siya ng takot. Takot sa Diyos.

"Patawarin po ninyo ako, kasalanan po ang nasa isip ko," aniya habang tinatanaw ang loob ng simbahan.

Maraming beses na nga niyang sinubukang makapasok dito, pero lagi siyang ipinagtatabuyan ng mga sumisimba. Ang gusto kasi niya ay makapagpasalamat sa harapan mismo ng altar ng simbahan... Magpasalamat dahil hanggang ngayon ay buhay pa rin siya sa kabila ng kaniyang pinagdadaanan. Minsan na rin naman siyang nakapasok dito, pero nakita naman siya ng isa sa mga sakristan dito at kaagad din siyang pinalabas.

"Lumabas ka rito! Naku... napakahirap linisin ng upuan dito, tapos rurumihan mo lang," sabi pa sa kaniya ng sakristan. Kaya naman, minsan ay 'di na lang siya nagpupumilit pa.

Bukod sa panglilimos, may isang bagay pa siyang madalas gawin... ito ay ang manood sa malaking TV screen sa itaas ng isang sikat na botika upang malaman ang mga balita sa buong bansa. Sa itsura nga niya ay 'di iisiping ginagawa ito ng batang gaya niya at ito ang kakaiba sa kaniyang ugali bilang bata. Halos alam na nga niya lahat ng mga nagaganap sa bansa. Mga krimeng araw-araw na nangyayari, sa mga nangungurakot na opisyal ng gobyerno, at mga sakunang dumaan at daraan pa sa bansa... lahat ng ito'y nasubaybayan niya.

"Sana po, maging maayos na ang mga nilindol at binagyo sa Visayas at Mindanao. Sana po, wala nang kurapsyon. Sana po, mawala na ang mga krimen... at sana rin po ay maging masaya ang lahat ngayong Pasko," dasal niya lagi bago matulog sa tabi ng isang gusali, at maliit na karton lang ang nagsisilbi niyang banig. Simula nang pumasok ang buwan ng Disyembre ay laging ito ang kaniyang dinarasal sa gabi.

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon