Unreal Prince (Snow White Fan-Fic)

90 2 0
                                    

MULA pagkabata ay magkalaro na kaming dalawa ni Snow White. Isa siyang prinsesa samantalang anak naman ako ng punong-kusinera ng palasyo. Palagi kaming magkasama sa hardin. Magkakuwentuhan sa iba't ibang bagay. Ganoon kami hanggang sa kami ay magbinata at magdalaga.

Sa edad na labing-walo, naging isa na ako sa mga kusinero ng palasyo. Lumaki naman na napakaganda ang prinsesa. May maputi siyang kutis na tulad ng sa niyebe, may labi na kasingpula ng dugo at may buhok na sing-itim ng eboniya. Ngunit magkagano'n man, wala pa ring nagbago sa samahan naming dalawa. Kahit na hindi ako dugong bughaw ay magkaibigan pa rin kami. Tanging ang madrasta lang niya talaga ang laging tumututol sa pagkakaibigan namin. Ang bagong asawa ng hari na ama niya. Namatay na kasi ang dating reyna, bata pa kami nang maganap iyon. Makalipas nga ang isang taon ay muli ring nagkaroon ng bagong reyna ang kaharian. Ngunit 'di tulad ng dating reyna, tila may hindi magandang ugali ang pumalit dito... lalong-lalo na sa prinsesa.

"Pasensya ka na sa inang reyna. Sana'y huwag kang magbabago sa kabila noon," sabi sa akin ni Snow White nang minsang magkasama kami sa hardin ng palasyo habang kumakain ng mansanas.

"Wala naman iyon sa akin. Basta lagi lamang akong narito para sa 'yo. Poprotektahan kita kahit mula pa sa mahal na reyna!" Iyon naman ang sabi ko sa kanya. Tila may masamang plano kasi ang reyna kay Snow White, lalo't minsan ay masama ang tingin nito sa kanya.

"Maraming salamat sa iyo..." sagot naman niya sa akin. Isang matamis na ngiti rin ang kanyang idinagdag bago tuluyang kumagat sa mansanas. Nang mga oras ngang iyon ay tila may pumana sa puso ko. Biglang kumabog ang dibdib ko at tila may musika rin na tumunog sa mga tainga ko.

LUMIPAS pa nga ang mga araw, isang malungkot ngang pangyayari ang naganap sa kaharian. Namatay ang amang hari dahil sa isang sakit na walang lunas. Nalungkot ang marami, lalong-lalo na ang prinsesa. Halos mahigit isang linggo siyang nagkulong sa kanyang silid matapos ilibing ang kanyang ama. Umiiyak siya lagi at naririnig ko iyon habang nakabantay sa pinto ng kanyang silid. Matiyaga ko iyong ginawa, ako ang nagluluto at nagdadala sa kanya ng pagkain. Tagabantay at tagapakinig. Batid kong hindi ko matatanggal ang lungkot niya, ngunit alam kong mababawasan ko iyon kahit papaano. Nagbabanggit lagi ako ng mga birong sa tingin ko ay nakakatawa kahit hindi. Masaya nga ako kapag alam kong napapangiti ko siya. Nang sumapit ang ikasiyam na araw, lumabas na rin siya sa wakas. Hindi pa siya tunay na masaya, pero alam ko, babalik pa rin siya sa dati.

ANG buong akala ko nga ay wala nang magiging problema. Ngunit isang umaga, aksidente akong napadaan sa tapat ng silid ng reyna. Bukas nang kaunti ang pinto nito. Narinig kong tila may kausap ito sa loob. Dahil doon ay napasilip na ako.

"Salamin, salamin! Sabihin mo sa akin! Sino ang pinakamaganda sa lahat?" Narinig ko iyon mula sa reyna na nakapagpatayo nang bahagya sa balihibo ko.

"Maganda kayo mahal na reyna. Subalit mas nakahihigit si Snow White sa inyo..." Nanlaki ang mata ko nang marinig ko iyon. Tila sumagot nga ang salamin dahilan para kilabutan ako. Doon nga'y napasigaw ang reyna.

"Si Snow White na naman?! Hindi ito maaari... Dapat na nga talaga siyang mawala sa landas ko!" Ngunit mas nag-alala ako sa prinsesa nang marinig ko iyon. May masamang plano ang reyna!

Nang marinig ko iyon ay mabilis kong tinungo ang silid ng prinsesa. Subalit isang itim na usok ang humarang sa daraanan ko. Isang nakakatakot na tawa ang narinig ko mula roon. Ang tila mangkukulam na tawa ng reyna. Hindi na ako nakagalaw. Nabalot na ako ng usok.

"Hinding-hindi ko hahayaang masira mo ang aking plano!" Pagkarinig ko noon ay nagdilim na ang paningin ko. Nanlambot ang aking tuhod. Wala na akong naalala pagkatapos noon.

"TULONG!" Bigla na lang akong nagising nang marinig ko iyon mula sa isip ko. Pinilit kong makatayo, subalit, nakatali ang aking mga kamay. Tumambad sa akin ang silid ng reyna. Nagkalat ang maraming itim na libro at may malaking palayok pa sa isang tabi na may lamang berdeng tubig. Ginawa ko ang lahat para makawala. Nagkasugat na ang balat ko at nagdugo makalag lang ang tali sa akin. Pero wala ang sakit na iyon, lalo pa't alam kong nasa panganib ang mahal kong prinsesa.

Napansin ko rin na may isang lalagyan na puno ng mansanas. Kaso, hindi ko alam kung bakit, bagkus ay pumunta ako sa malaking salamin sa kabilang dingding. Huminga nang malalim.

"Salamin, ipakita mo sa akin kung nasaan si Snow White! Kapag hindi ka nagsalita, babasagin kita!" Nagliwanag ang salamin at may mukha na lumitaw roon. Nakaramdam ako nang bahagyang takot.

"Nasa gitna siya ng gubat kasama ng pitong duwende. Nagtagumpay ang reyna na mapakagat siya sa mansanas na may lason..." Nanghina ako sa narinig ko mula sa salamin.

"P-patay na ba siya?" tanong ko.

"Natutulog lamang siya. Tanging halik ng tunay na pag-ibig mula sa isang prinsipe ang makakapag-alis ng lason sa kanya."

Nabuhayan bigla ako roon. Napangisi ako at sinuntok ko nang napakalakas ang salamin. Pagkatapos ay nagmadaling tumakbo palabas ng palasyo.

Gagawin ko ang lahat mailigtas lang siya. Alam ko namang magmula noon ay hindi niya nakikita ang nararamdaman ko, pero ayos lang iyon. Maaaring walang makaalam sa gagawin kong ito kundi ako lang; maaaring sa kuwento ni Snow White ay walang makakakilala sa akin, pero ayos lang din iyon. Prinsesa siya, hindi ako prinsipe. Minsan, mas mabuti nang hindi makilala para hindi na magkaroon ng pag-aalinlangan ang marami. Para hindi na magulo ang tadhanang nakasulat sa kuwento.

Basta...

"Kahit ano'ng mangyari, siya lang ang mamahalin ko... habambuhay..." sambit ko habang sakay sa kabayo. Pupunta ako sa kabilang kaharian para hanapin ang prinsipeng nararapat sa kanya. Ang prinsipe na gigising mula sa pagkakatulog niya... at sa pagbalik ko, tatapusin ko ang masamang mangkukulam na gumawa noon sa kanya.

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon