Paglipas ng Panahon

261 8 0
                                    

HUMINGA siya nang malalim.

“Napakasariwa talaga ng hangin dito,” sabi niya sa sarili. Matapos kasi ang isang nakakapagod na paglalakad ay heto’t narating niyang muli ang lugar na kaniyang pinagmulan. Hindi niya maipagkakailang kaniyang hinanap-hanap ang atmospera ng paligid dito. Ang malinis at sariwang hangin na dumadampi sa kaniyang balat. Ang luntiang bundok na kaniyang natatanaw sa hilaga na noon pa man ay lagi na niyang pinagmamasdan. Ang malawak ding bukid. Pati na rin ang gintong kulay ng mga uhay ng palay at ang mga tanim na gulay na malapit dito… Isama na rin ang naririnig niyang huni ng mga ibon at ang nakikita niyang paggalaw ng mga berdeng dahon ng mga puno dahil sa simoy ng hangin. Ang lahat ng ito’y wala sa lugar niyang pinuntahan.

“Anak, mag-iingat ka sa Maynila. Huwag mo ring kakalimutan na sumulat sa amin,” wika ng kaniyang umiiyak na ina bago siya umalis. Mag-aaral na kasi siya sa kolehiyo sa isang kilalang Unibersidad doon. Wala naman siyang mapagpipilian… Gusto nga niya sanang dito na lang sa probinsya magpatuloy ng pag-aaral, subalit dalawang kolehiyong paaralan lang ang mayroon dito at iilan lang ang kursong mayroon. 

“At huwag ka ring makakalimot na magdasal…” pahabol pa nito habang iniaabot ang rosaryo sa kaniya na bigay pa nang magkomunyun siya no’ng nasa elementarya pa lamang siya.

“Juan, galingan mo sa pag-aaral doon. Hayaan mo’t ipagkakatay kita ng manok ‘pag ikaw ay may gantimpalang naiuwi.” Napangiti naman siya sa sinabi ng ama niya.

“Huwag po kayong mag-alala. Hindi ko po kayo bibiguin,” tugon naman niya pagkatapos kunin ang dalawa niyang bag na yari sa buli. Laman nito ang kaniyang mga damit at ilang gamit.

“Sakay na Juan! Ako na ang maghahatid sa ‘yo papuntang sakayan,” wika naman ni Mang Igme na kanina pang nakaabang sa labas ng kanilang kubo. Kasama nito ang kaniyang kalabaw na may hilang kangga.

Hindi tuloy maiwasang mapangiti ni Juan, naisakay na rin kasi roon ang kalahating sako ng bigas na bigay ni Aling Martha. Nandoon na rin ang ilang supot ng mangga’t kaimito na pabaon naman ni Ka Celso, kasama na rin ang ilang bigkis ng gulay na bigay naman ni Lola Maria. Natatawa pa nga siya dahil batid niyang mahihirapan siya sa pagdadala ng mga iyon, pero… hindi niya ito inintindi lalo na’t nakikita niya ang suporta ng kanilang mga kapit-bahay sa kaniya.

PAGDATING ni Juan sa Maynila ay medyo nahirapan siyang umangkop agad sa paligid. Dito lang niya naranasang makalanghap ng maraming usok mula sa mga sasakyan. Ang lasang-gamot na tubig, hindi niya nga agad ito mainom nang unang beses na matikman ito. Pati rin ang pagtulog sa gabi habang sa labas ay may mga nagkakantaha’t nag-iinom ng alak. Minsan pa’y mga mga nagkakagulo pa.

Pero wala rin siyang mapagpipilian. Kailangan niyang umangkop sa kapaligiran. Medyo sinanay rin niya ang sarili sa uri ng transportasyon na mayroon doon. Kinakailangan pa niyang makipagsiksikan sa pagsakay sa tinatawag na ‘MRT’ upang hindi siya ‘ma-traffic’ at upang hindi siya mahuli sa pagpasasok. Laking pasasalamat nga niya dahil may nagpapaaral sa kaniya, dahil kung wala… ay baka mas pinili na lang niya ang magtrabaho dahil sa dami ng gastusin doon.

Ang mga prutas at gulay na pinipitas lang niya sa probinsya… doo’y kailangan pa niyang bilhin ng kilo na kung minsa’y hindi pa sariwa. Pero hindi lang naman mga negatibo ang kaniyang mga napansin, mayroon ding positibo o masasabing nagustuhan niya sa siyudad. Manghang-mangha siya sa mga nagtataasan at naglalakihang gusali doon at halos mamilipit na nga ang leeg niya sa pagtingala doon. May mga ‘mall’ na wala pa sa probinsya nila. Paborito niya iyong pasyalan, bukod sa malamig doon ay may mga nakikita rin siyang mga artista na dati’y sa telebisyon at pahayagan lang niya nakikita. Hindi nga niya nakakalimutang humingi ng ‘autograph’ sa mga iyon. Mas marami rin ang opurtunidad sa Maynila kumpara sa probinsya. Kaya nga sa pagdaan ng mga araw ay nagugustuhan na rin niya roon, pero… nasa probinsya pa rin naman ang puso niya. At kung papipiliin ay doon pa rin niya nanaising mamuhay.

Simple lang kasi ang pamumuhay sa probinsya kung ikukumpara sa Maynila, sa siyudad. Hindi na niya kasi kailangang gumastos doon para mabusog. Sariwa ang mga prutas at gulay doon at libre ang tubig na may masarap na lasa. Makakaligo rin siya sa mga malilinis na batis at ilog doon. Dito’y makakakita rin siya ng mga hayop na gaya ng baka’t kalabaw. Mga kambing na kinukuhanan ng inuming gatas. Mga saranggolang sumasabay sa ihip ng hangin at sa gabi’y mga batang naglalaro ng tagu-taguan sa ilalim ng bilog na buwan pa. Pero ang pinakahahanap-hanap niya ay ang… paggising sa umaga dahil sa tilaok ng tandang nilang manok.

Sa ngayon, natapos na niya ang unang taon ng apat na taon niyang kurso. Umuwi muna siya upang magbakasyon. Sa pagbalik niya sa probinsya ay may napansin agad siyang ilang pagbabago sa kanilang bayan. Mukhang hindi magtatagal ay magiging industriyalisado na rin ang kanilang lugar. Ayaw man niyang isipin na darating ang araw na ang mga malalawak na bukirin ay baka mapalitan na rin ng mga kabahaya’t mga gusali… pero kailangan nila itong tanggapin. Tanggapin, dahil kasama na ito sa pagbabago’t pag-unlad, ang globalisasyon. Ang mga bayan ay magiging siyudad, ang agrikulturang pinagkakakitaan ng mga tao ay magiging pang-industriya. Wala silang magagawa kun’di ito’y tanggapin. Ang transpormasyon sa paglipas ng panahon.

“Anak!” Napatayo mula sa pagkakaupo sa lilim ng puno ng makopa si Juan nang bigla siyang tawagin ng kaniyang ina.

“Saan ka ba nanggaling? Magbihis ka na at tayo’y pupunta sa bagong bukas na Gaisano Mall sa bayan.”

WAKAS

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon