Anak ng Halcon

285 9 0
                                    

MALINAW niyang naririnig ang tunog ng mga truck na dumaraan sa 'di kalayuan, mula sa bahay-kubo niyang tinitir'han. Mula sa bintana ay kitang-kita niya ang matatabang trosong nakakarga roon. Kasabay rin nito ay naririnig din niya ang pag-iging ng mga makinang pumuputol sa mga naglalakihang puno sa isang gubat na malapit sa kanila.

"Parang kailan lang," bulong niya.

Parang kailan lang ay masaya at tahimik pa silang naninirahan sa bundok kasama ang kaniyang mga ka-tribo. Na kahit napag-iiwanan na sila ng panahon dahil sa modernisasyon ay masayang-masaya pa rin sila. Masaya at kontento sa pagiging simple at payak na pamumuhay. Iyong araw-araw silang nagtitipon para paghati-hatian ang baboy-ramo na nahuli ng mga ka-tribo niya. Ang dalawa nga noon ay sapat na para sa anim na pamilyang mayroon ang pamayanan nila.

Para sa kaniya, hindi na nila kailangang bumaba pa sa patag para makaranas ng maginhawang pamumuhay na hitik sa nakakasilaw na karangyaan. Sa yaman pa lang kasi ng gubat ay sapat na para sila'y mabuhay. Kaya nilang mamuhay sa pamamagitan ng pangangaso at pagtatanim. Ayon pa nga sa itay niya, ilang daang taon na raw ang tribo nila na naninirahan sa bundok. Dito nga ay nagtaka siya kung bakit iilan na lang ang kanilang bilang, gayong matagal na pala sila rito.

"Ngunit ama, bakit uunti na lamang tayo rito sa bundok?" tanong niya.

Napansin niya ang paglungkot ng kaniyang ama. Sinabi sa kaniya nito na dahil ito sa pagbabago ng panahon. Nalaman niya mula rito na marami na pala sa mga ka-tribo nila ang bumaba sa patag sa paniniwalang mas gaganda at uunlad ang kanilang buhay roon. Na darating din daw ang araw na sasakupin ng mga may k'wartang taga-patag ang kanilang lugar. Tanging sila na nga lang ang naiwan sa bundok. Sila na mas minahal ang kultura't tradisyon kaysa pagyakap sa bagong panahon.

Inalagaan nila ang kanilang tirahan kasama na ang bundok. Sumasama na rin siya sa pagtatanim ng puno sa mga kalbong bahagi nito. Kahit iilan na lamang sila ay pinrotektahan pa rin nila ang gubat laban sa mga iligal na magtotroso. Subalit isang araw, isang grupo ng mga taga-patag ang biglang pumunta sa kanilang pamayanan. May mga nakasukbit na mabibigat na armas sa mga balikat ng ilan sa mga ito. Ang pagkakaalam niya ay baril ang tawag doon. Hinahanap ng mga iyon ang kanilang pinuno at pagkatapos ay nakita niyang may iniabot na isang piraso ng papel dito.

Ito raw ang Environment Compliance Certificate o ECC. Ipinaliwanag ng mga ito sa kanila ang nilalaman noon at sa pagkakaunawa niya'y binigyan daw ng gobyerno ang mga ito ng karapatang pumutol ng puno para sa gagawin na Mining Site. Kasama raw sa sukat ang kanilang lugar kaya kinakailangan daw nilang lisanin ang kanilang mga bahay para maisakatuparan daw ang proyekto ng mga ito. Ayon pa sa mga taong iyon, mayaman daw sa mineral na ginto ang bundok na kanilang tinitirahan. Hindi man nila maintindihan nang pero isa lang ang kanilang naunawaan, na sisirain ng mga ito ang bundok.

Napakuyom siya ng kamao at napansin niya rin sa mga mata ng kaniyang mga ka-tribo ang pagtutol. Gusto nilang magsalita pero pinangungunahan sila ng takot. Hindi kasi nila maiwasang mapatingin sa mga dala baril ng mga ito. Baka kapag tumutol ang sinuman sa kanila ay baka bala nito ang bumaon sa kanilang katawan.

Binigyan sila ng limang araw na palugit. Sinabi sa kanila na bibigyan daw sila ng salapi para makapagsimula ng bagong buhay sa patag. Bago pa nga umalis ang mga iyon ay iginiit pa ng mga ito sa kanila na iyon daw ay ang kagustuhan ng gobyerno.

Pagkaalis ng mga armadong lalaking iyon ay agad naman pinulong ng pinuno ang buong tribo. Kagaya niya, tutol din ang mga ito pero alam nilang wala silang laban sa mga armas ng mga iyon. Ang tangi na nga rin lang nilang magagawa ay ang sumunod.

LIMANG araw ang lumipas, nakapaghanda na sila para bumaba sa patag. Naibigay na rin sa kanila ang salaping sinabi, sampung libong piso kada pamilya. Sa pag-alis nila'y naabutan pa ng mga mata niya ang malalaking sasakyan na walang-awa na winawasak ang kanilang pamayanan. Naghihimagsik ang damdamin niya at maraming tanong ang naglaro sa kaniyang isipan. Gusto niyang tumakbo papunta roon para pigilan iyon pero alam niyang wala siyang laban.

Bakit kailangang magkaganito? Bakit pinapayagan ng gobyerno na manira ng kalikasan ang mga ganitong tao? Bakit kami pa ang kailangang umalis, gayong matagal na kami rito?

Napakarami pa niyang tanong, pero nanatili lang iyong walang sagot.

Naghanap sila ng ng bagong matitirahan. Hindi sila bumaba sa patag, bagkus ay naghanap sila ng lugar sa bundok na malayo sa dati nilang pamayanan. Ang akala kasi nila'y maayos na sila roon, pero isang linggo pa lang ang lumilipas ay heto't pinapaalis na uli sila.

Dito niya napagtanto na tuluyan palang kakalbuhin ang bundok para madaanan ng mga malalaking sasakyan. Unti-unting masisira ito. Mawawalan ng ganda hanggang sa wala nang makapansin. Isang malawakang pagmimina na ang kapalit ay ang pagkasira ng bundok.

Napailing na lang siya habang sama-sama nilang nililisan ang sana'y titir'han nila. Muli niyang naalala ang kuwento ng kaniyang ama. Sabi ng mga ka-tribo nilang umiwan sa kanila, na darating daw ang araw na sasakupin ng mga ma-impluwensyang tao ang kanilang lugar. Napagtanto niyang ito pala'y tama. Ngayon naman, ang iniisip niya ay ang magiging buhay nila sa patag. Sa lugar kung saan maraming mga matang mapanghusga... Mapanghusga sa mga kagaya nilang Mangyan.

WAKAS

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon