Pinakamalakas na Estudyante

118 4 0
                                    

ISANG apoy ang lumabas mula sa kanang kamay ng isang lalaki. Nakangisi ito sa harapan ng karamihan sa loob ng canteen. Pinagmamalaki niya sa lahat ang kanyang kapangyarihang taglay niya.

"Woahh! Isa siyang elemental user," sabi ng ilang pinagmamasdan ang lalaki.

"Hindi ko inaasahang may elemental user din pala na papasok sa school natin."

"Oo nga..."

Sa isang banda naman sa loob ng canteen, tahimik naman na kumakain ang isang lalaki. Alam niyang tuwing recess ay ganoon ang palaging senaryo sa lugar. Payabangan ng mga abilidad. Payabangan ng mga kapangyarihang mayroon sila.

"Buti pa sila, may mga abilidad..."

Isusubo na sana ng binata ang burger na hawak niya nang biglang dumiretso ito papunta sa kanyang mukha. Sinundan din ito ng pag-angat sa ere ng basong may lamang juice at bumuhos ang laman niyon sa ulo niya nang kusa.

"P-putangina!" Napatayo siya sa galit. Isang tawanan din ang narinig niya sa kabilang mesa. Nandoon ang tatlong estudyanteng lalaki na tinitingnan din siya. Mga kaklase niya ang mga iyon.

Tiningnan niya nang masama ang tatlo kaya parang nainis ang mga iyon.

"Ano Banjo na commoner? Papalag ka?" Nagsitayuan ang tatlo at nilapitan siya.

"Lalaban ka ba? Ano!?" sabi pa ng lalaking may kakayahang palutangin ang mga bagay. Ito rin ang may gawa ng pagkasira sa pagre-recess ni Banjo.

Napakuyom ng kamao si Banjo, pero agad din siyang sumuko. Alam niyang wala siyang laban sa mga iyon. Wala siyang kapangyarihan at siguradong bubugbugin lang siya. Napaupo na lamang uli siya at humingi ng paumanhin sa tatlo. Naging dahilan tuloy iyon para pagtawanan siya ng mga iyon at mapahiya na naman sa marami. Ilang linggo pa lang magmula nang magsimula siyang mag-aral dito pero pakiramdam niya ay hindi siya tatagal sa paaralang ito.

"A-ayaw ko nang mag-aral dito..." Nasabi na lang niya sa sarili, ngunit hindi niya iyon magagawa. Ito lamang ang paaralan na tumanggap sa kanya. Gusto niyang makatapos sa kolehiyo para matulungan ang pamilya niya sa probinsya. Alam naman niyang mas'werte pa rin siya dahil sa kabila ng kahirapan ay nagkaroon siya ng pagkakataon dito. Kahit nga nabibilang siya sa mga commoner o mga taong walang espesyal na abilidad ay nabigyan pa rin siya ng oportunidad na makapagtapos.

"Kailangan ko na lang magtiis... para sa kanila."

"NALULUNGKOT ka ba iho, kasi wala kang kapangyarihan?"

Napalingon bigla si Banjo sa tabi niya. Isang matanda na may hawak na mop ang sumalubong sa kanya.

"Ikaw lang yata sa unibersidad na ito ang walang taglay na kapangyarihan sa palagay ko."

"Tama kayo 'Lo," mahinang sagot naman ng binata at sinimulan na niyang punasan ang sarili.

"Napakas'werte nila, mga natatangi sila. Halos karamihan na ng nabubuhay sa mundo ay may kapangyarihan. Kaso, nabilang tayo sa limang porsiyento ng populasyon na mga commoner."

Tila nagkaroon ng interes si Banjo sa matandang janitor nang marinig niya iyon.

"I-isa rin po ba kayong commoner?" mahinang tanong ng binatang may halo ring pagkabigla.

Ngumiti ang matanda at nagsimulang mag-mop ng sahig. Sa kabila ng dami ng kumakain sa loob ng canteen at ingay, nang mga oras na iyon ay tila sila lamang ang tao roon.

"Palagay mo iho, isa kaya akong janitor dito kung may kapangyarihan ako?"

Nakaramdam ng kaunting pagkagaan ng loob si Banjo, akala niya ay siya lang ang commoner sa unibersidad, pero hindi pala. Mayroon pa palang iba.

K'wentong SorbeteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon