11. Now You See Me

138 41 63
                                    

"When you have eliminated the impossible, whatever remains, however improbable, must be the truth."

-Shinichi Kudo

-----

Chapter 11:
Now You See Me

· · ────── ·𖥸· ────── · ·
ZANE

10: 56 p.m.

Dinala ako ni Raine sa malapit na kainan sa Fidel A. Reyes Street. Mga limang minuto kaming naglakad papunta roon. Maliit at simple lamang ang lugar subalit mabuti naman ay bukas pa rin naman noong mga oras na iyon.

Hindi lang siya ang nakaranas ng takot na iyon. Unang beses kong makakita ng taong may hawak na baril at muntik pang paputukan ang kasama ko sa apartment.

"Raine, nabalitaan ko ang nangyari sa iyo kanina. Ayos ka na ba?" Isang lalaking maaaring nasa mga limampung taong gulang na ang humarap sa amin doon sa may counter.

"Ayos na po ako. Nadaplisan lang ng... karayom," sagot ni Raine na kahit na alam kong hindi kaaya-aya ang nangyari sa apartment ni Tita ay naroon pa rin ang kaniyang pagngiti.

"May kasama ka ngayon, a," wika pa nito.

"Ah! Binabantayan po ako nito, e," sagot niya.

Nabaling sa akin ang tingin ng lalaki at sa muli ay naranasan kong may tumingin sa akin simula ulo hanggang paa. "Ayos na rin siya," sagot nito na napangiti sa akin.

"Uh... salamat po?" Hindi ko alam kung ano nga ba ang isasagot ko. Hindi ko rin naman alam kung isa ba iyong papuri o mas malalim pa roon.

"Kailan naging kayo?" tanong ng lalaki.

Nanlaki ang mga mata ko sa aking narinig na sinabayan pa ng pagpula ng aking pisngi nang dahil sa hiya. "Hindi po. Hindi po kami magkasintahan!" sabay naming pagsagot.

"Hindi pa?" muli nitong tanong.

Wala sa isip kong magkaroon muna ng kasintahan lalo-lalo nang kakaumpisa ko pa lang sa kolehiyo. Ayokong maapektuhan nito ang pag-aaral ko.

"Hindi po at napakalabong maging kami," sagot ni Raine.

Masaya akong nasagot niya iyon kagaya ng iniisip ko subalit hindi ko alam kung bakit ba may parang kung anong kumurot sa aking puso.

"Kagaya po ng sabi niya," sambit ko naman.

"Sayang naman," wika ng lalaki. Sa wakas ay tumalikod na ito sa amin at saka kinuha ang menu na ibinigay sa amin. "Sige, maghanap na kayo ng mauupuan. Pupuntahan ko na lang kayo kapag may napili na kayong io-order."

Kinuha ko mula sa kaniya ang menu at saka ko na ito tiningnan. Doon ay nakita ko ang ilan sa mga putaheng hindi ko pa natitikman.

Hindi ko man siya tingnan ay nakita ko ang paglakad ni Raine paalis. Nang dahil sa sanay naman akong nakatingin sa selpon madalas habang naglalakad ay sinundan ko na lamang ito habang nakatutok pa rin ang mga mata sa binabasa.

Hindi naman nagtagal ay huminto na rin siya.

"Nakahanap ka na ng io-order?" tanong niya na nagpabalik na ng atensiyon ko sa paligid.

Uncovered CasesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon