Katapusan ng Agosto 1896
Santa Ana, Cagayan"MIGUEL, mamayang gabi na ang nakatakdang paghihimagsik laban sa mga Kastila," Pagkatapos ng isang mahabang araw sa pagsisilbi sa eskwela ay nakausap kong muli si Krisanto, ang isa sa mga miyembro ng maghihimagsik na kung tawagin nila ay Katipunan, "Sa gitna ng kagubatan ay magkikita-kita kasama si Kapitan Ignacio. Dumalo ka. Ihanda mo na ang iyong sarili. Nagpadala na ng telegrama ang Jacinto, wala na daw itong atrasan." Halos hindi siya huminga sa pagmamadali dahil baka may prayleng makarinig sa amin.
Tagaktak ang kaniyang pawis galing sa pagtakbo mula sitio hanggang dito, "Dadalo ako. Tinatapos ko lamang ang aking mga gawain," Tumango siya sa akin at dala ang kaniyang lumang lampara ay kumaripas palabas ng pasilyo dahil sa prayleng paparating.
Napapikit ako nang mariin at pinagmasdan ang mga gawain ng mga batang napamahal na rin sa akin. Isa-isa kong tinignan ang mga marka nito, ang iba ay matataas, ang iba naman ay napakapilyo at wala talagang ginagawa. Kaya sila hinahagupit ng prayle dahil sa kanilang kapilyuhan. Sumagi bigla sa aking isip ang aking balak sanang magkolehiyo ngunit malabo na ito sa ngayon. Sumali na ako sa paghihimagsik dahil punong-puno na ako sa buhay na aking nasasasaksihan sa araw-araw. Ang mga naghahari sa ating sariling lupain ay banyaga mula sa atin.
Isinara ko na ang pwertahan at dala ang iilan kong kagamitan ay nagtungo na sa kagubatang aming napag-usapan. Iniwasan kong magdala ng lampara dahil kapansin-pansin ito masyado sa mga gwardya sibil.
Pagdating sa kagubatan ay naroon na ang karamihan sa mga miyembrong nakalap ng kilusan. Pawang nag-uusap na sila kung saan magsisimula at ang ilan ay tinuturuan pang umasinta ang mga bagong dating kung sakaling makadampot sila ng armas sa gitna ng kaguluhan. Napakadilim at tanging ang liwanag ng buwan lamang ang aming naging tanglaw.
"Miguel," Sinalubong ako ni Ka Ignacio, "Handa ka na ba? Sigurado ka na?"
"Oho, Ka Ignacio. Huwag nating biguin ang mga nagsimula nito," Dinampot ko na ang aking bolo at dahan-dahan ay inihanda ang aking sarili sa reyalidad na mangyayari ngayong gabi. Maraming masasawi sa amin, iyon ang sigurado. Ang mahalaga ay makaabot kami sa mga prayle, at sa iilang opisyal.
"Kung gayon, magsimula na tayo," Inilibot niya ang kaniyang tingin sa amin at lahat ay taimtim na nakinig, "Alam na ng mga Kastila ang tungkol sa ating kilusan, kaya't wala na tayong dapat pang itago. Itarak sa kanila ang bolo!"
Mula roon, ang payapang gabi ay naging isang gabi ng kaguluhan, dugo, at kamatayan.
El Viejo (Kawit), Cavite
23 Marso 1897
HINDI ko na matandaan ang huling beses kung kailan ako nanalangin. Kung ang magtuturo ng panalangin sa akin ay ang mga mapupusok at mukhang perang mga prayle ay hindi na lamang. Hindi ko naman nais na lumuhod maghapon sa simbahan kung sa loob ko'y labag ito. Hindi ko alam kung naniwala nga ba ako sa Diyos. Ang alam ko'y karaniwang takbuhan ng tao sa gitna ng isang krisis ay ang paniniwalang may Diyos na nanonood sa iyong paghihirap. Ngunit pagkatapos ng krisis ay nakakalimutan nila ang Diyos na kanilang sinasabi.
"Bakit ka paligid-ligid sa aming kampo nang madaling araw?" Mariin ngunit kalmado ang mga salita ni Heneral de Jesus. Nangingiwi akong nanood sa nakagapos sa upuan na kapwa naming Pilipino, magang-maga ang mukhang halos hindi na makilala, nakahubo't-hubad sa harap namin at ng iilang sundalo sa silid. Halos madurog ang ilong nito at magkaroon ng gisi sa kaliwang kilay. Mula roon ay may natulo pang dugo patungo sa kanyang bibig. Bago pa man kami makarating sa kampo ay pinahirapan at pinagluluwa na ito ng dugo ng Kapitan, ngunit walang ni kung anong lumabas sa kanyang bibig.
BINABASA MO ANG
Sa Takipsilim
Historical FictionHIGHEST RANKING: #25 - historical fiction #2 - philippinehistory (03-20-2024) #10 - timetravel #1 - spanishera Halina't maglakbay sa oras kasabay ng paggunita nina Sol at Harold sa kanilang nakaraang buhay sa pamamagitan nina Lucia Ysabel Yangco y E...