Ikadalawampu: Ang Bagyo

41 4 0
                                    

26 Hulyo 1897
San Jose, Nueva Ecija
Spanish-Philippine War resumes

ILANG araw akong naghintay ng tugon ni Lucia sa aking telegrama, ngunit wala akong natanggap. May bahagi sa akin na umasa.

Sinabi kong wala nang dapat pang asahan, ngunit bakit ako naghihintay? Punyetero. Unang-una ay ako ang umiwas at nanakit sa kaniya ngunit bakit ako pa ang nagkakaganito?

"Oras na para magtungo ng Kawit, Koronel." Sa gitna ng aking pagsusuot ng uniporme ay pumasok na si Teyong, nagmamadali at namumutla. Tingin ko ay tumakbo siya mula Cavite patungo rito upang tawagin ang aming hukbo ng Heneral de Jesus, "Kailangan ng tulong ng brigada ng Kawit. Kagabi pa sila inuusig ng mga Kastilang naroon."

Tumango ako at nagmamadaling sumunod sa kanya at natagpuan ko rin doon si Heneral de Jesus na inihahanda ang aming brigada. Magulo ang kapaligiran, at marami ang nagsasabi ng kani-kanilang mga paalam sa isa't-isa, dahil walang kasiguraduhan ang pagkikitang muli ng mga mata. Ito ang katotohanan ng digmaan sa Pilipinas.

Sa harap ng hanay ay humingi ng kasiguraduhan si Heneral de Jesus, "Nangangako ba kayong lalaban tayo hanggang sa dulo ng ating buhay?" Umalingawngaw ang kanyang tinig sa espasyo ng plaza na nasa harap ng himpilan.

"Opo, Heneral!" Sabay-sabay na tugon ng nasa limandaang sundalo na nasa aming harap. Dala nila ang kanilang karbina at sa gilid ay ang kanilang bolo. Isa sa kanilang hanay ay hawak ni Teyong, at apat na iba pang Tinyente at mga Kapitan na aming makakasama patungong Kawit.

Nakahanay na ang libo-libong sundalo na siyang haharang sa mga lugar na balak pasukin ng mga Kastila, kasama rito ang Laguna, Cavite, Batangas, at sa Maynila. Dumaan sa aking isipan ang pamilya ni Lucia, ngunit alam kong hindi naman papakialaman ng Espanya ang mararangya na pamilya doon. Sana lang ay hindi sila paalisin sa kanilang tahanan.

Maliwanag at mataas na araw ang bumungad sa aming umaga, ngunit ang aming pakiramdam ay higit pa sa pagkakaroon ng bagyo. Napakabigat ng lahat para sa mga taong narito. Maging ang kanilang mga hakbang ay mabibigat rin dahil sa aming paglalakbay sa kanya-kanyang lugar kung saan kami naidestino.

Ang Presidente-Heneral ay sumama sa brigada ng Heneral del Pilar habang kami ay abala para sa pagdedepensa ng Cavite. Aniya'y sana ay magkita pa kami pagkatapos ng lahat ng ito at nagpasalamat sa aming serbisyo. Tingin ko ay ilang buwan, o taon magtatagal ang pag-uusig na ito. Bago pa man kami pakawalan ng Presidente-Heneral kanina ay nabanggit niya na kapag hindi namin ito kayanin ay magkakaroon naman siya ng negosasyon sa mga Amerikano. Hindi ko alam kung ano ang aking mararamdaman tungkol doon.

Pagdating sa Kawit ay bumungad sa amin ang aming mga patay na kasamahan, ang iilan sa kanila ay nasabugan ng kanyon, o kaya ay natamaan sa ulo. Nanlumo ako ngunit wala nang oras para doon. Agad kaming kumalat ng mga bagong dating na brigada kasama sina Heneral at Teyong, at patuloy na dinepensahan ang linyang ito. Sa likod ng trintsera ay nangakubli kami upang sumingit ng pagputok sa mga Kastilang nasa kabilang bahagi ng palayan.

Dinig na dinig sa aming mga manhid na tainga ang mga pagsisikad ng mga balang mula sa mga Kastila na tila anumang oras ay maaaring dalhin kami sa aming kamatayan. Nangatungo ang mga ito sa mga puno ng saging na halos maubos sa aming harapan. Dala pa ng sikat ng araw ay nanuyo ang aming mga bibig sa pangamba at pagkauhaw.

"Laban! Iilan na lamang sila, marahil ay hindi nila inasahan ang ating pagdagdag ng tauhan!" Sigaw ni Heneral de Jesus na walang awang pinapakawalan ang mga bala mula sa kanyang rebolber. Ako naman ay sinisiguradong may tinatamaan ang kada balang aking pinapakawalan sa pagbitaw gatilyo.

Ang mga asintado na mga bagong dating ay marami-rami na ring naitumbang mga Kastila. Kasabay nila ay si Teyong na ginagawa ang bagay kung saan siya pinakahinahangaan; ang pakikipagpalitan ng bala nang walang daplis.

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon