Ikalabing-anim: Ang Mediko

52 3 0
                                    

04 Hunyo 1897
Bamban, Tarlac

MALAWAK ang lugar, ngunit malabo ang kapaligiran kahit ano mang sikap kong idilat ang aking mga mata. Inilibot ko ang aking paningin ngunit walang ibang tao sa lugar na ito kung hindi ako lamang. Dinig ko ang sarili kong paghinga, at may namumuong init akong naramdaman sa itaas ng aking balikat.

Tama. Hindi ba ay tinamaan ako ng bala? Ano ba ito? Ito na ba ang purgatoryong kanilang sinasabi?

Unti-unti ay nagbalik ang aking mga alaala ng gabing iyon. Ipinahamak ko ang aming brigada! Nais kong ihilamos ang aking mga palad sa aking mukha ngunit wala akong maiangat rito. Hindi naman talaga dapat delikado ang aking pagbalik sa mga bota, nagkataon lamang na naabutan ng kawal na iyon ang paggalaw ng damo. Mabuti na lamang at sa kabila dumaan si Heneral de Jesus at ang bihag.

Nakaalis kaya sina Heneral Garcia at Teyo bago pa man magtungo ang mga dagdag na kawal? Nasaan sila? Ang bihag?

"Dumidilat na siya." Nadinig ko ang boses ng isang binibini.

"Koronel?"

"Miguelito, tumayo ka riyan at may kailangan kang ipaliwanag."

Biglaang naging malinaw ang lahat nang marinig ko ang pamilyar na tinig ng Heneral de Jesus. Siguradong malilintikan ako sa kaniya.

Isang hango sa nipa na kisame ang bumungad sa aking paningin at ang mukha ng isang binibini na matamang tinitignan ang aking mga mata. Nakataas ang diretso at itim nitong buhok, at nakahalukipkip ang mga braso. Isang tela ang nakasabit sa kanyang balikat at may mga bahid ito ng dugo. Isa ata siyang mediko.

Mula sa labas ay dinig ko ang tilaok ng mga manok na habang tumatagal ay palayo nang palayo. May kaonting kadiliman at kulay lila pa ang kalangitan sa labas. Tingin ko ay madaling-araw na.

Sunod naman ay lumitaw ang matatalim na mga mata ni Heneral de Jesus, tulad ng babae ay humalukipkip din at nagtanong, "Nailigtas mo ang mga bota, hijo."

Napapikit ako nang mariin at narinig ang tawanan ng iilang sundalo na nasa kanilang likuran. "Paumanhin po, Heneral. N-n.." Sinubukan kong bumangon at nalimutan kong huwag ituon ang aking kaliwang balikat na tila hindi ko na maikikilos pa sa sobrang kirot.

Marahas akong itinulak ng binibini pabalik sa aking pagkakahiga sa papag. "Huwag ka munang magkikilos. Bala ng karbin ang tumama sa iyo! Bigyan mo ng isang linggo," Umirap ito sa hangin at agad na nagtungo sa isang batya sa tabi at naglaho sa may pintuan. Doon ay may iilang binibini din na sinalubong siya at nagbubulungan habang nakatingin sa akin.

Napahawak ako sa sugat na ngayon ay nababalot na ng puti na tela at ipinahinga na lamang ang aking ulo.

Umupo sa silya si Heneral de Jesus, "Isang pagkakamali at isang hiyaw, Miguel. Doon at doon din sa kabundukan na iyon ay malamig ka na sanang bangkay. O baka iilan na rin sa amin ay matigas na rin dahil rito!" Napapikit ako dahil bakas ang kaniyang galit, "Mabuti ay nakatakas agad kami at sinalubong tayo ng brigada ni Heneral del Pilar at nadala ka agad rito! Punyetero!"

Napapikit akong muli, "Paumanhin, Heneral. Muntik pang mapahamak ang grupo."

"Hijo, sa susunod ay isaalang-alang mo rin ang ating pangkat, at ang iyong sarili. Bota lamang ang mga iyon, hijo. Mahal man ay makakakuha tayong muli, ngunit hindi natin kayang bilhin ng ating pera ang mga buhay na iyong ipinahamak!"

Tumango ako, "Paumanhin po," Nilingon ko ang iilang asintado na nasa likuran niya, "Paumanhin sa inyo. At salamat sa pag-alalay sa akin kagabi."

"Ang mahalaga ay ligtas tayong lahat, Koronel." Tugon ng isa sa kanila.

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon