Ikatatlumpu't-isa: Ang Bituing Marikit

146 9 15
                                        

14 Disyembre 1898
Dagupan, Pangasinan

"ALAM mo hija, isa lamang ang kailangan mong gawin. Kung nais mo talagang malaman kung iniibig kang tunay ni Miguel, aba e, pahirapan mo ito," habang kami ay naghahapunan ay binigyan ako ng leksyon ni Ina tungkol sa panliligaw ng mga ginoo. "Magsabi ka ng mga bagay-bagay na nais mong gawin niya para sa iyo."

"May tungkulin ang Ginoo, Teresita," itinaas ni Papa ang kaniyang tinidor habang kinokontra ang aking Mama. Nakakatuwa silang panoorin. Maging si Kuya Luis ay napapangiwi na lamang sa kanilang sagutan. Ako naman ay ngumingisi lamang sa bawat binibitiwan nilang mga opinyon.

"Edi mas mabuti! Mas mahihirapan siya, hindi ba?" Sumimsim si Mama mula sa kaniyang baso at pinunasan ang gilid ng kaniyang labi, "Huwag mong ipakitang nais mo rin siya. Kailangan, siya ang baliw sa iyo. Iyong parang naloloko na. Tignan mo ang iyong Papa," itinuro niya si Papa na umiling-iling na lamang sa kaniyang sinabi.

"Tama si Mama, Lucia. Pahirapan mo naman ang Koronel, nang makita mo kung gaano niya kagustong makuha ang iyong pagpayag," sa likod ng mga apoy ng kandila ay pinanood ko ang mukha ni Kuya Luis. "Noong itinanong niya sa akin kung may nobyo ka na ay tila kaya niyang gawin ang lahat upang ang maging sagot mo ay 'wala'."

Umismid ako sa kaniya. "Ikaw ba ay pinapahirapan ni Salome? Ano ang mga nagawa mo na para sa kaniya, sige nga, kuya?"

Halos mabilaukan ito sa aking tinanong at sinipa ang aking mga paa mula sa ilalim ng lamesa. Napadaing ako dahil doon. "Kuya!"

"Lucia! Luis!" Saway ng Mama ngunit natahimik kami at nagkatinginan.

Namuo ang halakhak sa aming hapag noong gabing iyon. Nangulila ako sa mga ganitong eksena kapag kasama ko ang aking pamilya. Isang pasko rin ang aking pinalipas nang hindi sila nakakasama.

Ano kaya ang mga bagay na ipapagawa ko kay Miguel? Hindi ba tama ang Papa, na may trabaho ito at baka makaabala ako? Ay hindi iyon katwiran, hindi ba? Kung nais niya ay gagawin niya!

Kinabukasan, bandang hapon na nang mapadpad si Miguel sa aming tahanan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nasasanay sa kaniyang makisig na presensiya. Paminsan nga ay hindi ako makapaniwalang mayroong ganitong ginoo ang iibig sa akin. Alam kong hindi siya mayaman, o nakatapos ng kolehiyo, ngunit masasabi kong higit pa siya roon.

Sa tuwing nagtatagpo ang aming mga mata ay agad akong napapaiwas dahil hindi ko ito kayang tagalan. Iyon pa rin ang mga matang nasilayan ko noong dapithapon na iyon sa Escolta.

Naisip kong agad kong ipapahiwatig ang mga bagay na nais kong gawin niya para sa akin. Sa harap ng aming tahanan ay siya ring isang tahanan ngunit mas maliit lamang ito sa amin. Doon sa balkonahe ay ang binibini, nakatayo at nakikinig sa panghaharanang ginagawa ng kaniyang manliligaw.

Tumingin ako kay Mama habang inilalapag ang aming inumin at itinaas ang aking dalawang kilay saka ngumisi.

Narinig ko ang pagpapasalamat ni Miguel at ang mga bakya ni Mama na umalingawngaw sa kahoy na sahig.

Humalumbaba ako sa aking silya. "Kapag ginawa iyan sa akin ay hindi ko na alam kung ano pa ang rason upang tanggihan ang pag-ibig ng ginoong iyan."

Sa gilid ng aking mga mata ay bumaling siya sa ginoong kumakanta para sa binibining nakatanghod sa kanilang bintana at katabi ang kaniyang ina, "Marunong ka bang tumugtog, Miguel?" Tanong ko at bumaling sa kaniya.

Namutla siya "Ikinalulungkot ko, wala akong alam na instrumento. Hindi rin ako sigurado sa aking pag-awit."

Ngumiwi ako sa kaniya at ibinalik ang tingin sa ginoong ngayon ay sinaraduhan na ng ina ng kaniyang sinusuyo. Nangyari man iyon ay nakangisi siyang lumakad palayo bitbit ang kaniyang bandolin.

Sa TakipsilimMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon