Ikasampu: Ang Uniporme

75 5 0
                                    

12 Mayo 1897
Escolta, Binondo, Manila

ISANG buwan na ang nakalipas mula nang malaman ko ang nakakasukang parte ng aking pagkatao. Wala akong pinagkwentuhan, at pakiramdam ko'y nawawala na naman ako sa aking buhay. Pakiramdam ko'y isa akong batang nawawala. Nawawala sa panahon. Sa isang buwan ay napakarami naming pinuntahang bayan upang tulungan ang mga rebolusyunaryong mapalaya ang kani-kanilang bayan. Bawat araw ay bangungot kasabay ng aking mga nalaman.

Hindi nagtanong ang Presidente-Heneral maging sina Heneral de Jesus sa kung anong nangyari dahil nakaramdam silang tungkol ito sa aking pagkatao. Nirespeto na lamang nila ang aking katahimikan.

"Kahit kalahi mo pa si Satanas, iho, ay ikaw pa rin ang aking Koronel na napakatuling tumakbo," Iyon ang unang beses na ako'y napatawa pagkatapos ng gabing iyon sa piging. Si Heneral de Jesus lamang ang tanging nakakagawa noon, ang napakapilyo kong Heneral.

Isang buwan mula nang iyon ay nangyari, ay ngayon lamang ako tumapak muli ng Escolta. Ngayong araw ay hindi na tumalab ang aking mga palusot, at kinaladkad ako ni Heneral de Jesus pasakay ng aming karwahe.

Inabala ko ang aking sarili sa hiling na makalimot. Bumisita kami sa iba't ibang kampo, tumulong at nagtipon ng mga tao dahil sa dami ng mga nasawing sundalo. Akala ko'y maitatakas ako ng mga iyon sa reyalidad, ngunit pagkatapos ng isang mahabang araw ay sa isang malamig na higaan ang aking bagsak. Doon ay bibisitahin ako ng mga bagay na aking iniwasan sa buong araw. Maging ang isang mukha na hindi ko matanggal sa aking isipan.

Pinilit kong itulak sa aking sarili na walang mararating ang aking pagtingin sa kaniya. Na hanggang doon na lamang iyon. Ngunit paminsan ay may madadaanan akong mga binibini sa Nueva Ecija na kaparehas ng kanyang halimuyak, at agad akong mapapalingon ngunit hindi siya ito. Imposible.

Tumigil ang aming karwahe sa tapat ng pamilyar na tahanan ng mga Yangco. Napalunok ako bago bumaba at sumunod kay Heneral de Jesus. Hindi ko alam kung paano ako haharap, o kung paano ako aakto na normal sa kanilang harapan. Nakakahiya iyong nangyari, at hindi ko alam kung wala na ba iyon sa kanilang isip.

Hindi ko na rin alam kung paano kakausapin pang muli si Lucia. Hindi naging maganda ang huli naming pag-uusap. Mabuti nang natapos na iyon doon kaysa ang pahabain pa. Mabuti nga ay nahimasmasan ako mula sa aking mga ilusyon.

"Koronel, halika na," Tapos na ang mga unipormeng nagsilbing donasyon ni Don Theodoro sa mga rebolusyunaryo. Amin na itong kukunin at ipamimigay sa iba't-ibang mga kampo.

Pagpasok sa kanilang pintuan ay naroon ang mga kahon na naglalaman ng mga uniporme. Pawis ang Donya Teresita habang nagtutupi ng mga unipormeng inilalagay sa iba pang mga kahon. Agad itong napalingon sa aming pagdating. Dalawang kahon na lamang ang natitirang walang laman.

"Donya Teresita," Bati ng Heneral.

"Koronel, Heneral," Ngumisi siya at dumalo sa aming dalawa. Tinanggal ko ang aking gorra at ibinalik ang kanyang ngisi.

"Handa na ang mga ito pagsapit ng tanghali, kaya't mamahinga na muna kayo sa itaas," Aniya at bumalik sa mga unipormeng kanyang inaayos. "Nais niyo bang tignan ang inyo?"

Nagkatinginan kami ng Heneral at sabay na tumango. Naglakad siya patungo sa isang sulok at pinasunod kami sa kaniya. Doon ay natagpuan namin si Lucia na pinapalantsa ang naggagandahang uniporme na nakasabit sa kanyang gilid. Tingin ko ay para ito sa aming mga opisyal.

Hindi kami napansin ni Lucia at wala na akong balak pang tawagin ang kanyang atensyon. Nanood lamang ako sa kanyang ginagawa. Mas humaba na ang kanyang buhok, at tingin ko ay mas tumangkad pa.

Napalunok ako habang pinapanood siyang mukhang gustong-gusto ang kaniyang ginagawa. Napakainosente. Hindi nababagay sa aking magulong mundo. Mas bagay siya sa itaas, kasama ang kaniyang mga pangarap.

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon