ARAW ng Linggo, bandang alas-tres ng hapon. Sa oras ng takipsilim namin napiling idaos ang kasal dahil espesyal ang bahagi ng araw na iyon sa aming istorya.
Ito na ang araw na pinakahihintay ng aming pamilya, ng aking nobyo, at maging ang aming malapit na mga kaibigan. Hindi kami pinahintulutang magkitang muli ni Miguel habang inihahanda ang lahat paukol sa kasal kaya't ngayon ang unang pagkakataon na magkikita kaming muli pagkatapos ng anim na araw. Hindi naman ito nabigong magpadala ng mga telegrama sa loob ng anim na araw na iyon. Binasa ko ang mga iyon nang paulit-ulit hanggang sa pag-aayos ng aking traje de boda.
Saad niya'y abala sila sa paghahanda at pangangalap ng tao, at sa lalong madaling panahon ay kakailanganin siya sa Maynila ng Heneral Luna at Heneral Del Pilar.
Pakiramdam ko'y humahataw ang aking dibdib at ako'y nanlalamig - iyon bang tila nais kong ituloy ang araw na ito ngunit hindi.
"Senyorita Lucia, ngayon lamang tayo muling nagkita magmula noong iyong kaarawan sa Escolta," Napalingon ako sa pintuan ng aking silid nang pumasok si Perla kasama ang kaniyang dalawang katulong sa pag-aayos sa akin.
Ngumisi ako at tumindig mula sa aking silya, "Perla, matagal na panahon na nga ang lumipas."
Inilapag nila ang kanilang kagamitan at tumango ako kay Mama na agad isinara ang pintuan.
"Magandang umaga, Senyorita," Sabay na iniwika ng kaniyang dalawang katulong, "Totoo ngang napakarikit ninyo! Ang swerte naman ng inyong nobyo sapagkat siya ang mapalad na nakakuha ng inyong kamay!"
Ngumisi ako at tumango, "Salamat, ngunit hindi naman gaano. Nakakahabag ang inyong mga papuri."
Naupo na ako sa harap ng aking salamin at agad na silang nagsimula sa pag-aayos ng aking buhok at mukha.
"Balita ko'y isang sundalong Pilipino ang inyong napili, Senyorita?" Tanong ni Perla habang ako'y nagbabasa ng mga liham ni Miguel.
"Tama."
Sandali ay natahimik siya at napatingin ako sa kaniyang mukha sa salamin, "Mayroon ka bang... nais sabihin, Perla?"
Umiling siya at ngumisi, "Wala naman, Senyorita. Ngunit... hindi nga lamang karaniwan sa tulad ninyong de-klaseng tao ang mag-asawa ng isang..."
Itinaas ko ang aking kilay at naibaba ang liham ni Miguel, "Isang?"
Itinikom niya ang kaniyang bibig at ako'y tumikhim, "Minamaliit mo ba ang aking nobyo?"
Umiling ito at ngumisi sa aking nababanas na mukha sa salamin, "Hindi po, Senyorita. Hindi nga lamang po... karaniwan para sa tulad ninyong... prominente ang mag-asawa ng isang indio."
"Ginagamit mo ang salitang 'indio'? Hindi ba, kung tutuusin ay indio ka rin?"
Nanahimik ito at humingi ng paumanhin sa akin. Sinabihan ko si Perla na ayusin na lamang ang aking buhok at huwag nang magsalita pa.
Magsisimula pa lang ang araw na ito ay sira na ang aking mukha.
"Napakainit ng ulo ng aking mahal na pamangkin," Halos mapatalon ako sa aking pagkakaupo nang marinig ang tinig ng Tiya Josefina kasabay ng pagbukas ng pinto, "Kasal mo ngayon kaya't dapat ay huwag kang iismid!"
Paanong hindi ako iismid kung naandito ka, Tiya? At ano ang kaniyang ginagawa rito?
Sa likuran niya ay si Angelita na tipid na nakangisi sa akin. May kakaiba sa kaniyang mukha. Itinaas ko ang aking kilay sa kaniya ngunit umiwas lamang ito ng tingin sa akin.
BINABASA MO ANG
Sa Takipsilim
Historical FictionHIGHEST RANKING: #25 - historical fiction #2 - philippinehistory (03-20-2024) #10 - timetravel #1 - spanishera Halina't maglakbay sa oras kasabay ng paggunita nina Sol at Harold sa kanilang nakaraang buhay sa pamamagitan nina Lucia Ysabel Yangco y E...