"SIGURO ay hindi mo pa alam ang iilang detalye na aking dala para sa iyo, pero gusto ko lamang na... makumpleto mo ang iyong pagkatao. Nang malaman kong isa ka nang Koronel ay tingin ko'y handa ka na," Naupo kami ng Kapitan Enriques sa may balkonahe ng mga Borja.
Sa tapat namin ay isang bote ng mamahaling alak na aniya'y aming pagsasaluhan. Hanggang ngayon ay naguguluhan pa rin ako kung bakit nais niya akong kausapin. Naalala ko ang pagbanggit ng Don na isa itong Kapitan Enriques na tumulong sa iilang kababayan ko sa Cagayan. Maaari nga dahil pamilyar siya para sa akin.
Naibaling ko ang aking tingin kay Lucia na siyang pabalik-balik ang tingin sa amin. Nang mahuli ko siyang nakatingin ay hindi na siya lumingon pa.
Hindi mawala sa aking isip ang kaniyang mga sinambit kanina. Na nais kami ng kaniyang mga magulang. Kumalabog ang aking puso sa ideyang iyon at hindi ko naikubli ang aking ngisi.
"Iniibig mo ba ang aking apo?" Wari ko'y napansin niya ang paninitig ko kay Lucia. Umayos ako sa aking pagkakaupo at nagsalin ng alak sa aking baso. Sinalinan ko rin ang sa kanya at pinanood niya akong gawin iyon.
Uminom ako roon sa baso, "Magkaibigan kami, Kapitan."
"Disparates. Ang inyong tinginan ay hindi lamang pang-magkaibigan. May mali ata sa iyong diin," Humalakhak siya.
Nanatili akong tapat sa aking sagot at hindi nagpadala sa kanyang sinabi. Agad din namang sumeryoso ang kanyang mukha at huminga nang malalim. "Hindi ako makapaniwalang ikaw na 'yan, hijo." Hinayaan ko siyang magpatuloy kahit namumuo na ang mga tanong sa aking isip.
"Noong ikaw ay tumatakas mula sa mga Kastila noong gabing..." Nag-alangan siya sa susunod niyang mga sasabihin, "Kung naaalala mo pa'y ako ang humablot sayo upang maitakas mula sa kanila."
Kaya pala napakapamilyar niya. Ngayong sinabi niya iyon ay binalikan ko ang gabing tumatakas ako mula sa mga Kastila na pumatay sa aking mga magulang. Habang ako'y nag-iiiyak dahil malapit na ang mga ito sa akin ay may isang lalaking humila sa akin at itinago ako sa isang butas sa isang matandang puno. Hindi malinaw ang aking alaala ngunit sa tanglaw na hatid ng buwan ay mukhang siya nga ito. Tumanda na siya, at mas lumaki ang kanyang katawan. Napakarami rin niyang maliliit na hiwa sa kaniyang noo at baba. Tila sinadya ang mga ito.
Hindi ko alam kung nakapagpasalamat ako sa kanya, o kung ano nang nangyari pagkatapos. Walong taon pa lamang ako noon, kaya't malabo na ang aking mga alaala.
"Kung ganoon ay kayo nga po... Kayo ang tumulong sa aming mga indio sa Cagayan." Hindi pa rin ako makapaniwala. Ang taong nagligtas sa buhay ko ay nasa aking harap. Kung hindi dahil sa kanya ay patay na rin ako ngayon.
"Hindi ko ho alam kung paano magpapasalamat... ngunit pasensya na at nakakabigla ho itong tagpo."
Tumango siya at lumagok ng kanyang inumin. Pagkatapos ay marahas niyang pinunasan ang kanyang bibig.
Nagpatuloy ako, "Ngunit bakit niyo po kami tinulungan? Hindi ho ba'y kataksilan ito? Kayo ay purong Español."
Itinagilid niya ang kanyang ulo at pinaglaruan ang kanyang baso, "Ang Ina ni Teresita ay isang indio. Isa akong... Heneral para sa Espanya noong makilala ko ang kanyang Ina. Hindi sinasadyang napaibig ako sa kanya habang kami ay nakadestino rito..."
Wala akong masabi. Hinayaan ko lamang siyang magkwento dahil mukhang mabigat ang lahat nang ito para sa kanya. Isa siya sa mga sumakop sa aming bansa? Naging isa siya sa kanila? At isa siyang Heneral ng mga Kastila? Napakagulo.
"Nang malaman nilang may kinikita akong isang indio ay pinatay... pinatay nila ito. Ngunit hindi ang sanggol. Iniwan nila ito sa malamig na sahig. Dapat ay kasama ako ngunit... hindi nila ako naabutan," Nabasag ang kanyang boses ngunit agad siyang lumunok upang maikubli ang kanyang luha, ngunit hindi nagsinungaling ang kanyang namumulang ilong at mga pisngi. Bago niya dinugtungan ay inayos niya muna ang kanyang sarili dahil tingin ko ay kinakain na siya ng kaniyang emosyon.
BINABASA MO ANG
Sa Takipsilim
Ficção HistóricaHIGHEST RANKING: #25 - historical fiction #2 - philippinehistory (03-20-2024) #10 - timetravel #1 - spanishera Halina't maglakbay sa oras kasabay ng paggunita nina Sol at Harold sa kanilang nakaraang buhay sa pamamagitan nina Lucia Ysabel Yangco y E...